Cast: Sotto, Jose Manalo, Paula Taylor, Gina Pareno, Leo Martinez, Ricky Davao, Manilyn Reynes; Director: Tony Reyes; Distributor: Octoarts Films; Location: Manila; Running Time: 110 min.;
Technical Assessment: 2
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Madalas pag-initan ni Samson (Vic Sotto) ang kasambahay na si Tot (Jose Manalo) dahil sa katamaran nito. Hindi nga lang magawang palayasin si Tot dahil tanging ito lamang ang nakakapag-bigay ng dugo para sa ina ni Samson (Gina Pareno) na may kakaibang karamdaman. Sa halip na gawin ang trabaho, nauubos ang oras ni Tot sa Internet kakahanap ng magiging kasintahan. Minsang nilagay ni Tot ang larawan ni Samsom sa kanyang profile sa isang social networking website, dumagsa agad ang mga nais makipagkaibigan sa kanya. Isa sa nagustuhan ni Tot si Paula (Paula Taylor) at pumayag agad itong makipag-eyeball o makipagkita sa kanya. Sa una’y magagalit si Samson nang malaman nitong ginamit ni Tot ang kanyang larawan ng walang paalam ngunit kalauna’y mapapapayag din niya ito na makipagkita kay Paula dahil ang alam ni Paula, si Tot ay si Samson. . Agad na magkakasundo at magkakamabutihan sina Samson at Paula na labis na ipagseselos ni Tot at dahil diyan, gagamitin ni Tot ang isang mahika kay Samson kung saan ay magkakapalit sila ni Samson ng pagkatao sa loob ng tatlong oras araw-araw. Magdudulot ito ng kalituhan kay Paula na siyang magpapagulo sa sitwasyon ng kanilang relasyon. Malusutan kaya ito ni Samson?
Ang Love On Line ay tumutukoy sa makabagong teknolohiya ngayon, ang Internet at ang lawak ng impluwensiya nito maging sa pakikipagrelasyon. Ngunit naging pawang mababaw at makaluma pa rin ang naging pagtrato ng pelikula sa dapat sana'y napapanahon at modernong konsepto. Ang pagpasok ng mahika sa gitna ng pelikula ay pawang hindi angkop sa nais nitong palabasin. Nakapanghihinayang na sa kabila ng hindi matatawarang galing sa pag-arte ng mga tauhan, hindi pa rin nakawala ang Love On Line sa pagiging slapstick nito sa pagpapatawa. Nariyan pa rin ang pambabatok, pananampal, paggamit sa mga bakla at pangit bilang mga instrumento ng patawa. Labas tuloy ay pawang kulang sa sinseridad ang buong kuwento at walang anumang bigat o lalim ang buo nitong daloy. Hindi iniaangat ng Love On Line ang komedyang Pilipino, sa halip ay pinapalala pa nito ang kalagayan ng naghihingalong industriya.
Ang pangunahing tauhan na si Samson ay wagas at dalisay ang hangarin sa ngalan ng pag-ibig. Hindi rin matatawaran ang pagmamahal niya sa kaniyang ina na hindi niya iniiwan sa gitna ng karamdaman nito at tinutulungan pa niya ito sa negosyo.. Ngunit hindi maiaalis na ang buong kuwento ay halos sumentro kay Tot, isang taong tamad, mapagkunwari at mainggitin. Maaring si Tot ay simbolo ng mga taong walang pag-unlad dahil na rin sa taglay nitong masasamang katangian. Nariyang ubusin ang oras sa Internet para sa mga walang kapararakag gawain, at nagbabalatkayo para lamang makakuha ng atensiyon lalo na sa mga kababaihan at pawang hindi naman relasyon ang hanap nila kundi panandaliang aliw lamang. Gayunpaman, naging instrumento pa si Tot upang matutong umibig muli si Samson na nakaugat naman sa pagbabalatkayo. Tuloy kahit mali ay kinunsinte na rin ni Samson si Tot. Mababaw naman ang samahang Samson at Paula na hindi halos maaaring ituring na tunay na pag-iibigan. At sa dami ng kabataang gumagamit ng Internet sa ngayon ay hindi magandang halimbawa ang pelikula sa paghubog nito sa makabagong konsepto ng pag-ibig. Hindi masama ang teknolohiya hanggat ito ay ginagamit sa kabutihan sa halip na sa pagbabalatkayo. Ang paggamit rin ng kapangyarihang itim at mahika na labis na nakaapekto sa daloy ng kuwento ay nakababahala rin. Hindi dapat paikutin ng mahika o teknolohiya ang takbo ng buhay ng tao.