Thursday, August 29, 2013

Bakit hindi ka crush ng crush mo?


Cast: Kim Chiu, Xian Lim, Ramon Bautista, Freddie Webb, Kean Cipriano; Director: Joyce Bernal;  Producer: Star Cinema; Running Time: 110 minutes; Genre: Romantic Comedy Location: Manila

Technical assessment: 3
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: for viewers 14 years old and above

            Makikipag-break kay Sandy (Kim Chiu) ang boyfriend (Kian Cipriano) nito sa kanya sa kanilang anniversary.  Dahil sa matinding pagkabigo at pagkawasak ng puso, magiging depressed ng todo si Sandy at maaapektuhan ang kanyang trabaho. Ang boss naman niyang si Alex (Xian Lim) ay kababalik lang galing Amerika mula rin sa matinding pagkabigo. Masisisante si Sandy sa trabaho ngunit kukunin siyang muli ni Alex. Magkakaroon sila ng kasunduan: tuturuan ni Alex si Sandy na makabangon mula sa pagkabigo kapalit ng pagsasaayos ni Sandy ng negosyo ni Alex na ipinagkatiwala ng pamilya niya sa kanya upang salbahin. Magtagumpay kaya sila sa kanilang naisin kung magiging sagabal ang kanilang mga damdamin sa isa’t-isa?
            Sa pamagat pa lang ng pelikula, maiintriga agad ang mga manonood kung ano ang bagong sasabihin nito patungkol sa pag-ibig. Umikot ang kuwento kay Sandy at kung paanong makakabangon ang wasak na puso mula sa pagkabigo. Maraming malalim na mensahe ang pelikula patungkol sa pagharap sa mga katotohanan ng pag-ibig. Nakakatuwang panoorin si Chiu na talaga namang lumutang ang galing sa pagpapatawa sa pelikula. Isa siyang rebelasyon sa pelikulang ito. Pawang mahuhusay din ang mga kasama niya rito at di matatawaran ang galing sa pagganap. Maraming magagandang eksena na kapupulutan ng aral habang nagpapatawa. Hango sa sikat na akda ni Ramon Bautista, maayos na naisapelikula ang nilalaman ng libro ni Bautista, kasama pa rito ang kanyang paglabas mismo sa pelikula, na nagsilbing gimmick nito. Yun nga lang, wala naman masyadong nasabi ang pelikula or si Bautista bukod sa mga impormasyong alam na ng manonood. Hindi naman talaga nasagot ng pelikula ang tanong na Bakit hindi ka crush ng crush mo.
            Ano nga ba ang mahalaga sa buhay? Mahalaga ba ang pagmamahal ng iba upang pahalagahan ang sarili? Iginigiit ng pelikula na hindi, ngunit salungat dito ang bandang huli at ang maraming pagkakataon sa pelikula. Si Sandy ay iniwan ng kanyang nobyo dahil hindi na nito masikmura ang kanyang itsura. Sinasabi noong una ni Sandy na dapat siyang tanggapin ng sinuman anuman ang kanyang panglabas na anyo. Ngunit bakit kinailangan pa rin niyang baguhin ang kanyang itsura at pananamit para matanggap at mahalin ng iba sa huli? Kahanga-hanga ang naging pagbabago ni Sandy sa kalagitnaan ng kuwento, lalo na ang pagpapakita niya ng tapang sa lalaking nanakit sa kanya at lumapastangan, ngunit malabo pa rin ang kabuuang mensahe ng pelikula dahil pawang romansa at pagmamahal pa rin ng isang lalaki ang bumuo sa kanyang pagkatao sa huli.
            Bagama’t may mga aral na mapupulot sa pelikula lalo na sa usapin ng pamilya, trabaho, pagtanggap sa pagkatao at pagmamahal ng walang kundisyon, kinakailangan pa rin ang patnubay ng mga magulang sa manonood na may mga murang isipan, lalo’t higit sa ilang mga aspetong moral.  Halimbawa, nakakabahala ang naging usapin ng pelikula patungkol sa pakikipag-talik ng mga mag-nobyong di naman kasal—para bang ginagawa na lamang kaswal na usapin ang aspetong ito ng relasyon.  Malabo ang tayo ng pelikula patungkol dito. Bale-wala na ba ang wika ng Diyos tungkol sa bagay na ito?  Sinayang ng Bakit hindi ka crush ng crush mo? ang pagkakataong makapagturo ng tumpak sa mga kabataang nasa edad na ng pagkakaroon ng crush.  Dahil dito, hindi masasabi ng CINEMA na karapat-dapat itong panoorin ng mga bata, o ng mga romantikong ayaw tumanda.