Monday, April 18, 2011
Tum: My Pledge of Love
CAST: Robin Padilla, Mariel Rodriquez, Datu Khomeini Bansuan, Ejay Falcon, Nash R Raza, Queenie Padilla; DIRECTOR: Robin Padilla; SCREENWRITER: Robin Padilla; PRODUCER: Star Cinema; GENRE: Romantic Comedy; DISTRIBUTOR: Star Cinema; LOCATION: India, Philippines
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers ages 14 and above
Nagbalik si Ravaan (Robin Padilla) sa bayan ng Alipur, India nang mabalitaan nito ang pagkamatay ng amang Indiyanong-Muslim. Nailibing na ang ama pagdating niya at maaatasan siyang pamahalaan lahat ng negosyong naiwan ng kanyang ama. Ngunit ang pamanang ito ng kanyang ama ay may kalakip na kondisyon: kailangan niyang pakasalan si Linda (Mariel Rodriguez) na siyang punong-guro sa paaralang pag-aari nila. Hindi magiging maganda ang kanilang pagtatagpo at hindi rin magiging maayos ang pakikitungo nila sa isa’t-isa sa simula. Ngunit pagkalaon ay magkaka-hulugan din sila ng loob at tuluyang magpapakasal. Ngunit hadlang pa rin dito ang ilan dahil sa ibang relihiyon at lahing pinanggalingan ng dalawa.
Nagsubok ang Tum: My Pledge of Love na gumawa ng pelikulang may kakaibang timpla at inspirasyon. Nariyan ang kuwentong pag-ibig na malapit sa kuwento ng dalawang tauhan sa totoong buhay at nariyan din ang lugar ng India pati na ang pagpapakilala sa atin sa “Bollywood” na siyang industriya ng pelikula sa bansang India. Ang resulta’y isang pelikulang puno ng maraming elemento na tila hindi rin naman nagkatugma at hindi nakuha ang tamang timpla sa kabuuan. Madilim ang mga kuha ng camera at mangilan-ngilan lamang ang pagkakataong maeengganyo ang manonood sa mga tanawin ng India. Malamlam at kung minsan ay over-acting ang mga tauhan lalo na si Rodriguez. Alanganin din ang takbo ng kuwento at di malaman kung saan nito nais magtungo. Kung ang Tum ay kuwentong pag-ibig, kulang ito sa kilig. Kung ito naman ay drama, kulang ito sa hagod ng damdamin. Mas lamang ang pagiging aksyon ng pelikula ngunit pawang kulang pa rin sa sipa ang lahat ng ito kung susumahin.
Malakas ang mensahe ng pelikula ukol sa pagtanggap sa iba’t-ibang lahi at relihiyon. Na ang relihiyon o pagkakaiba ng lahi man ay di dapat maging hadlang sa pagmamahalan at kapayapaan. Magkakaiba man ang tao ng paniniwala at kulay ng balat ay iisa ang kanilang adhikain—ang mabuhay ng payapa sa pag-ibig. Ganunpaman, naging labis na nakababahala ang ipinakitang karahasan sa pelikula. Nariyan ding palabasing masasama at makikitid ang mga pang-unawa ng karamihang mga katutubong Indian. Pihadong hindi masyadong matutuwa ang mga taga-India na makakanood nito. Taliwas sa mensahe ng pelikula ang ilang mga imaheng ipinakita dito. Pero sa bandang huli nama’y ipinakitang pag-ibig at pag-ibig lamang ang siyang makakahanap ng paraan upang magkatagpo ang dalawang pusong pinaglayo ng pagkakataon. At tanging pag-ibig din lamang ang siyang maaring magpatalikod sa isang tao sa karangayaan at kapangyarihan.