Saturday, November 5, 2011

ASWANG


CAST: Lovi Poe, Paulo Avelino, Albie Casino, Juliane Ward, Bembol Roco, Precious Lara Quigaman, Mark Abaya ;DIRECTOR: Jerrold Tarog; STORY AND SCREENPLAY: Jerrold Tarog, Aloy Adlawan;PRODUCER: Regal Films;GENRE: Horror; LOCATION: Manila, Pampanga; RUNNING TIME: 110 minutes

Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2.5
Cinema Rating: For viewers 14 years old and above

Si Daniel (Paulo Avelino) ay isang hired killer na kasamang inutusang patayin ang isang pamilya. Ngunit hahayaan niyang makatakas and dalawang batang anak (Albie Casino at Julianne Ward)  ng kanilang pinaslang. Dahil dito’y kakailanganin nilang hanapin at sundan ang dalawang bata. Mapapadpad ang dalawang bata sa isang probinsiya na pinamamahayan pala ng mga nakakatakot na aswang na kung tawagin ay Ab-wak. Ang isa sa mga uri nila na si Hasmin (Lovi Poe) ay may kabutihang taglay at hindi na niya nais pa ang ginagawa ng mga uri nila. Ipagtatanggol niya ang dalawang bata at ililigtas sa kapahamakan at kalaunan ay makikilala din niya si Daniel at kapwa sila mabibighani sa isa’t-isa. Ngunit nasa panganib ang buhay nilang lahat dahil si Hasmin ay nakatakda nang ipakasal sa nuno ng mga aswang upang higit pang mapalakas ang pwersa ng kanilang lahi. Makatakas pa kaya silang lahat gayong higit ang kapangyarihan nito kaysa mga tao?

Isang pelikulang naglayong magpakita ng maraming elemento at aspeto ng buhay ang pelikulang Aswang. Nagawa nitong ilahad ang sanga-sangang kuwento ng iba’t-ibang tauhan. Malinis sa kabuuan ng pelikula lalo na kung ang pagututuunan ng pansin ay ang kuha ng kamera at special effects. Naging kapani-paniwala ang lahat dahil masusi nitong iningatan ang maraming detalye. Mahusay din ang tunog at musika. Ang mga nagsiganap ay pawang magagaling din. Simple ang kanilang naging atake sa pag-arte upang mapalutang ang daloy ng kuwento. Nagkulang lang marahil ang pelikula sa pananakot. Para sa isang pelikulang katakutan, hindi gaanong makapanindig balahibo ang mga eksena sa pelikula. Ngunit ang pinakamahalaga’y naghain naman ito ng isang bagong kwentong aswang.

Ang aswang sa pelikula ay hindi lamang ang mga aswang na nilalang kundi pati na rin ang mga taong parang  o daig pa ang aswang kung pumatay ng kapwa-tao. Hindi tuloy malaman ng mga manonood kung kanino ba tataya…sa mga halimaw ba na nangangain ng tao o sa mga mamamatay-tao? Pinalabas ng pelikula na kung tutuusin ay mas may pusong tao pa ang mga halimaw kaysa sa mga tao kung minsan. Sa ipinakitang kabutihan ni Hasmin sa kabila ng kanyang pagiging aswang ay maaring maging insipirasyon sa sinumang nag-aakalang ang kanilang kasalanan ay walang kapatawaran at hindi na sila maaring magbago ng buhay. Ang pagbabagong-buhay ang siyang hinahangad ng dalawang pangunahing tauhan. Ngunit sa kabila ng lahat ng pangyayari sa pelikula, natupad kaya nila ito? Paano paninindigan ng mga aswang na maari silang mabuhay ng walang sinasaktan o pinapatay kung ito ang natural sa lahi nila? Napahamak si Daniel sa paglalagay ng batas sa kanyang mga kamay ngunit hindi malinaw at maigting na makikita ang  kanyang pagsisisi bagama’t basa sa kanyang mga mata na di niya nais ang kanyang ginagawa. Ganun din si Hasmin na naninindigang hindi siya magkakalat ng lagim. Nanatiling dalisay ang kanilang hangarin ngunit hindi maitatangging ginamit pa rin nila ang kani-kanilang kapangyarihang itim upang puksain ang mga kaaway. Sa bandang huli, sila’y pawang mga bayani pa ng mga bata sa pelikula. Nakababahala ito ng bahagya at nararapat na maipaliwanag sa mga batang manonood.