DIRECTOR: Irena
Emma Villamor CAST: Bela Padilla, Andi
Eigenmann, Yassi Pressman, Kim Molina, Arci Munoz, Sam Milby STORY: Bela Padilla, Neil Arce SCREENWRITER:
Irene Emma Villamor DIRECTOR OF
PHOTOGRAPHY: Maria Theresa “TEY”
Clamor MUSICAL
DIRECTOR: Francis de Veyra SOUND SUPERVISOR: Dan Joseph Galapon FILM EDITOR: Chrisel Desuasido GENRE: Comedy, Drama PRODUCTION DESIGNERS: Ferdie Abuel, Digo Ricio EXECUTIVE PRODUCER: Vic del Rosario, Jr. PRODUCTON COMPANY: Viva Films, N-Squared Production DISTRIBUTOR: Viva Films COUNTRY: Philippines LANGUAGE: Tagalog, English RUNNING
TIME: 83 minutes
Technical
assessment: 3.5
Moral
assessment: 2.5
CINEMA
rating: V14
MTRCB
rating: PG13
Magwawakas sa hiwalayan ang 10-taong relasyon ni
Bridget (Bela Padilla) kay Cris (Dennis Trillo) at mawawasak ang puso ni
Bridget dahil dito. Makikita nya sa
internet ang Camp Sawi, ang lugar na pinupuntahan ng mga broken hearted.
Hahantong siya dito kung saan makikilala
at magiging kaibigan nya ang mga katulad nyang sawi sa pag-ibig na sina Jessica
(Yassi Pressman), Gwen (Arci Muños), Clarisse (Andi Eigenman), at Joanne (Kim
Molina). May kani-kaniyang kuwento ng kabiguan ang mga bagong kaibigan—natuklasan
ni Jessica na bakla ang kanyang boyfriend; inayawan at ginawan pa ng break-up song si Gwen ng kanyang boyfriend
na kasama nya sa banda; hindi naman na matiis ni Clarrisee ang pagiging
kerida ng karelasyong doktor; at biglaang namatay dahil sa aksidente naman ang
nobyo ni Joanne. Tutulungan sila ni Louie (Sam Milby), ang Camp Master at
Chef ng Camp Sawi habang sumasali sila sa programa sa Camp Sawi na
magpapagaling sa kanilang mga puso.
Mahusay ang pagkakatahi ng kwento ng Camp
Sawi. Mula sa aktwal na paglalahad ng kabiguan ni Bridget ay epektibo ding
naihatid ang mga nangyari sa mga kapwa niya sawi sa pamamagitang ng flashback
scenes. Malikhain ang titulo at ang
konsepto nito bilang isang lugar na takbuhan ng mga sawi. Medyo nakakainip lang
ang ilang eksenang pinahaba katulad ng pagsusuplada ni Bridget kay Louie, mga
eksena ng kalasingan ni Gwen, at ang paghuhukay sa buhangin ni Joanne. Mahusay
ang mga pagganap, naihatid nila ang mga damdaming sawi lalo na si Padilla.
Magaling ang pagkakatalaga ng mga roles sa mga aktor/aktreses
ng pelikula. Makahulugan ang mga linya, seryoso man o patawa katulad ng mga
sinasabi ng piloto kay Bridget. Maganda ang mga kuha ng camera sa mga tanawin,
sa paglalabas ng emosyon at mga detalye ng disenyo ng produksyon. Akma rin ang
mga inilapat na tunog, ilaw at musika. Sa kabuuan ay maganda ang mga teknikal
na aspeto ng pelikula.
Palaging dalawa ang mukha ng buhay. Katulad ng
tagumpay at kabiguan, at lahat ng tao ay dumadanas ng mga ito. Sa kabiguan, ang
mahalaga ay malagpasan ito sa tulong ng tamang proseso upang makapagpatuloy sa
buhay na buo muli ang sarili at may pag-asa. Mayroong lugar na pwedeng puntahan
kung saan maaring ibuhos ng isang tao ang lahat ng sakit, galit o hinanakit sa
mundo. Mayroon ding mga tao na kakilala man o hindi ay handang makinig at
makisimpatya sa nararamdaman ng isang taong sawi ng walang pagsasamantala.
Bagamat nakatuon sa kasawian sa pag-ibig, ito pa rin ang pangunahing
mensahe ng Camp Sawi. Gaano man kasakit ang maidulot ng
pag-ibig ay hindi dapat maging dahilan ito upang hindi na magmahal ang isang
tao. Yon nga lang, dahil exclusive na lugar ang pinakita sa
pelikula bilang hide away ay halata na may kamahalan ito at
hindi abot ng budget ng isang
ordinaryong sawi. Bilang therapy ay medyo mababaw ang mga pinakita sa pelikula.
Maraming bulgar na salita sa mga linya ng mga pangunahing tauhan. Maging ang mga pinagdaanang relasyon ng mga
sawi ay tumatalakay sa mga sensitibong isyu ng pre-marital sex, adultery, homosexuality, at arranged marriage.
Madalas din ang mga eksena ng kalasingan bilang paglimot. Bagama’t umayos
pa rin sa bandang huli ang mga buhay ng mga dating sawi, kailangan ng hinog na
isipan ng manonood upang maunawaan ang mga pinagdaanan at pinagdadaanan ng mga
tauhan sa pelikula.