DIRECTOR: JUN ROBLES LANA LEAD
CAST: JUDY ANN SANTOS. ANGELICA PANGANIBAN. JOROSS GAMBOA, JC DE VERA DIRECTOR: JUN ROBLES LANA SCREENWRITER: ELMER GATCHALIAN PRODUCER: CHARO SANTOS-CONCIO GENRE:
COMEDY DRAMA DISTRIBUTOR: STAR CINEMA LOCATION: PHILIPPINES RUNNING
TIME: 120 Minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 2
CINEMA rating: V14
Parehong nagdududa sa pagkalalaki ng kani-kanilang mga mister ang
dalawang Mrs. Reyes na sina Lianne (Judy Ann Santos) at Cindy (Angelica
Panganiban). Sa kanilang di inaasahang pagtatagpo ay makukumpirma nila na
bakla nga ang asawa ni Lianne na si Gary (Joross Gamboa) at asawa ni Cindy na
si Felix ( JC De Vera). Matutuklasan din nila ang mas masaklap na katotohanan
na magkarelasyon ang mga bakla nilang asawa. Sa tuluyang pag-iwan ng
dalawang Mr. Reyes sa kani-kaniyang pamilya ay magsasanib pwersa sina Lianne at
Cindy at uupa ng private invetigator upang
malaman ang mga plano at ginagawang magkasama ng mga asawa nilang bakla pati
ang balak na pagpapakasal ng dalawa sa Taiwan. Magkahalong sakit at galit ang
nararamdaman ng dalawang Mrs. Reyes lalo na kapag nakikita nila na masaya ang
mga asawa nilang bakla samantala sila ay miserable. Gagawa sila ng mga paraan
para magkahiwalay ang dalawa katulad ng pakikisabwatan sa isang macho dancer, pagbubuking sa biyenan at
pagpo-post ng open letter na magba-viral
sa social media.
Kumplikadong kwento na binigyan ng mahusay na trato ang Ang
Dalawang Mrs. Reyes. Mabigat ang tema pero naihatid ng magaan.
Magaling ang direktor at ang mga artistang ngsiganap lalo na sina Santos at
Panganiban. Bagamat maraming eksenang nagpatawa sa mga manonood, epektibo din
nahugot ng pelikula ang iba’t ibang reaksyon at damdamin ng mga manonood
katulad ng galit, paninisi, awa, unawa at simpatiya. Nakakalibang at nakaka-relate pakinggan ang mga diyalogo.
Kuhang-kuha naman ng kamera ang mga emosyon ng mga karakter ng dalawang Mrs.
Reyes pati ang mga detalye ng mga ginagawa ng mga asawa nilang bakla na
magkalaguyo. Maganda rin ang mga kuha ng kamera sa isang festival sa Taiwan. Sa kabuuan ay maayos
ang mga teknikal na aspeto at nakakaaliw panoorin ang pelikula.
May kasabihan na sa pagiging totoo sa sarili at pagkatao nagiging malaya
ang isang tao. Subalit may kaakibat na responsilidad ang pagiging malaya.
Ito ang hindi isinaalang-alang ng mga karakter na bakla sa pelikula. Sa halip
ay ginamit ang pagpapakasal upang subukang makapagtago sila sa katotohanan. Sa
kulturang Pilipino na malaki ang pagpapahalaga sa kasal at bilang bansang
Kristiyano na sagrado ang turing dito, Ang Dalawang Mrs Reyes ay
salungat sa pagpapahalagang ito. Ang pag-aasawa ay isang panghabambuhay
na pagtatalaga ng sarili sa isang relasyon kaya dapat ay buo ang loob at
isipan sa pagpasok dito. Kung may isyu sa pagkatao, hindi dapat magpakasal ang
isang tao dahil siguradong madadamay ang iba. Sa pelikulang ito biktima ang mga
babae na nagmistulang desperado at miserable samantalang nagpapakasaya ang mga dahilan
ng pagka-miserable nila. Sa gitna ng kumplikadong sitwasyon ay unti-unting
nagkaroon ng pagtanggap, pang-unawa at pagpaparaya sa parte ng mga biktimang
babae. Maselan at seryoso ang kabuuang tema na tinalakay sa pelikula katulad ng
adultery, deceit, investigative scheme, at same sex marriage. Pawang may mga
negatibong epekto ang mga nabanggit na tema sa pamilya at sa lipunan.
Nakababahala na tinalakay ang mga ito sa tratong nakaaaliw at maaring isipin ng
mga taong may murang isipan na katanggap-tanggap ang mga ito.