DIRECTOR:
Olivia Lamasan LEAD CAST: Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, Aiko
Melendez, Maria Isabel Lopez, Joey Marquez, Ricky Davao SCREENPLAY: Olivia Lamasan, Carmi Raymundo PRODUCER:
Charo Santos-Concio, Malou Santos EDITOR:
Marya Ignacio MUSICAL
DIRECTOR: Cesar Francis Concio GENRE:
Drama, Romance CINEMATOGRAPHER:
Hermann Claravall DISTRIBUTOR: Star Cinema
LOCATION: Spain, Philippines RUNNING TIME: 125 minutes
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3
Cinema Rating: PG 13
MTRCB
Rating: PG
Si
Ely (Daniel Padilla) ay nasa Barcelona, nagpapakadalubhasa sa Arkitektura, at
kumakayod bilang waiter, tour guide
at assistant photographer, habang
pilit na hinihilom ang pusong sawi sa pag-ibig. Makikilala niya rito si Mia (Kathryn Bernardo) na malaki ang
pagkakahawig sa babaeng dahilan ng kanyang kasawian. Baguhan si Mia sa
Barcelona, magkakaroon ito ng matinding problema at mangangailangan ng trabaho.
Tutulungan siya ni Ely subalit lagi siyang pumapalpak at nagkaka-problema sa
mga pinapasukan. Palibhasa pala’ý anak-mayaman si Mia na tumatakas lamang sa
galit ng ama kung kaya’t nagpakalayo-layo sa Barcelona. Unti-unting mapapalagay
ang loob ni Ely kay Mia ngunit hindi nito tiyak kung handa na siyang magmahal muli.
May puwang ba ang kanilang pag-iibigan sa buhay na pilit nilang tinatakasan?
Maraming sanga-sangang masasalimuot na kwento sa loob ng Barcelona: A Love Untold.
Nakapaligid sa kwento nina Ely at Mia ay ang kanya-kanyang
kwentong-pamilya sampu ng kanilang ilang mga kaibigan at kaanak. Pagkat sa
Barcelona ang setting ng kuwento,
hindi rin maiiwasan na masaling ang mga isyung kinakaharap ng mga kababayan
nating Overseas Filipino Workers (OFW) na sa paghahanap ng magandang kapalaran
sa ibang bansa ay namumamulat sa katotohanan na hindi pala ito magiging madali.
Marahil sa sobrang dami ng kuwento nakapaloob sa isang makulay na lugar at
makulay nating kasaysayan bilang isang lahi na halos nararating ang lahat ng
sulok ng mundo, hindi rin napigilan ng pelikula na magtambak ng napakaraming
problema, kuwento at alalahanin sa mga bida nito. Bagama’t nagkaron naman ng
resolusyon ang lahat, sayang pa rin sapagkat mas napagyabong pa sana ang bawat
isa sa mga kuwentong ito kung hinayaan na lamang na bumida pansamantala ang
kuwentong pag-ibig nina Ely at Mia. Kung tutuusin kasi, ang totoong mabigat na
kwento ay yung mga sugat ni Ely na hindi pa naghihilom, hindi ang papausbong pa
lamang nilang romansa ni Mia. Maging ang problema ni Mia ay nag-anyong mababaw
din sa gitna ng lawak ng sakop ng suliranin ng mga OFWs. Mahuhusay naman lahat
ng nagsiganap. Ang tambalang Kath-Niel ay unti-unti nang umuusbong bilang mga
seryosong aktor ng kanilang henerasyon. Ngunit sadyang hindi maitatangging
musmos pa rin silang tingnan sa kabila ng lalim ng kanilang hugot sa emosyon—kaya’t
tila sila ipinilit na maging mature
agad sa pelikulang ito. Pero sa kabuuan,
hindi hindi naman ganoong kasama ang pelikula kung usaping teknikal ang
pag-uusapan. Maganda ang napiling lugar na Barcelona, bago at interesante sa
paningin ng manonood.
Sinasabi ng Barcelona: A Love Untold na hindi kailanman maaaring matakasan kung anong hapis ang
nasa puso ng isang tao, saan man siya magpunta ay mumultuhin siya nito kung
kaya’t nararapat niya itong harapin at bigyan ng kaukulang pansin. Pagmamahal
na hindi nadama, hindi naihayag at hindi naranasan mula sa kanyang ina ang
naging ugat ng malalim na sugat ni Ely. Pinaigting pa ito ng kanyang kabiguan
sa isang pag-ibig na natapos sa panahong di niya inaasahan at sa pagkakataong
babagabag sa kanyang kalooban. Kung kaya’t hindi magiging madali sa kanya ang
magbukas ng sarili at magmahal ng buo dahil sa pakiwari niyaý hindi siya
karapat-dapat. Malalim ang pinaghuhugutan nito sapagkat naka-sentro ito sa
pamilya na dapat ay laging sama-sama sa hirap at ginhawa ngunit pinaglalayo ng
pagkakataon at kahirapan ng buhay. Isa itong matinding usapin na kinakaharap ng
mga pamilya ng OFW. Sayang at pahapyaw lang ang pagtalakay sa aspetong ito ng
kwento sa loob ng pelikula. Si Mia naman ay ganun din, pamilya pa rin ang
naging ugat ng marami niyang hugot sa buhay. Sa kadulu-duluhan, sa pamilya pa
rin magmumula at magbabalik ng paulit-ulit ang pagmamahal kaya dapat itoý
pinagtitibay. Bagama’t walang eksenang nakababahala, liban sa pagdadampi ng
labi ng dalawang bida, kailangan pa ring patnubayan ng mga magulang ang mga
batang manonood sapagkat may kabigatan ang kabuuan ng kuwento at may ilang mga
eksena pa ring marahas at maselan.