Cast: Bea Alonzo, Sam Milby, Derek Ramsay; Director: Laurenti Dyogi; Genre: Drama; Distributor: Star Cinema; Location: Manila; Running Time: 100 min/;
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For mature viewers 18 and above
Natagpuan ni Lara (Bea Alonzo) kay Oliver (Derek Ramsay) ang isang perpektong asawa na makakatuwang ng panghabangbuhay. Labis na pinaligaya ni Oliver si Lara ngunit limang buwan pa lamang silang kasal ay binawian ng buhay si Oliver sa mismo pang kaarawan ni Lara. Makalipas ang pitong buwan ay labis pa rin ang pagdadalamhati ni Lara sa biglaang pagkawala ng asawa. Makikilala niya si Chris (Sam Milby), isang happy-go-lucky na nawalan din ng asawa. Magkakalapit silang dalawa at magkakaibigan ngunit pilit pipigilan ni Lara ang kanyang nararamdaman sa takot na makasakit sa mga ala-alaalang iniwan ng nasirang asawa lalo pa’t hindi pa naman ito nakakapagbabang-luksa Sa gitna ng kanyang pagkalito ay may malalaman pa siyang sikreto ni Chris na labis niyang ikakagalit dito.
Makabuluhan ang tema ng And I Love You So na tumatalakay sa pagdadalamhati ng isang babaeng nabiyuda ng maaga. Mabibigat ang emosyon at damdaming ipinamalas ng mga karakter lalo na ni Alonzo. May mga ilang eksena nga lang na hindi maiwasan ni Alonzo na magpa-cute sa pag-arte ngunit maaring dala rin ito ng ilang mga linya sa pelikula na pawang pinilit. Mahusay naman ang pagkakaganap ni Milby at ng iba pang nagsiganap. Maayos naman ang sinematograpiya at kaaya-aya sa paningin sa bawat eksena. Sa bandang huli nga lang ay pawang may hahanaping kulang sa pelikula. Isa na rito marahil ang hilaw na pagkakalarawan sa relasyong Lara-Oliver na pawang lumabas na walang kapintasan ang huli. Ang naging resulta tuloy ay pawang hindi tao ang kanyang karakter. Hindi rin napaigting ang relasyon ni Lara sa mga tao sa kanyang paligid at umikot lamang ang kanyang buhay kay Oliver. Mas naging mahusay pa sana ang pelikula kung napalalim pa nito ang mga damdamin at relasyon at hindi lamang sumentro sa pagdadalamhati.
Kahanga-hanga ang pagiging wagas ng relasyong Lara-Oliver at tunay namang bihira na sa panahong ito. Maging huwaran sana ng manonood ang kanilang samahan na bagama’t maikli ay tunay na malalim at puno ng pagmamahal. Nakakabahala naman naging buhay ni Chris na naging masalimuot dahil sa ginawang panloloko ng kanyang asawa. Naging pariwara si Chris a kaniyang pakikipag-relasyon sa mga kababaihan na pawang bunga ng pagrerebelde at paghihiganti. Ngunit ipinakita naman sa pelikula na ito ay hindi magdudulot sa kanya ng kaligayahan. Marahil ang higit na nakakabahala ay naging bayani pa siya sa buhay ni Lara. Naging mapusok din sa kanilang mga damdamin sina Lara at Chris na talaga namang hindi katanggap-tanggap ngunit lumabas din naman sa kuwento na parehas na ligaw ang mga damdamin ng dalawa ng ito ay maganap. Hindi pa rin tama ngunit nailahad naman sa pelikula na ito ay mali. Sa kabila nito, maseselan pa rin ang ilang eksena at nararapat lamang ang pelikula sa mga manonood na nasa wastong gulang at hinog na kaisipan upang hindi rin maligaw ang kanilang pananaw ukol sa relasyon, lalo na sa relasyong mag-asawa at pakikipagrelasyong sekswal.