Technical
assessment: 1.5
Moral
assessment: 2.5
CINEMA
rating: PG13
MTRCB
rating: PG
Ang pagpapakasal (sana) sa isang prinsipe ang
mag-aahon kay Sabel (Ai-Ai Delas Alas) mula sa kahirapan, ngunit mauudlot ang
lahat dahil matutuklasan ng prinsipe na inabandona ni Sabel ang kanyang anim na
anak sa isang bahay-ampunan. Mula sa pagkakapahiya sa pag-iwan sa kanya ng
prinsipe sa gitna ng simabahan sa mismong araw ng kanilang kasal, nagdesisyon
is Sabel na balikan ang madre sa kumbento na pinag-iwanan niya ng kanyang anim
na anak. Mula sa mga addresses na
iniwan ni Sister Maria, isa-isa niyang kinuha at binawi ang kanyang mga anak
mula sa mga pamilyang umampon sa mga ito. Sa ganito magsisimula ang kwento ni Sabel bilang ina—sa pagbawi
sa mga nakalipas na panahon na nawala siya sa piling ng mga anak. Hindi lamang
siya kundi pati ang anim na magkakapatid ay ngayon pa lang magkakakilala at
magkakasama matapos ang mahabang panahon. Maging matiwasay kaya ang kanilang
pagsasama-sama?
Palasak ang tema at halos walang ipinakitang bago
ang pelikula. Matatandaang sumikat si Delas Alas sa kanyang pelikulang Tanging Ina kung saan mayroon siyang maraming anak mula
sa iba’t-ibang ama. Halos ganun din ang takbo ng kuwento ng S.O.N.S. (Sons of Nanay Sabel).
Parehong kuwento sa parehong karakterisasyon—isang ulirang ina na maraming
pinasok na trabaho mapakain lamang ang maraming anak. Marahil kung may bago sa
pelikula, ito ay ang musika ng grupong Ex-Batallion na kung saan si Delas Alas
ang kanilang manager. Lumalabas tuloy na pawang pinilit gawin ang pelikula upang magkaron ng exposure ang grupong ito. Bagama’t
nagbigay ng bagong timpla ang kanilang musika sa pelikula, hindi pa rin ito
naging sapat para masabing isang magandang karanasan ang panoorin ito. Sa
kabuuan, nakakabagot ang pagiging luma ng konsepto ng pelikula. Nasayang ang
talento ng mga nagsiganap maging ang ilang mga talaga namang nakakatawang
eksena.
Malakas ang mensahe ng pelikula patungkol sa
pagmamahalan ng isang pamilya sa pamumuno ng isang ina. Ngunit sadyang hindi
lang matapat ang pelikula sa kabuuan sa tema at mensaheng nais nitong
iparating. Maraming tanong ang naghahanap pa rin ng kasagutan tulad ng: Bakit
sa iba’t-ibang lalaki nagkaanak si Sabel? At bakit hindi na niya nabalikan ang
mga anak kahit pa makikitang kaya naman niyang igapang ang pagpapalaki sa mga
ito? At isang araw dahil lamang sa siya ay napahiya, babalikan niya silang
lahat ng walang pakundangan sa damdamin ng mga taong kumukupkop na sa mga ito?
Ganun-ganun na lang ba talaga yun? Iiwan ang mga bata pagkatapos ay babalikan
kung kelan gusto? Taliwas at lihis sa tamang hakbang ng pagbuo ng pamilya ang
landasing tinahak ni Sabel. Malinaw na ito ay di katanggap-tanggap at parating
nauuwi sa masalimuot na kinakahinatnan ng mga kabataang namumulat sa ganitong
uri ng pamilya. Bumawi naman ang pelikula sa bandang huli kung saan naghari ang
pagmamalan ng mag-iina at magkakapatid. May pagsisi at pagpapatawad sa mga
kamalian ng nakaraan. Yun nga lang, kung itatama sana ang mali, sana’y itama
ito nang tama at hindi sa padalos-dalos na paraan.—RPJ
DIRECTOR: Dado Lomibao
STARRING: Ai-Ai Delas Alas, Mark Maglasang, John
Maren Mangabang, Flow G, Jon Gutierrez, James Samonte, Scusta Clee, Jon Santos,
Nova Villa, Kylie Versoza
SCREENPLAY BY: Mel Mendoza Del Rosario
PRODUCERS: Viva Films
GENRE: Comedy
MUSIC BY:
Vincent De Jesus
EDITED BY: Tara Illenberger
CINEMATOGRAPHY: Rain Yamson
COUNTRY: Philippines
LANGUAGE: Filipino
RUNNING TIME: 1 hour 48 minutes