Cast: Richard Gutierrez, Cristine Reyes, TJ Trinidad, Miriam Quiambao; Director: Yam Laranas; Producers: Jose Mari Abacan, Veronique Del Rosario-Corpus, Vincent G. Del Rosario III, Yam Larnas; Screenwriters: Yam Laranas, Aloy Adlawan; Music: Nani Naguit; Editor: Chuck Gutierrez; Genre: Horrors; Cinematography: Yam Laranas; Distributor: GMA Films; Location: Manila; Running Time: 100 mins.;
Technical Assessment: 2
Moral Assessment: 1.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Dalawampung taon na ang nakalilipas nang masaksihan ni Lukas (Richard Gutierrez) ang pagpatay sa kanyang pamilya ng mga aswang dahil lang kinukuha ng mga ito si Guada (Cristine Reyes). Hindi na nahuli ang mga ito ngunit makakatanggap bigla si Lukas ng balitang ang isa sa kanila ay nahuli ng isang pulis (TJ Trinidad) na pinatay rin ng mga aswang ang buong pamilya. Magbabalik si Lukas sa kanilang lugar upang makita ang mukha ng taong pumatay sa kanyang pamilya. Nakakulong sa isang silong ng ospital ang nahuling suspek. Laking gulat niya nang makita niyang ang nahuli pala ay si Guada na bagama't dalawampung taon na ang nakalipas ay hindi nagbago ang anyo. Anumang gawin ay hindi mapatay-patay ang tulad ni Guada. Ito ang pilit na aalamin nila Lukas habang si Guada ay pilit na kinukuha ng mga kasamahan niyang aswang. Ngunit pawang napapalapit si Lukas kay Guada dahil sa naging mabait ito sa kanya. Isa pa, sinasabi ni Guada na ayaw na niyang pumatay ng tao kung kaya't hangga't maaari'y ayaw na niyang sumama sa mga kasamahang aswang. Subalit hindi titigil ang mga ito sa pagpatay sa mga tao sa ospital hangga't hindi nakukuha si Guada. Dito magsisimulang malito si Lukas kung pakakawalan ba niya o hindi si Guada.
Walang dudang maganda ang intensiyon ng pelikula. Wala rin dudang magaganda ang kuha ng kamera at may mga eksena talagang madadala ang manononood sa katakutan. Ngunit hindi pa rin maitatanggi ang napakaraming butas sa kuwento ng pelikula. Nariyang hindi malinaw kung si Guada ba ay kakampi o kaaway. Hindi rin malaman kung paanong naging malapit si Lukas kay Guada at kung paanong ang damdamin sa isang tao ay magbago sa loob lamang ng ilang oras o minuto? Hindi rin katanggap-tanngap ang maraming kamalian sa detalye tulad ng hindi pagtawag ng mas malaking puwersa gayong nalalaman nilang hindi tao ang kanilang kaaway kundi halimaw? Paanong ang isang pasyente ay maiwan sa gitna ng halos abandonado ng ospital? Ilan lamang ito sa mga katanungang iniwan ng pelikula. Sayang at maayos sana ang pagkakadirehe at ang pag-arte ng mga tauhan ay maayos naman. Ngunit kulang na kulang sa bigat at lalim ang kuwento. Maging ang kuwento ng mga aswang ay mababaw din. Walang bagong matututunan sa pelikula kundi ang kung paano patayin ang mga aswang. At maging ito ay hindi kagulat-gulat at kataka-takang hindi nila agad nalaman sa kuwento.
Ang mga aswang ba'y mga halimaw o tao ring likha ng Diyos? Ito ang katanungang gugulo sa isip ng manonood sa kanilang panonood ng Patient X. Ipinakitang nais nang magbago ni Guada ngunit hindi niya magawa dahil kailangan niyang mabuhay. Anong klaseng nilalang ang kinakailang pumatay para mabuhay? Paanong nagkakaroon ng puso ang mga katulad nila? Paano silang nagkakaroon ng damdamin gayong walang awa naman nilang kinakatay ang mga taong kanilang inaatake? Nagiging hati rin ang puso ng mga tao kung ang mga ganitong uri ba'y nararapat patayin. Kung nag-aanyong tao lamang sila ay hindi sana mahirap sagutin. Ngunit paano kung ito ay iyo nang maging kaibigan, o asawa? Sa mga ganitong uri ng sitwasyon, hindi man lang naramdaman ang pananalig ng tao sa Diyos na dapat sanang ginamit din nilang sandata sa paglaban at pagkitil sa mga kampon ng demonyo. Ngunit hindi. Nanatiling umaasa sila sa kanilng lakas kahit pa ang kanilang kaaway ay alam nilang may sa demonyong taglay. Dapat gabayan ang mga batang manonood upang sila'y mapaliwanagan na ang mga ito'y kathang isip lamang at hindi kailanman magiging mas makapangyarihan ang masama sa kabutihan.