Cast: Sid Lucero, Cogie Domingo, Rocky Salumbides; Director: Adolf Alix, Jr. Screenplay: Jerry Gracio; Running Time:100 minutes; Location: Baguio; Genre: Drama/ Adult
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 1
Rating: For Viewers 18 years old and above
Magsisimula ang kuwento nang dekada 70. Pagkalabas ng seminaryo, si Jun (Sid Lucero) na ang namahala ng kanilang inn at humalili sa yumao niyang ina. Mahihikayat si Jun na sumali sa isang komunistang kilusan na naghahangad ng pagbabago mula sa diktadurya, at dito ay magkakaroon siya ng relasyon sa kapwa lalaki nilang lider. Sa kasamaang palad ay masasawi ang kasintahan niyang ito at ibubunton sa kanya ang sisi kung kaya’t siya’y ilalaglag ng samahan. Makikilala naman niya ang abugadong si Errol (Cogie Domingo). Magsisimula sila sa kaswal na pagkakaibigan na hahantong sa isang sekswal na relasyon. Lilipas ang panahon at makakapag-asawa si Errol at magkakaroon ng dalawang anak. Minsan isang taon ay umaakyat si Errol ng Baguio upang makipagkita kay Jun kahit pa ito’y may iba na ring kinakasama. Sa pagdaan ng mga taon ay hindi malilimot nina Jun at Errol ang isa’t-isa ngunit may kani-kaniya na rin silang buhay pamilya at pag-ibig, at ang kanilang relasyon ay hindi rin tanggap sa lipunan. Magawa pa kaya nilang mapanindigan ang kanilang pagmamahalan?
Ang Muli ay uminog sa iba’t-ibang panahon ng kasaysayan ng Pilipinas mula dekada 70 hanggang sa kasalukuyan. Maganda sanang panimula ito at tila isang bagong bihis para sa isang kuwentong pag-ibig na namamagitan sa dalawang lalaki. Ninais ng pelikula na pagsabayin ang paghahayag ng kalayaan ng bansa mula sa diktadurya at ng kalayaan sa paghahayag ng piniling kasarian o sekswalidad. Ngunit hindi ito naging maliwanag sa kabuuan ng pelikula dahil hindi gaanong naipakita ang malinaw na koneksyon ng dalawa. Pawang lumalabas na nagkataon lamang na naganap ang kanilang kuwento sa nasabing panahon. Ilagay man ito sa ibang panahon o lugar, hindi pa rin magbabago ang takbo nito. Hindi naman matatawaran ang husay ng mga nagsiganap lalo na si Lucero na naging kapani-paniwala sa kanyang papel. Maging is Domingo at iba pa ay pawang mahuhusay din. Nabigyang buhay nila ang kani-kanilang ginampanang tauhan. Yun nga lang ay nagkulang ng kaunti sa hagod ang karakterisasyon kaya lumabas na napakababaw ng kanilang mga pagkatao. Mahusay naman ang kuha ng camera at paglalapat ng musika.
Maraming ibinatong argumento ang pelikula sa lipunan at simbahan. Pilit nitong inilalarawan ang namamayaning kaapihan ng mga mamamayan, sa larangang ekonomiya man o sekswal, na nag-uugat sa gobyerno at lalo na sa simbahang Katoliko. Naging talamak , tahasan at talaga namang lantaran ang ginawa nitong pagkukuwestiyon sa turo ng simbahan ukol sa relasyon at sekswalidad. Pinalabas nitong makitid at sarado ang isipan ng simbahan sa usaping homosekswalidad. Hindi isina-alang-alang ng pelikula ang kahalagahan ng pamilya. Bagkus, malabis nitong binigyang pansin ang sekswal na relasyon ng dalawang lalaki na wala namang lalim kundi nakaugat lang sa pagluluto ng isa ng kaldereta. Bukod dito, wala nang makitang dahilan kung bakit nila minamahal at inaantay ang bawat isa. Sa tuwing sila’y magkikita, pagtatalik lang naman ang inaatupag nila. Walang malalim na kumustahan, walang matinding pinag-uugatan ang kanilang pag-iibigan. Naipakita naman kung gaano katindi ang naging epekto kay Errol ng ginawa niyang pagsisinungaling sa asawa ngunit sa bandang huli’y niromansa pa rin ang pag-iibigan nina Jun at Errol. Kung magiging ganito ang basehan ng wagas na pag-ibig, wala nang pamilyang mabubuo at ang lahat ng pagkakaibigan ay parati na lamang mag-uugat sa kababawan o tawag ng laman. Hindi marahil nauunawan o natatanto ng mga gumawa ng pelikula na ang simbahan ay sadyang maunawain at maawain sa sinumang nagkakasala. Ngunit ang kanilang isipin at palabasin sa pelikula na walang masama sa relasyong homoseksuwal ay siyang tunay na nakakabahala. --Rizalino R. Pinlac, Jr.