DIRECTOR: Antoinette
Jadaone LEAD CAST: Jodi Sta.
Maria, Ian Veneracion & Richard Yap SCREENWRITER:
Yoshke Dimen & Antoinette Jadaone PRODUCER: Malou Santos and Charo Santos-Concio GENRE: Romantic Comedy DISTRIBUTOR: Star Cinema LOCATION: Philippines RUNNING TIME: 120 minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 2.5
MTRCB rating: PG
CINEMA rating: V14
Sa edad na 30 ay
nababahala na si Chinggay (Jodi Sta. Maria) sa estado niyang single. Sumisidhi ang pressure sa kanyang sarili kapag
tinatanong siya kung kalian siya mag-aasawa. Ito ay dahil wala siyang boyfriend sa nakalipas na pitong taon
kung kailan iginugol niya ang panahon sa pagsuporta sa pag-aaral ng
nakababatang kapatid. Kaya nang makatapos ito ay hayagan siyang maghahangad na
magkaroon ng kasintahan. Tila sinagot naman ang hangad niya dahil magkukrus
muli ang landas nila ng dating kasintahang si Frank (Richard Yap) at
makikipagbalikan ito sa kanya. Kasabay nito ay mababaling sa kanya ang atensyon
ng isang broken hearted na customer at matagal na niyang crush
na si Ryan (Ian Veneracion). Malilito si Chiggay kung sino ang pipiliin niya.
Mula sa matagumpay na
tambalan sa telebisyon, dinala ng malikot ng imahinasyon ng Star Cinema sa
isang pelikulang romcom (romance-comedy) sina Sta. Maria, Yap at
Veneracion. Katulad ng inaasahan nakapaghatid ng kilig sinuman kina Yap
at Veneracion ang kaeksena ni Sta. Maria. Ito ay kahit hindi naman
sa love triangle ng tatlo nakasentro ang kwento ngAchy
Breaky Hearts kundi sa pagtahak ng pangunahing tauhan na si Chinggay
sa buhay bilang isang single na tila midamadali ng ibang tao
na mag-asawa. Kaabang-abang ang wakas dahil hindi predictable ang
plot katulad ng mga karaniwang romcom. Pero medyo
nakakainip ang pelikula na parang pinahabang salaysay. Ang linyang
“kailan ka mag-aasawa” na maraming beses tinanong kay Chinggay sa simula pa
lang samantalang pinapaliwanag na ng voice over , gayundin ang
mga matagal at paulit-ulit close up shot ng iba’t ibang
pag-eemote ni Chinggay. Marahil nakadagdag din sa pagkabagot
ng manonood ang monotonous na boses ng voice
over. Mabuti na lang magaling sa punch line ang mga
paulit-ulit din na eksena sa kainan ang magkakaibigan. Parang tinipid sa
make-up at tila si Sta. Maria lang ang maayos na meron nito. Maganda
naman ang disenyo ng produksyon, pati ang mg inilapat na ilaw at tunog.
May kabuluhan at tumatak ang isinaliw na musika. Sa kabuuan ay parang madalian
ang produksyon at di masyadong napag-isipan ang materyal para pagbidahan ng
tatlo.
Sa panahon ngayon ang
pagiging single at pananatiling
malaya sa responsibilidad ng pag-aasawa ay isa nang option at
dumarami na din ang pumipili nito. Wala namang masama sa pagiging single at hindi dapat itong ikabahala ng
sinumang nasa ganitong estado lalo na kung kapaki-pakinabang naman ang mga
pinagkakaabalahan, katulad ng pagtulong sa pamilya at pagpapalago ng sarili at
karera. Ngunit mahalaga na tanggap mo at
nauunawaan ang sitwasyon kung dumating man ang totoong pag-ibig. Batid kaya ni Chinggay ang makakabuti sa
kanya habang naghihintay pa siya kay Mr. Right?
Malamang ay hindi, kung ibabatay sa mga kabuluhang itinutro ng Simbahang
Katoliko ang kanyang mga ikinikilos. Bago pa naman nagkaroon ng ganitong realization ang
bida ng pelikula na si Chinggay ay hinayaan niyang mangibabaw ang kahinaan sa
kanyang sarili—katulad ng pakikipagsiping sa dalawang lalaki kahit na wala pang
linaw kung ano ang mga namamagitan sa kanila. Sinadya rin niya na pahirapan ang
dating kasintahang si Frank nang nakikipagbalikan ito sa kanya upang makaganti
sa pang-iiwan sa kanya nito noong nakaraan. Binigyang-katwiran niya at
hinangaan pa ang kapatid na nabuntis ng boyfriend
na walang trabaho at sumuong sa pag-aasawa nang hindi handa. Bilang isang propesyonal at manager ng isang business, kahit na crush
mo pa, hindi akma na samahan mo hanggang sa kwarto ng motel ang isang customer
na gusto mong suportahan, o hayaang isubo ang daliri para matanggal ang
singsing gayung bilang nagtatrabaho sa jewelry
store ay alam mo dapat ang mga paraan kung paano ito matatanggal.
Hindi rin kailangan sumisigaw kapag tinatawag ang waiter lalo na sa isang fine dining restaurant. Maaaring akalain ng manonood na
katanggap-tanggap na ang mga gawing ito, at tularan pa ng mga kabataan. Maaaring walang eksenang sex ang pelikula pero para sa mature viewers ang
kabuuang tema at presentasyon nito ng pelikula.