Cast: Ogie Alcasid, Michael V., Iza Calzado, Aiko Melendez, Jomari Yllana, Leo Martinez, Roxanne Guinoo, Sheena Halili, Victor Aliwalas; Director: Mike Tuviera; Producers: Jose Mari Abacan, Ogie Alcasid, Mike Tuviera, Michael V.; Screenwriters: Ogie Alcasid, Michael V., Uro Q. dela Cruz; Genre: Comedy; Distributor: GMA Films; Location: Manila; Running Time: 100 min.;
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Bagama't may angking talino ay labis naman ang kapilyahan ni Angelina (Ogie Alcacid) kung kaya't walang tumatagal ditong yaya. Matapos ang pagkuha ng ilang mga yaya para kay Angelina, tanging si Yaya Rosalinda (Michael V.) lamang ang makakatagal sa kakulitan ng alaga. Sa umpisa'y maayos ang pakikisama ni Angelina kay Yaya Rosalinda, ngunit hindi magtatagal ay magiging sunod-sunod na rin ang kapilyahang gagawin nito sa yaya hanggang sa dumating ang araw na mapilitan rin ang mga magulang ni Angelina na palayasin si Yaya Rosalinda. Ngunit isang araw ay kakailanganin ni Angelina ang tulong ng yaya nang ito ay makidnap ng mga teroristang gustong patayin ang bibisitang Dukesa ng Wellington. Makaligtas kaya sila at magkaayos pa kaya silang dalawa?
Kahanga-hanga ang talino ng dalawang pangunahing tauhan na sina Michael V. at Ogie Alcacid na mga mismong nakaisip ng karakter ni Yaya at Angelina. Mula sa mumunting mga kuwentong mag-yaya na sumikat sa telebisyon ay nagawang pelikula na ang kanilang mga likhang tauhan. Nakakaaliw silang makita sa sinehan lalo pa't kilala na ang kanilang tambalan. Maayos at manlinaw ang kuha ng kamera at mahusay maging ang pagkakaganap ng mga pangalawang tauhan. May mga mangilan-ngilan ding nakakatawang eksena. Ngunit pawang nasayang ang pelikula dahil hindi nito napalawig ang kuwento at relasyon ng mag-yaya. Tulad sa palabas sa telebisyon, nanatili itong mababaw na walang hinangad kundi ang magpatawa. Hindi naghangad man lang ang pelikula na maglahad ng mas malalim at mas makabuluhang kuwento maliban sa pagpapatawa. Marami pa sanang pwedeng gawin sa kuwento ngunit nakuntento na lamang silang manatili sa manipis na hibla ng kwentong mag-yaya.
Bagama't lumaking spoiled brat at may kapilyahan, kitang dalisay naman ang puso ni Angelina. May taglay man siyang kakulitan, hindi naman niya sinasadya ang mga nagagawang pananakit. May ilang eksena nga lang na nakakababahala tulad ng mga pagsabog at pananadyang pananakot at pagpapahiya sa kanyang mga yaya. Hindi ito dapat tularan ng mga bata at dapat silang magabayan sa panonood. Higit na kahanga-hanga si Yaya Rosalinda na nanatili ang malasakit sa- alaga sa kabila ng kakulitan at kapilyahan nito. Hindi sumusuko si Yaya Rosalinda sa alaga kahit pa hindi niya ito kadugo. Bagay na mahirap hanapin sa mga kasambahay at yaya sa kasalukuyang panahon. Ang nabuong relasyon sa mag-yaya ay dapat magsilbing halimbawa na wala sa dugo ang pagmamahal at pagmamalasakit, bagkus ito ay kusang tumutubo basta't mayroon pagmamahal at mahabang pang-unawa ang mga higit na nakakatanda. Hindi rin magtatagumpay kailanman ang kasamaan sa kabutihan. Kahit pa walang armas, ay nagawa nila Yaya at Angelina na labanan ang mga armadong terorista sa masama nitong binabalak.