Cast: Kris Bernal, Aljur Abrenica, Baron Geisler, Ana Capri, Julio Diaz, Lloyd Samartino, Valeen Montenegro; Director: Maryo J. delos Reyes; Screenwriter: Jake Tordesillas; Genre: Drama; Distributor: Regal Films; Location: Manila and Bohol; Running Time: 105 min.;
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 3.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Si Tata (Aljur Abrenica) ay mag-isang pinalaki ng kanyang ina (Ana Capri) sa Quiapo. Dahil sa hirap ng kanilang buhay ay mapipilitan ang ina ni Tata na kumapit sa patalim nang lingid sa kanyang kaalaman. Masasangkot ito sa ilegal na bentahan ng droga at mapipilitan itakas ang pera bunsod ng malubhang karamdaman. Ang lahat ng ito ay hindi malalaman ni Tata hanggang marating nilang mag-ina ang Bohol, ang lugar ng kanyang hindi nakilalang ama. Ipapakilala si Tata sa kanyang ama (Lloyd Samartino) ngunit hindi siya nito agad na matatanggap lalo pa't mayroon na itong pamilya at ang nag-iisa niyang anak na si Prince (Baron Geisler) ay abala sa kanyang kasal. Nang malaman ni Prince ang tungkol kay Tata ay tatanggapin niya ito sa kundisyong magpapa-DNA test muna. Gayunpaman, magiging maayos naman ang pakitungo nila kay Tata. Ngunit makikilala ni Tata ang pakakasalan ni Prince na si Steph (Kris Bernal) at siya'y mabibighani dito. Sapagkat abala sa maraming bagay si Prince, maiiwan madalas si Steph kay Tata at silang dalawa'y magkakalapit. Dahil dito'y magsisimulang malito si Steph sa kanyang nararamdaman kay Prince at hindi nito malaman kung itutuloy pa niya ang pagpapakasal.
Bagama't kung tutuusin ay gasgas na ang kuwentong inihain ng pelikula, nagawa pa rin nitong bigyan ng bagong bihis ang lumang istorya sa pamamagitan ng paglalagay nito sa dalawang magkaibang lugar – ang magulo't masalimuot na Quiapo at ang matulain at payapang Bohol. Ito rin ang dalawang lugar na nag-uugnay sa dalawang pangunahing tauhan. Maganda ang mga kuha sa Bohol at talaga namang nakabibighani at mapapaibig ang sinumang makakapunta rito. Sayang nga lang at hindi gaanong napagyabong sa kuwento ang pag-iibigan ng dalawang pangunahing tauhan at hindi rin gaanong naging napakabigat ang tatsulok na pag-ibig dahil halata at pilit na ginawang bagay sina Tata at Steph at si Prince ay naging pawang panggulo lamang. Samakatuwid ay pawang wala naman talagang dapat pagpilian si Steph sa simulang-simula pa. Labas tuloy ay sadyang mahina ang kanyang karakter pagdating sa pamimili at pagdedesisyon. Kakatwa rin ang ilang mga linya na sa halip na lumabas na madrama ay nagiging katawa-tawa. Isang malaking kahinaan ng pelikula ang kalamlaman ng pag-arte ng dalawang panghunahing tauhan. Wala tuloy epekto ang daloy ng emosyon dahil hindi nila ito naipakita at naipadama ng maayos.
Dalisay ang kuwentong pag-ibig na ipinakita sa pelikula. Kitang pinahahalagahan nito ang pagkakabuklod ng pamilyang Pilipino, lehitimo man o hindi ang anak ay dapat bigyang ng pantay na suporta at pagmamahal. Nakatutuwang makita na bagama't lumaki sa isang magulong lugar na tulad ng Quaipo ay nagawang palakihin ng kanyang ina si Tata na may pananampalataya at takot sa Diyos. Si Steph naman na lumaki sa karangyaan ay pinalaking nanalig sa Diyos at mapagpakumbaba. Nakababahala nga lang ang ginawang pagkapit sa patalim ng ina ni Tata upang makapunta lamang sila ng Bohol at masiguro ang pagsuporta ng ama nito sa kanyang pag-aaral. Maaari naman itong unawin sa kadahilanang nauubusan na rin siya ng panahon dahil siya ay may karamdaman na. Yun nga lang, bakit sa bandang huli'y mas nagtagumpay pa rin ang masasamang loob sa halip na sila ay maparusahan? Bagama't kita sa mga mata ni Tata ang pagnanasa kay Steph sa unang araw pa lamang ng kanilang pagkikita ay pilit niyang pinigilan ito at hindi siya gumawa ng anumang hakbang na ikasisira ng kanilang pagkakaibigan at pati na rin sa relasyon niya sa kanyang kapatid sa ama. Marahil ay kapalaran na ang sadyang nagtutulak sa dalawa kung kaya't sila'y naging magkalapit at tunay nga namang mas karapat-dapat sila sa isa't-isa. Pinakita rin ang kabanalan ng sakramento ng kasal na hindi dapat ipinipilit ayon lamang sa kagustuhan ng ibang tao. Ang sakramentong ito ay iginagalang at dapat na pinagbubuhusan ng malalim na pagpapasya hanggang sa pinakahuling sandali.