Cast: Janice de Belen, Maro Panganiban, Sherwin Ordonez, Angel Jacob, Tommy Abuel, Leandro Baldemor; Director: Ronaldo Bertubin; Producers: Ferdinand Lapuz, Antonio de Guzman, Olivia Madrigal; Screenwriter: Romualdo Avellanosa; Distributor: David Entertainment Productions; Location: Manila; Running Time: 120 min;
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Si Laura ay isang crematorium supervisor na tulad ng mga bangkay na kanyang sineserbisyohan ay naging malamig na ang pakikitungo sa mga tao buhat nang itinakwil siya ng ama dahil ipinagbuntis niya sa pagkadalaga si Heidi (Maro Panganiban) na isang autistic. Bagama’t mailap sa lahat ng tao, si Laura ay naging mapagmahal na ina kay Heidi. Ipinasok ni Laura si Heidi sa isang day care center at isang araw bago ang graduation nito sa kinder ay ipinamili niya ito sa isang tiangge. Nalingat si Laura at hindi napansin na naglalakad na palang palayo ang anak at tuluyan na nga itong mawawala. Hahanapin ni Laura ang anak ngunit sadyang hindi na niya ito makita. May isang manghuhulang magsasabi na si Heidi ay nasa mabuting kamay ngunit nanganganib ang buhay. Mapapanatag ng kaunti si Laura sa kasiguruhang ito na buhay pa ang anak ngunit sadyang hindi pa rin niya ito makikita. Itutuloy ni Laura ang kanyang buhay sa gitna ng kalungkutan at makalipas ang apat na taon ay muli niyang makikita ang anak sa isang kakatwang sitwasyon.
Sa simula’y may kabagalan ang kuwento at tulad ng tema at karakter ng pangunahing tauhan sa pelikula, pawang napakalamig sa manonood ng palabas. Ngunit habang tumatagal ay umiigting ang kuwento at naipapamalas ang tunay na damdamin, diwa at lalim ng pelikula. Bagama’t walang masyadong gulat at malalaking eksena, lutang na lutang ang tamang timpla ng emosyon sa kabuuan nito. Hindi matatawaran ang pagganap ni Janice de Belen na nagampanan ng buong husay ang kanyang papel bilang walang emosyon na karakter. Ito ang naging tunay na yaman ng pelikula. Sa gitna ng mapanuksong histerya na karaniwang makikita sa ibang pelikulang melodrama, nagawang panghawakan at pigilan ni de Belen ang malabis na emosyon at bugso ng damdamin. Maging ang mga pangalawang tauhan ay pawang mahuhusay din liban na lang sa ilan na pawang karikatura ang labas. Mahusay sana ang direksiyon kung naiayos lamang ang daloy at napalalim pa ang karakterisasyon. Sayang din at hindi gaanong lumutang ang kalugaran at konsepto ng pelikula na may patungkol sa mga taong “naghahanap-patay.” Ang mga kuha ng kamera ay pawang madidilim at kung minsan nama’y kakatwa ang anggulo. Pero ito marahil ang nais ipahiwatig ng Last Viewing sa kabuuan: ang dilim at gulo ng buhay at kamatayan at ang liwanag nito sa pagitan.
Maliwanag ang mensahe ng pelikula ukol sa pagmamahal, pagpaparaya at pagpapatawad. Si Laura ay halimbawa ng isang taong nawalan na ng tiwala sa lahat dahil sa kanyang naranasang pagtatakwil ng ama. Anumang pilit niyang punan ang lahat ng kakulangan sa kanyang buhay sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanyang anak ay hindi pa rin maging sapat sapagkat napuno na ng galit ang kanyang puso. Sa kabila ng ipinapakitang panlabas na lakas ni Laura ay kitang marami rin itong kahinaan. At kahit pa akalain ng lahat na siya ay “walang puso,” busilak ang kalooban ni Laura na pawang kabutihan ang nais para sa kanyang anak at mga mahal sa buhay. Sa paghahanap niya sa kanyang anak ay kasabay niyang hinahanap ang mga sagot sa maraming katanungan – tulad ng kung paano patatawarin ang amang minsang nagtakwil sa kanya. Hangga’t hindi niya magagawang magparaya at magpatawad ng buong puso ay hindi rin niya maibibigay ang kanyang sarili kahit pa bilang ina sa kanyang anak. Sayang nga lang at pawang walang naging papel ang Diyos sa buhay ni Laura. Hindi rin siya nakita man lang na nagdasal kahit pa sa gitna ng maraming kagipitan at kadiliman sa kanyang buhay. Ngunit ang pinakamahalaga ay ang mensahe ng Last Viewing na ang lahat ng nangyayari sa ating buhay ay may mas malawak na dahilan at ang mapagmahal na Diyos ay hindi kailanman magpapabaya dahil nananatili Siyang tapat sa sinumang may malinis na hangarin. Ang kailangan lang ay maging handa rin tayong maging bukas at handa sa pagmamahal na ito.