Tuesday, September 7, 2010

Sa 'Yo Lamang


Cast: Lorna Tolentino, Bea Alonzo, Christopher de Leon, Coco Martin, Enchong Dee, Miles Ocampo ; Director: Laurice Guillen; Story and Screenplay: Ricky Lee; Producer: Star Cinema; Running Time: 120 minutes; Genre: Drama; Location: Manila


Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3.5
Rating: For viewers 14 and above


Matapos mawala ng sampung taon, si Franco (Christopher de Leon) ay magbabalik sa pag-asang siya’y muling tatanggapin at patatawarin ng kanyang pamilyang iniwan at pinabayaan niya. Ang asawa niyang si Amanda (Lorna Tolentino) ay nakahandang patawarin siya at tanggapin alang-alang sa kanilang mga anak. Ngunit hindi magiging madali para sa kanila na tanggapin muli si Franco. Ang panganay na si Dianne (Bea Alonzo) ang may pinakamalalim na hinanakit sa ama. Si Coby (Coco Martin) naman ay pilit na lalapit sa kanyang ama dahil lamang sa nagrerebelde ito sa ate niyang si Dianne. Sina James (Enchong Dee) at Lisa (Miles Ocampo) naman ay halos hindi na makilala ang ama dahil mga bata sila nang sila’y iwan nito. Sa kabila ng pagpupursigi ni Amanda na ilapit si Franco sa mga anak, magsasanga-sanga naman ang kani-kaniyang problema ng mga ito na pilit pang maglalayo sa kanila at magpapalala sa kanilang pagkakawatak-watak. May pag-asa pa kayang muli silang mabuo bilang pamilya?

Isang makabagbag-damdaming kuwento ang Sa ‘Yo Lamang. Sa gitna ng dalisay at relihiyoso nitong tema ay nagawa nitong ipakita ang lahat ng aspeto ng isang pamilya – ang maganda’t ang pangit, mga kalakasan at mga kahinaan, mga tagumpay at mga kabiguan. Nagawa nitong magpakita hindi ng isang “banal” na pamilya kundi ng isang ordinaryong pamilyang nagsusubok at nagpipilit magpakabanal sa gitna ng maraming unos at pagsubok. Mahusay ang pagkakasulat at pagkaka-tagni-tagni ng iba’t-ibang kuwento na umiikot lamang sa iisang tema—pagpapahalaga sa pamilya. Mahusay ang pagkakadirehe at kitang nais ipalutang ang puso ng kuwento. Walang itulak kabigin ang pag-arte ng lahat ng tauhan lalo na si Tolentino at Alonzo na pawang mahuhusay na aktres. Sina de Leon at Martin ay pawang mahuhusay na aktor din. Akma rin ang tunog at musika sa bawat eksena at sa bawat pagtaas ng emosyon ay sadyang nakakaantig sa damdamin ng manonood.

Sa gitna ng makabagong panahon ng teknolohiya, sa kabila ng nagbabagong pagtingin sa mga relasyon at pananaw sa buhay, narito ang isang pelikulang nagsasabing walang pinakamahalaga kundi ang pagmamahal na magmumula sa pamilya na itinatag ng Diyos at Simbahan. Ipinakita ng Sa ‘Yo Lamang ang tunay na kalagayan ng maraming pamilya sa panahon ngayon: magulo, watak-watak, walang pagkakaisa at abala sa kani-kanilang buhay. Tulad ng maraming pamilya, ang pamilya ni Amanda ay hindi perpekto. Sa kabila ng nakamit nitong kaunting karangyaaan bunga ng pagsisikap, marami itong itinatagong madilim na lihim. Ngunit sapagkat may matibay na pananalig sa Diyos, nagagawa ni Amandang pagbuklurin at itaguyod ang kanyang pamilya. Sa panahon man ng hirap o ginhawa, hindi siya nakakalimot tumawag sa Diyos. Kahanga-hanga ang ipinakitang pananampalataya ni Amanda na sa kabila ng mga pagsubok ay hindi bumitaw sa pagdarasal at paghahangad ng mabuti para sa kanyang pamilya. Ang kanyang mga anak, katulad din nila ng kaniyang asawang si Franco ay hindi rin mga perpekto. Nagkakamali sila at nadarapa. Ngunit ang mahalaga’y natututo silang bumangon at nagagawa nilang itama ang kanilang mga pagkakamali. Ito rin ang nagpatibay sa kanila bilang mga tao at bilang isang pamilya. Higit sa lahat, ipinakita ng Sa ‘Yo Lamang ang kahulugan at kahalagahan ng pagpapakasakit at pag-aalay ng sarili ukol sa ikabubuti ng marami. Sa panahon ng labis na kalungkutan at kahirapan, tunay na walang ibang malalapitan ang tao kundi ang Diyos at tanging Siya lamang ang dapat kapitan sa oras ng pighati upang ito’y maging mas makahulugan at makabuluhan.

Maaaring makita ng mga pamilya ang kanilang mga sarili sa mga tauhan ng Sa ‘Yo Lamang. Sa gayon, iminumungkahi ng CINEMA na magsama-sama ang mga kabilang ng pamilya sa panonood nito pagkat mayaman sa mga paksang maaaring pag-usapan ang pelikula, tulad ng: Maganda ba ang ibinubunga sa pamilya ng pagtataksil ng isang magulang? Maaari bang sabihing makatuwiran ang nangyari sa pinagtaksilan? Tumpak ba ang naging damdamin ng panganay na anak laban sa pagbabalik ng ama? Kailangan bang mabingit muna sa kamatayan ang isang magulang upang matutong magpatawad ang mga anak? Pawang susudan ng “Bakit?” ang mga katanungang iyan, bagay na makatutulong sa pang-unawa ng mga kabataan sa sakramento ng kasal. May ilan lamang tema at eksena sa pelikula na hindi angkop sa mga bata at kailangan ng patnubay ng mga magulang upang maipaliwanag ang dala nitong aral.