DIRECTOR: Gil
Portes LEAD CAST: Aljur Abrenica, Louise de los Reyes, Markki
Stroem, Aben Estanislao, Allen Abrenica, Vin Abrenica, Archie Adamos, Menggie
Cobarrubias SCREENWRITER: Eric Ramos CINEMATOGRAPHER: Albert Banzon MUSIC: Francis
de Veyra FILM EDITOR: George Jarlego PRODUCER: Rex Tiri GENRE:
History, bio epic FILMING
LOCATION: Lucban, Quezon RUNNING TIME: 108 minutes
Technical assessment: 2.5
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: V18
MTRCB rating: PG
Musmos pa lamang si Apolinario de la Cruz (Aljur
Abrenica) ay nais na nitong magpari.
Datapwa’t nang dumating ang araw na lumapit siya sa mga Dominikano upang
pumasok sa pagpapari, nabigo siya pagkat noong mga panahong iyon, hindi
tumatanggap ng “indio” ang Simbahang Katolika.
Sa masidhing pagnanasang mapalapit sa Diyos, nagpatuloy siya sa
pananalangin at pag-aaral ng bibliya habang siya’y naglilingkod bilang isang
“donato” sa ospital ng San Juan de Dios, at kabilang sa Cofradia de San
Juan. Di maglalaon, ibabahagi niya ang
kanyang kaalaman at karanasan sa ilang kababayan, at magtatayo siya ng sariling
Cofradia de San Jose, isang kapatirang nagpapalaganap ng debosyon kay San Jose,
esposo ni Maria, at tatagurian siyang “Hermano Puli”. Maraming maaakit si Hermano Puli na sumanib sa
Confradia, ngunit hindi magtatagumpay ang hangarin ni Puli na kilalanin ng
Simbahan ang kapatirang itinatag niya.
Sa halip, dulot na rin ng hindi pagkakaunawaan ng mga nasasangkot,
pagbibintangan pa sila na nagsisimula ng himagsikan laban sa gobyerno.
Base sa tunay na
buhay ni Apolinario de la Cruz ang Hermano
Puli, bagama’t mahirap sabihin kung gaano ito katapat sa mga tunay na
pangyayari, pagkat hindi ganoong karami ang sinasaad ng kasaysayan tungkol kay
de la Cruz. Lutang ang katapatan ng
hangarin ni Portes na ilahad ang katotohanan ayon sa kanyang pang-unawa, bagay
na nakatagpo ng katapat sa marubdob na pagganap ni Abrenica bilang Puli at ng
iba pang nagsiganap. Nakadagdag sa
damdamin ang maayos na sinematrograpiya, ngunit maaaring hanggang dito na
lamang ang mapupuri ng CINEMA sa teknikal na aspeto ng pelikula. Hindi sapat ang mga katangiang ito na
bigyang-katarungan ang matayog na layunin ng direktor. Sayang.
Minsan, nagmimistula pa ngang komedya ito gawa ng isang karakter na
hindi magkandatuto kung gaanong karaming hangin ang ipalalabas sa ngala-ngala
niya upang magtunog-kastilaloy ang pananalita niya. Nakakadiskaril sa kuwento.
Ayon sa mga press releases at ilang mga manunulat,
si Hermano Puli ay isang bayaning nauna pa ng mga dalawang-daang taon kaysa
kina Rizal at Bonfacio sa paghihimagsik laban sa mapang-aping dayuhan. Hindi ganito ang “dating” ng Hermano Puli sa CINEMA. Bagama’t tapat sa pagnanasa niyang maglingkod
sa Diyos sa abot ng kanyang makakaya, si Puli ay pinagdamutan ng panahon na
tumugon sa tawag sa kanya ng Diyos sa tamang paraan. Sa kawalan ng wastong gabay, ng taong
magmamalasakit upang akayin siya sa tumpak na daan, walang maasahan si Puli
kundi ang sarili niyang pang-unawa, sa bibliya man o sa turo ng Simbahan. Ang dami ng bilang ng mga kaanib niyang
umaasa at halos ay sumasamba sa kanya ay lalo lamang nagsilbing panggatong sa
kanyang pananaw na salat naman sa liwanag. At gawa na rin ng poot sa puso nilang may
masasaklap na karanasan sa kamay ng mga prayle, nagkaroon ng kulay-himagsikan
ang simpleng layunin ni Puli na kilalanin ng Simbahan ang samahan niya. Nagka-suson-suson na ang mga pangyayari ng
di-pagkakaunawaan, dumanak ang dugo, at nalagasan ng maraming buhay ang
dalawang pwersang nagsagupaan
Pagka’t maselan
ang tema ng Hermano Puli,
ipinapaalala ng CINEMA na maging masusi tayo sa panonood nito. Halimbawa, pansinin nawa natin ang isang
eksenang nagpapakita na naliligaw na ng landas si Puli: binabasbasan niya ang
mga anting-anting at tinitiyak sa mga pinagbibigyan niya na dahil dito, hindi
sila tatablan ng bala man o patalim sa kanilang pakikipaglaban—ngunit lumisan
ang kasama nilang pari bilang pagtanggi sa alok na anting-anting. Nang sa
kalagitnaan ng mga bangkay ng kanyang mga kasamahan, si Puli ay napaluhod at luhaang
napasigaw sa langit, ipinagpapalagay ng CINEMA na napaglimi na ng binata na
siya’y nagkamali sa kanyang pananalig, at ito’y kanyang pinagsisisihan na. Ito kaya ang ginustong ipakita ng direktor? Ito din kaya ang nakikita ng manonood? Ang nangyari ay nangyari na, bahagi na ng
kasaysayan. Si Hermano Puli ba ay bayani
o baliw, santo o sano? Diyos lamang ang makapaghahatol. Ang mahalaga para sa mga saling-lahi ay ang
limiin ang katotohanan at makinabang sa mga aral na napapaloob sa kasaysayan.