Technical Assessment: 2
Moral Assessment: 2
CINEMA Rating: A 18 (for ages 18 and above)
MTRCB Rating: R 13
Si Jen (Meg Imperial) ay isang 15-anyos na estudyanteng maraming
pinagdadaanan sa buhay. Hindi niya nakilala ang kanyang ama at kanyang ina (Ara
Mina) naman ay may kinasakasamang tomboy (JC Parker) na tumatayong
padre-de-pamilya. Dahil dito’y tampulan si Jen ng tukso sa eskuwelahan kung
kaya’t mapapasama na lamang siya sa isang gang ng mga kabataang babae sa
kanilang lugar na kinabibilangan ng kanyang pinsan. Mapapansin ng kanilang guro
sa Pilipino na si Ariel (Wendell Ramos) na tila laging malungkot si Jen at
nag-iisa. Magmamagandang-loob ito na tulungan si Jen sa kanyang pag-aaral at
dito magsisimula ang kanilang pagkakaibigan. Ngunit dala ng bugso ng damdaming
kabataan ay magkakagusto si Jen kay Ariel. Magsisimula ang gulo ng akusahan ni Jen si Ariel ng dimuano’y
panggagahasa sa kanya.
Masyadong maraming nangyayari sa Menor de Edad. Bagama’t
naka-sentro ang kuwento kay Jen, madalas itong nagpapaligoy-ligoy sa sa
napakaraming tauhan na halos wala namang kinalaman sa pinakabuod ng kuwento.
Resulta’y isang pelikulang mahirap panoorin ang Menor de Edad. Isabay pa rito ang pagiging magulo ng mga kuha ng
kamera na animo’y nag-iistilong moderno ngunit wala naman sa hulog ang
pagkakagawa at hindi naaayon sa nais nitong iparating na kuwento. Maging ang
pag-arte ng mga tauhan ay pawang stereotyped
din. Walang bagong inihain maging sa script.
Maraming katanungan ang nangangailangan ng kasagutan ngunit pawang di naman
nararapat pang pag-aksayahan ng panahon dahil ang mismong gumawa ng pelikula ay
tila hindi naman interesadong alamin kung ano talaga ang gusto nilang
palabasin. Kung ang ninais nila’y magsabog ng kalituhan at pasakitin ang ulo ng
mga manonood, nagtagumpay sila dito.
Hitik din sa nakababahalang moral ang pelikula sa kabila ng
pagsusubok nitong talakayin ng napakaraming problema ng lipunan na nag-uugat sa
kahirapan. Nariyan ang pagkunsinte nito sa relasyong homosekswal na ipinakitang
katanggap-tanggap. Nariyan din ang pagtatalik ng mga kabataang menor-de-edad na
ipinakikitang karaniwan na lamang. Mayroon ding “incest”, bawal na relasyon ng
ama at anak na ngunit hindi rin naging malinaw ang tayo ng pelikula patungkol
dito. May mapang-abusong media at may guro na lulong sa masamang bisyo at ang
pinakasentro ng kuwento ay kung paanong ang kasinungalingan ay maghari sa
sistema ng ating hustisya. Ang lahat ng ito ay inihain sa paraang mababaw at
walang malabis na pagninilay. Walang malinaw na damdamin na nais iparating ang
pelikula dahil sa magulo nitong punto-de-vista.
Walang aral na matututuhan sa Menor-de-Edad,
bagkus, magiging masama lamang ang tingin ng manonood sa mundo at walang
anumang kabutihan ang makakasagip dito dahil narito ang isang pelikula kung
saan kasinungalingan ang naghahari, ang mga bata’y walang buting napupulot sa
tahanan man o paaralan, walang Diyos na pinaniniwalaan, at ang lahat ay walang
pakialam sa kinabukasan. Kung ang pelikula ay sumasalamin sa lipunan, nararapat
na malaman ng manonood na ang Menor de
Edad ay hindi malinaw na salamin kundi isang malabong pagtingin sa tunay na
kalagayan natin. Dito sila malabis na nagkulang—sa sinseridad. Hindi naging
matapat ang pelikula sa kanyang layuning magmulat dahil ang mismong binuo nila
ay isang pagmamalabis at pananamantala sa kawalang-malay at muwang ng mga
menor-de-edad na nagsiganap dito. Ito’y isang pelikulang hindi nila
maipagmamalaki sa kanilang pagtanda. Dahil sa tema nitong sekswal, at mga
eksenang nagpapakita ng karahasan, krimen, pagdo-droga at pag-inom ng alak,
minamarapat ng CINEMA na ang pelikulang ito ay para lamang sa mga manonood na hinog ang isipan, 18
gulang pataas.