Friday, April 29, 2011
Pak! Pak! My Dr. Kwak!
CAST: Bea Alonso (Dr. Cielo), Vic Sotto (Dr. Kwak, Angelo), Zaijan Janranilla (Angelito), Xyriel Manabat, Pokwang, Jose Manalo, Wally Bayola, Zanjoe Marudo; DIRECTOR: Tony Y. Reyes; PRODUCER: ABS CBN & M-Zet’s Productions; GENRE: Comedy/ Drama/Fantasy; DISTRIBUTOR: Star Cinema; LOCATION: Philippines
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Si Angelo (Vic Sotto) ay isang pekeng manggagamot. Nagpapalit-palit siya ng anyo at lugar dahil sa banta sa kanyang buhay sa minsang hindi niya napagaling na pasyente. Mapapadpad ang grupo nila sa isag bagong lugar kung saan naroon si Dra. Cielo (Bea Alonzo). Bagama't may pagtingin si Dra. Cielo kay Angelo, magiging kontra ito sa mga gawaing pangagamot ni Angelo dahil sa ginagawa nitong pananamantala sa mga tao. Sa pagpipilit ni Dra. Cielo na patunayang pekeng doktor si Angelo ay darating si Angelito (Zaijan Jaranilla), nisang anghel na pinababa mula sa langit dahil sa misyong pagbaguhin si Angelo. Gagawa si Angelito ng mga himala para kay Angelo sa kondisyong gagawa ito ng kabutihan kapalit ng mga milagro. Maging matagumpay kaya ang kanyang misyon kay Angelo?
Wala namang masyadong bagong putaheng inihain ang Pak! Pak! My Dr. Kwak! Nakita na natin ang maraming kuwento ukol sa huwad na faith healers pati na ang tungkol sa mga anghel na pinababa sa lupa dahil sa kapilyuhan. Sinubukang bigyan ng pelikula ng bagong-bihis ang mga gasgas na konseptong ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng bagong koneksyon sa mga lumang elemento. Pero ang kinalabasan ay tila pilit pa rin. Maging ang mga special effects ay hindi rin naging kapani-paniwala. May ilang mga nakakatuwang eksena pero karamihan sa kanila ay ibinabalik lamang ang nakagawian nang "toilet humor" kundi man slapstick. Nariyan pa rin ang mga karaniwang pormula sa pagpapatawa tulad ng sampalan, pambabatok, mga bastos na patawa kundi man nakakapandiri. Karaniwan na rin at walang bagong ipinakita ang mga komedyante sa pelikula. Si Sotto ay ganoon pa rin ang atake samantalang si Alonzo naman ay parang naligaw sa maling pelikula. Walang naramdamang kilig sa dalawa. Sa patawa nama'y hindi rin ito masyadong naging matagumpay. Marahil, kung ginawa na lamang nilang drama ang pelikula baka naging mas epektibo pa ito.
Sa kabila ng maraming kakulangan ng pelikula sa teknikal na aspeto, hitik naman ito sa mabubuting aral. Nasundan sa pelikula ang kuwento ng dalawang tauhan na kapwa may kailangang baguhin sa kanilang mga pag-uugali. Isang pilyong anghel at isang huwad na mangagamot na puno ng galit ang puso. Nagawa nilang pagbaguhin ang isa't-isa at natuto silang maging mapagbigay at magsakripisyo para sa kanilang mga minamahal. Sa umpisa'y ipinakita kung paanong nasasadlak sa maling gawa ang isang tao at ang ugat nito karaniwan ay kasamaan din tulad ng galit at pagiging ganid. Malakas din ang mensahe ng pelikula ukol sa tunay na pagbabago na ibang-iba sa balatkayo lamang, Ang tunay na pagbabago ay nanggagaling sa puso at hindi ipinipilit dahil lamang sa makukuhang kapalit sa bandang huli. Nakababahala nga lang ang ilang ipinakitang representasyon ng mga anghel at langit na tila walang malinaw na basehan at nagmumukhang katawa-tawa ang kanilanng anyo. Nakakabahalang maniwala ang mga batang manonood na ganito nga itsura ng langit at mga anghel. Ang ilang pambabastos din sa kababaihan at may kapansanan sa ngalan ng pagpapatawa ay nakakabahala din. Pero sa kabuuan naman ay may malalim na mensahe ang pelikula ukol sa pagbabago at pagsasakripisyo at sa puntong ito ay pwede nang patawarin maging ang ilang kasalanan ng pelikula dahil ito naman ang tunay na tatatak sa isipan ng manonood sa bandang huli.