Sunday, April 3, 2011

Catch Me... I'm in Love


CASTt: Sarah Geronimo, Gerarld Anderson, Matteo Guidecelli, Ketchup Eusebio, Arlene Muhlach, Joey Marquez, Christopher de Leon, Dawn Zulueta; DIRECTORr: Mae Czarina Cruz; SCREENPLAY: Mel Mendoza del Rosario ; PRODUCER/ DISTRIBUTORr: Star Cinema ; LOCATION: Manila; GENRE: Romantic Comedy; RUNNING TIME:105 minutes

Technical Assessment: 2
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers ages 13 and below with parental guidance


Si Roan (Sarah Geronimo) ay nagmula sa isang simple ngunit masayahing pamilya. Nagtatrabaho siya sa isang NGO (Non-Government Organization) na tumutulong sa mga mahihirap na pamilya sa probinsiya. Si Erick (Gerard Anderson) naman ay ang nag-iisang anak ng presidente ng Pilipinas (Christopher de Leon) na kababalik lamang mula Amerika kung saan siya ay nagtapos ng isang kurso. Palibhasa’y lumaki sa luho at may hinanakit sa ama, kakikitaan ng kawalang-direksiyon sa buhay si Erick ng kanyang ama. Sa isang kakatwang insidente ng pagtatagpo nina Roan at Erick ay makakaisip ang ama ni Erick ng paraan kung paanong maturuan si Erick na magkaron ng direksyon sa buhay. Papupuntahin si Erick ng kanyang ama sa probinsiya upang makihalubilo sa mga uring magsasaka. At dito ay papasamahin siya kay Roan. Hindi magiging magkasundo ang dalawa sa umpisa. Ngunit kalaunan di’y magkakahulugan ng loob ang dalawa. Ngunit hindi pala magiging madali para kay Roan ang maging kasintahan ng anak ng may pinakamataas na tungkulin sa bansa.

Kung tema ang pag-uusapan ay medyo luma at gasgas na ang kuwento ng Catch Me I’m in Love. Bago sanang maituturing na makasilip ang manonood ng kathang-isip na kuwento patungkol sa Unang Pamilya ng Pilipinas ngunit sa kabuuan ay pawang wala namang bagong nasabi ukol dito. Hindi rin ramdam ang laki ng konsepto ng pelikula. Pawang pinilit at pinababa nilang lalo ang opisina ng Pangulo ng Pilipinas. Pawang hindi tugma ang mraming bagay sa pelikula at nangunguna na rito ang kakulanga ng tinatawag ng “chemistry” ng dalawang tauhan. Ang papel na ginampanan ni Gernonimo ay tila kaparehas na lang mga nauna pa niyang pelikula. Sa maraming pagkakataon ay lumalaylay ang mga eksena sa pelikula at tumatamlay ang interes ng mga manonood dito. Maayos naman ang pagganap ng mga tauhan ngunit sadyang walang maramdaman sa kabuuang daloy ng kuwento. Masyadong naging mababaw ang dating ng materyal na dapat sana ay mayabong at malalim kung napagtuuan lamang ng pansin.

Marami namang aral na inihain ang pelikula. Nariyan ang patungkol sa pagmamalasakit sa kapwa at pag-iisip ng kapakanan ng iba bago ang sarili. Kita ang mahalagang papel na ginagampanan ng pamilya at magulang sa pelikula. Pinatunayan lamang nito na ang pamilya pa rin ang humuhubog ng pundasyon ng isang pagkatao. Ang dalawang pangunahing tauhan, bagama’t magkaiba ng estado sa buhay ay parehas napalaki sa maayos na pamilya kung kaya’t maituturing silang magandang halimbawa. Mahalaga ring tingnan kung anong buti ang maidudulot ng pagmamahal sa pelikula. Sa pagmamahal sa kapwa ay sumusunod na rin ang pagmamahal sa Diyos at bayan. Ang tunay na pagmamahal ay nakakapagpayabong sa isang pagkatao at nagagawa nitong possible ang mga bagay na inaakala nang imposible katulad ng pagbabago ni Erick sa pelikula na tumubo lamang dahil siya’y pinagmalasakitan ni Roan. Ang tunay na pagmamahal ay ang pag-iisip sa kapakanan ng minamahal bago ang sarili. Ito ang maliwanag na ipinakita ni Roan kay Erick lalo na sa mga panahong nahihirapan siyang makisabay sa uri ng pamilya at mga kaibigan ni Erick. Sa kabuuan ay hitik sa magagandang aral ang pelikula at sinasabi nitong ang pagmamahal ang pinakahigit sa anu pa man na nais nating magkaroon sa buhay na ito- yaman, kasikatan, kapangyarihan.