DIRECTOR:
Cathy Garcia-Molina LEAD CAST: Sharon
Cuneta, Robin Padilla, Julia Barretto, Joshua Garcia, John Estrada SCREENWRITER: Vanessa R. Valdez, Kiko
Abrillo, Anna Karenina Ramos, Janica Mae Regalo
PRODUCER: Charo
Santos-Concio EDITOR: Marya Ignacio
MUSICAL DIRECTOR: Jessie
Lasaten GENRE: Comedy, Romance CINEMATOGRAPHER: Manuel Teehankee DISTRIBUTOR: Star Cinema Productions/ABS-CBN
Film Productions LOCATION: Manila
RUNNING TIME: 120 minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 3
CINEMA rating: V14
MTRCB rating: PG
Sa
gabi ng pagdiriwang ni Patty (Sharon Cuneta) ng kanyang ika-50 kaarawan,
masasaksihan niya nang di-sinasadya ang wedding
proposal ng ex-husband (John
Estrada) niya sa bago nitong girlfriend.
Maglalasing siya dahil dito at sa sobrang kalasingan, aksidenteng mapapadpad
siya sa kuwarto ni Cocoy (Robin Padilla) isang seaman at OFW. Ang
aksidenteng pagtatagpong iyon ay mauulit nang magkataon na si Cocoy ang bagong
nakabili ng bahay sa tabi mismo ng bahay kung saan nakatira si Patty. At lalong
magku-krus ang kanilang landas sapagkat sila pala ay high school batchmates at si Patty ang matagal nang crush ni Cocoy. Manliligaw si Cocoy kay
Patty ngunit hindi niya ito papansinin—pero magiging masigasig pa rin si Cocoy
at unti-unti, mapapalapit si Patty sa kanya. Ngunit, hanggang kailan kaya kung
sa unang tingin ay alangan sila sa isa’t-isa at si Patty ay nasa gitna ng
maraming pinagdadaanang problema?
Kung
tutuusin, wala naman masyadong bago sa Unexpectedly
Yours. As expected, naging
de-kahon ang mga karakter nila Cuneta at Padilla. Isang mayaman at sosyalin na babae
na alangan sa isang siga at jologs na lalaki. Pero hindi maitatanggi na nariyan
pa rin ang kilig sa tambalan ng dalawa. Sayang nga lang at hindi naman ito
pinalawig pa nang husto at masyadong nag-abala pa ang pelikula sa maraming
suliranin gaya ng generation gap at
problema sa trabaho na wala naman kinalaman sa kuwentong pag-ibig ng dalawang
bida. Sayang at tila nagkulang sa lalim ng karakterisasyon. Marahil ay natakot
ang Star Cinema na hindi mag-click sa
kabataan ang tambalang Sharon-Robin kung kaya’t kinailangan pa ang elemento ng
mga bagong usbong na batang tambalan na wala naman masyadong ambag sa kuwento.
Mahuhusay ang mga nagsiganap sa pelikula at maayos naman ang pagkakabuo nito.
Kung lalabas lamang sa de-kahong pormula—mas may maiyayabong pa ang pelikula na
magiging unexpected sana. Pero tulad
ng dati, alipin pa rin ng komersiyalismo ang kabuuan ng pelikula.
Bilang
isang love story, sinasabi ng Unexpectedly Yours na wala dapat pinipiling
edad o estado sa pamumuhay ang pag-ibig at lalong hindi ito dapat nakabatay sa
pamantayan ng ibang tao, bagkus ay nakasalalay lamang ito sa kung sino ang mga
pusong nagmamahalan. Hindi pinipilit ang pag-ibig at hindi rin ito ikinakahiya.
Ipinakita rin ng pelikula kung paanong nagkakaiba ang ligawan noon at ligawan
ng mga kabataan ngayon na labis na naiimpluwensiyahan ng internet at social media.
Sa kabuuan, sinasabi ng pelikula na iba pa rin ang relasyong pisikal kaysa sa
nagkikita at nagkakausap lamang sa pamamagitang ng teknolohiya. May halaga pa
rin ang personal na pagkakakilanlan at mas makabuluhan pa rin ang tradisyonal
na ligawan. Sa mas malalim pang mensahe ng pelikula ay nariyan ang saloobin nito
ukol sa pagpapalaki ng anak—na kung saan, hindi sa lahat ng panahon at
pagkakataon, ang magulang lagi ang nasusunod.
Darating ang panahon na dapat ding pakawalan ng mga magulang ang anak at
hayaan silang matuto anuman ang kahinatnan ng sarili nilang desisyon. Naging
magandang halimbawa si Patty sa lagay na ito—bagama’t natagalan bago siya
nagkaron ng lakas ng loob, naging magalang at mapagmahal pa rin siyang anak—at
lalong naging mapagmahal at maaruga din siyang ina. Nakababahala lamang na tila
ginawang katatawan ng pelikula ang ilang mga realidad sa buhay ng isang tao na
labas sa kanyang sariling lakas—pagtanda, pagtaba, pag-iisa—mga bagay na hindi
dapat gawing biro-biro.