Cast: Joem Bascon, Jess Evardone, Ina Feleo, Flor Salanga, Neil Ryan Sese, Tessie Tomas; Director: Milo Sogueco; Producers: Gay Ace Domingo, Milo Sogueco; Screenwriters: Gay Ace Domingo, Audie Gonzales; Music: Darryl Shy; Editor: J. M. Basa; Genre: Drama; Cinematography: Alma dela Peña; Distributor: Cinemalaya Foundation; Location: Manila; Running Time: 110 mins.;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Si Amy (Ina Feleo) ay nagtatrabaho sa isang sanglaan na pagmamay-ari ng kanyang tiyahin na si Olivia (Tessie Tomas), ang nagpalaki sa kanya matapos sumakibalang-buhay ang kanyang mga magulang noong bata pa siya. Bagama’t nalulugi na ang sanglaan ay hindi ito magawang ipasara ng kanyang Tiya Olivia bilang paggalang sa alaala ng yumao nitong asawa kahit pa ang mga anak nito ay nais na siyang ipetisyon sa Amerika. Sa sanglaan at sa kanyang Tiya Olivia umiikot ang buhay ni Amy at kahit siya’y halos tatlumpung-taon gulang na’y hindi siya halos nakakapamasyal mag-isa at hindi pa rin nagkakaron ng nobyo. Hanggang sa makilala at mabibighani siya sa bagong boarder sa itaas ng sanglaan na si David (Joem Bascon), isang seaman na nag-aabang ng magandang kapalaran patungong ibang bayan. Dito magsisimulang magsubok si Amy na buksan ang sarili sa maraming posibilidad ng buhay sa labas ng apat na sulok ng sanglaan.
Malalim ang pinaghuhugutan ng kuwento ng Sanglaan na ginamit ang katahimikan upang maiparating ito. Naging epektibo naman ito sa kabuuan dahil sa magagandang kuha ng kamera at mahuhusay na pagganap ng lahat ng tauhan. Hindi karaniwang pelikula ang Sanglaan sapagkat di tulad ng karaniwang kuwento, walang masyadong aksyon sa pelikula. Walang hagulgulan, walang histerya at walang gaanong gulatan. Ang lahat ng ito’y pawang sinadya ng mga kuwentista ng pelikula: ang ipakita ang pang-araw-araw na buhay ng mga taong nakakahon sa kani-kanilang mundong ginagalawan. Ngunit tila hindi gaanong naging kaaya-aya sa mga manonood. Marahil ay nasobrahan ng katahimikan ang pelikula at hindi nito lahat naiparating ang tunay na mensaheng nais sabihin. Marahil, nagpadala pa rin ang pelikula sa agos ng kombensiyon at hindi pa rin naiwasan ang paminsan-minsang melodramatikong paglalahad. Sa bandang huli’y mas maraming tanong kaysa sagot na maiiwan sa manonood at naroon ang pakiramdam ng pagkabitin hindi lamang sa kuwento ng pelikula kundi pati na rin sa kung ano ang nais nitong sabihin.
Sa kabila ng maraming iniwang tanong ng pelikula, may mangilan-ngilang malinaw na mensahe itong nais iparating. Nariyan ang pagpapahalaga sa mga magagandang ala-ala at sentimyento. Ito ang dahilan kung bakit ayaw ipasara ni Olivia ang kanyang sanglaan. Ito rin ang dahilan kung bakit pilit na sinasalba ng ilan sa mga tauhan ang ilang kagamitang puno ng ala-ala ng kanilang mahal sa buhay. Sa panahon ng kagipitan, nariyan ang sanglaan na siyang magbibigay ng panandaliang solusyon sa pangangailangan ng mga tao. Ngunit ito nga ay panandalian lamang at walang kasiguruhan. Inihantulad ang buhay ng tao sa isang sanglaan kung saan nakasangla ang buhay nating lahat sa isang kapalarang hindi natin nalalaman. Gaano man kahalaga ang ginto, alahas at ilang materiyal na bagay, may ala-ala man itong iniwan o wala, isa ang tunay na mahalaga at dapat pahalagahan ng tao ayon sa pelikula – pagmamahal at makahulugang relasyon. Magagawang isangla ng isang tao maging ang kanyang buhay alang-alang sa taong minamahal.