Cast: Ramon Revilla Jr., Philip Salvador, Iza Calzado, Rhian Ramos, Robert Villar; Direction: Mac Alejandre; Director: Rico Gutierrez; Producers: Annette Gozon-Abrogar, Jose Mari Abacan, Ramon Revilla, Jr; Music: Von de Guzman; Editor: Augusto Salvador; Genre: Fantasy/ Adventure; Cinematography: Regiben Romana; Distributor: GMA Films; Location: Pulang Lupa;
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers of all ages
Hango sa nobela ni Carlo Caparas, Jr at isang remake ng pelikula ni Fernando Poe, Jr. nuong 1981, muling masusundan ang pinagmulan at pakikipagsapalaran ni Flavio bilang tagapagligtas ng mundo. Nang sakupin ni Lizardo (Philip Salvador) at ng kanyang mga kampon ang mundo, kumapit na lamang ang mga tao sa pag-asang darating ang isang binata na magliligtas sa kanila at magpapabalik sa paghahari ng kabutihan. Sa Pulang Lupa, si Flavio (Bong Revilla) ay isang masigasig at matapat na panday na kasalukuyang nakatira kina Lolo Isko (Jonee Gamboa) at Bugoy (Robert Villar). Bagamat atubii, tinanggap ni Flavio na siya ng manlilgtas nang makita niyang nagiging espada ang punyal na gawa mula sa bumagsak na bulalakaw mula sa langit. Dali-dali niyang tinahak ang landas papunta sa kuta ni Lizardo upang mailagtas ang kanyang minamahal na si Maria (Iza Calzado). Lingid sa kanya ay sinundad siya nina Bugoy at Estelita (Rhian Ramos) na kapwa may maghanga at pagmamahal sa kanya. Samantala, ihinasik ni Lizardo ang kanyang mga kampon upang hadlangan ang pagdating ng panday at matuloy ang kasal niya kay Maria.
Sa larangang ng visual effects at CGIs, napakalaki ng ikinahusay ng pelikulang ito at talaga namang maipagmamalaki na ang kanilang pagsusumikap na pagandahin ang aspetong teknikal upang makipagsabayan sa mga gawang Hollywood. Buong buo ang konsepto ng mga disenyo ng kasuotan, ng make-up at ng set at props ng Ang Panday. Para kang dinala sa ibang dimension kung saan ang mga tao ay nasa gitna ng makaluma at mahikal na panahon at hindi mukhang palabas sa entablado o pipitsugin palabas sa telebisyon. Nadala ni Revilla ang katauhan ng isang maginoo, mabuti at matapang na mandirigmang mortal at nakakasulasok ang kasamaan ni Lizardo sa pagganap ni Salvador. Nagawa ni Calzado na paghaluin ang misteryo at bighani sa katauhan ni Maria at nakakahawa ang kulit ni Bugoy at ng nagdadalagang si Estelita. Maaliwalas at nakakaigaya ang mga panoramic at panning shots na nagpakita ng ganda ng mga tanawin. Dahil sa mga dahilang ito, tama nga na mabigyang gantimpala ang pelikula. Kaya nga lamang, may tatlong kakulangan ang produksyon. Unang-una na ang higpit ng pagsasalaysay ng kwento. Maraming eksena at tauhan ang tila ba isiningit lamang at hindi naipaliwanag mabuti. Dagdag pa ang editing na parang nagtagpi-tagpi lamang ng mga di magkakaugnay na eksena. Ikalawa ang kakatwang pagganap ni Salvador bilang Lizardo na magkahalong Joker ng The Dark Knight at Uncle Fester ng Addams Family. Sana ay gumawa na lamang siya ng sarili niyang tauhan sa halip na manggaya ng iba. Nakakatawa rin na pagkatapos ng bawat laban ay gagawin na ni Revilla ang “panday pose” ng ilang segundo. At ikatlo, sapagkat pinagbuhusan ng panahon at ginastusan ng malaki ang mga special effects, tiniyak ng direktor na makikitang mabuti ang mga ito. Ang resulta, mabagal na aksyon, nakasasawang eksena at mga indulgent special effects.
Isang aspeto ng pagkatao ang sinikap na talakayin subalit hindi maayos na nagawa. Ito ang eksena kung saan binigyan ng pangaral ng Diwata ang bulag na si Flavio. Aniya, ang paggawa ng kabutihan, paglilingkod sa kapwa at pakikipagtunggali sa kasamaan ay isang gawaing nangangailangan ng patuloy na pag-aalay ng sarili. Hindi batayan ang ilang tagumpay, bagkus kailangang paulit-ulit na makipaglaban, masaktan, mag-alay hanggang hindi naghahari ang kabutihan. Bilang manliligtas at Christ-figure, inaasahang maraming pagsubok at paghihirap at pagdaraanan. Ang kanyang pagsuko at pagkawala ng pag-asa ay tanda ng kahinaan ng loob at pananalig sa biyaya ng Diyos. Si Hesus ay nagdaan din sa katakut-takot na pagsubok at paghihirap subalit ni minsan ay hindi siya sumuko at nawalan ng pag-asa. Gayundin, isa itong paanyaya sa bawat isa sapagkat sa mga mumunting paraan, tayo ay nagiging mga “manliligtas” na susugpo sa mga maling gawain at magpapaibayo sa kabutihan. At sa tungkuling ito, kailangan ng palagian tatag ng loob at pananalig na may isang Diyos na magbubuhos ng biyaya at paggabay.