Friday, August 28, 2009

Tarot

Cast: Marian Rivera, Roxanne Guinoo, Ana Capri, Dennis Trillo, Gloria Romero; Director: Jun Lana; Producers: Jun Lana, Rosselle Monteverde-Teo; Screenwriters: Jun Luna, Elmer L. Gatchalian; Editor: Tara Illenberger; Genre: Horror; Cinematography: Mo Zee; Distributor: Regal Films; Location: Philippines; Running Time: 102;

Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance

Nakalakihan ni Cara (Marian Rivera) ang panonood sa kanyang Lola Auring (Gloria Romero) na mabisang nanghuhula sa pamamagitan tarot cards kaya di nakapagtataka na matutunan din niya ito. Subalit ng mamatay si Lola Auring ay wala siyang pinamanahan ng baraha sa halip ay hiniling niya na isama ito sa kanyang puntod. Makalipas ang panahon ay naging kasintahan ni Cara si Miguel (Dennis Trillo). Naisipan nila na mamasyal sa gubat kung saan misteryosong maglalaho si Miguel. Hindi matanggap ni Cara na mawala ng tuluyan ang nobyo kaya naisipan niyang gamitin ang bisa ng tarot cards ng kanyang lola upang matunton ang nobyo. Di naman siya binigo ng tarot na hinukay pa niya sa puntod ng kanyang lola dahil nagkita at nagkasama uli sila ni Miguel. Subalit kasabay ng kanilang pagtatagpo at paghawak ni Cara ng tarot cards ay ang pagkakaroon ng mga nakakatakot na kaganapan at pagbabanta sa kanilang buhay.

Masalimuot ang kuwento ng Tarot at parang pinilit lang na ipasok ang tema ng pagbabasa ng tarot cards sapagkat tipikal na katatakutan lang na dulot ng mga ligalig na kaluluwa ang istorya nito. Tila kulang sa pagpiga ng emosyon katulad ng tila lumipas lang na pagbubuwis ng buhay ng isang ina at walang hatid na kilig ng tambalang Marian at Dennis dito. Gayunpaman ay tagumpay sa layunin na makapanakot ang pelikula dahil sa mahusay na paglalapat ng tunog at special effects. Mahusay ang transition ng mga eksena mula sa panaginip at imahinasyon pabalik sa katotohanan. Halata na naging maingat ang aspetong ito ng editing. Sa kabuuan ay naisalba ng mga nabanggit na aspetong teknikal ang mahinang kuwento.

Ipinakita sa pelikula na ang panghuhula katulad ng pagbabasa ng tarot cards ay maaaring masapian ng masamang elemento o pwersa at makapaghatid ng kapahamakan o kamatayan sa mga nilalang. Samakatwid ay di dapat panaligan sa halip ay dapat mag-ingat dahil wala namang tahasang makapagsasabi ng mangyayari sa hinaharap. Marami din namang positibong mensahe ang pelikula katulad ng tapat na pagmamahal ni Cara kay Miguel, pagmamalasakit sa kaibigan, at katatagan ng loob sa kabila ng mga pagsubok. Kapansin-pansin lamang na sa kabuuang daloy ng pelikula ay tila walang pag-uukol sa paghingi ng kalakasan sa Diyos na siyang pangunahin sa kultura ng mga Pilipino. Nagwakas ang pelikula sa nakababahalang patuloy na paghahasik ng takot at pinsala ng masamang elemento sa buhay ng tao.