Cast: Ariel Rivera, Cedric Jose, Isabella de Leon, Jacklyn Jose, Meila Romero, Tessie Tomas; Director: Cesar E. Buendia; Producer: Olivia de Jesus; Screenwriter: Cesar E. Buendia; Music: Peejay Basto, Nonoy Dadivas; Editor: Che Villafores ; Genre: Drama; Cinematography: Aristotle Licuanan; Distributor: ; Location: Philippines; Running Time: 95 min.;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Iginagapang ni Joselito (Ariel) ang kanyang pamilya mula sa kakarampot niyang suweldo bilang kawani ng gobyerno sa tanggapan ng munisipyo. Pinangungunahan niya bilang ama ang sama-samang pananalangin at pagpapasalamat sa Dyos ng pamilya. Sa kabila ng maselang isyu ng "graft and corruption" sa kanilang opisina ay sinisikap niyang manindigan sa kanyang prinsipyo ng matapat na paglilingkod. Ipinagmamalaki siya ng kanyang anak dahil dito. Subalit ikinayayamot naman ng kanyang asawang si Maggie (Jacklyn) ang prinsipyong ito dahil sa kakapusan ng pera sa pamilya. Hanggang kailan mapapangatawan ni Joselito ang sitwasyong ito samantalang nakaumang lamang ang mga pagkakataon na mairaos ang pangangailangan ng pamilya at maging masagana?
Payak ngunit malalim ang kuwento ng "Padre de Familia". Sagana ito sa simbolismo na binigyang buhay ng mahusay na pagganap ng mga tauhan. Epektibo ang pelikula sa paggising ng kamalayan at pagbibigay ng pagkakataon na makapag-isip ang manonood ng kaniya-kaniyang sitwasyon. Hindi nakapagtataka na makapag-udyok ito ng iba't ibang damdamin tulad ng galit, kawalan pag-asa, o mas positibong pananaw na kumilos para sa pagbabago ng lipunan at magsimula sa anumang paraan na akma sa kanilang sitwasyon. Bagamat "typecast" ang komikong karakter ni Tessie Tomas bilang mayor ay nakadagdag ito sa paghahatid ng aliw at mensahe ng pelikula. Sa kabuuan ay simple lamang produksyon, ang ibang aspetong teknikal ng pelikula ay naisalba ng makabuluhang kuwento at mahusay na pagganap ng mga aktor lalo na sina Ariel Rivera, Jacklyn Jose at Tessie Tomas.
Ang katiwalian ay isang talamak na sakit ng lipunan at ang taong nangangailangan ay maaaring mahawa at malugmok sa sakit na ito. Nakababahala ang mensaheng ito ng pelikula ngunit dapat harapin at pagnilayan ng mga manonood upang sila'y hindi maging biktima ng ganitong sitwasyon. Hindi naman maituturing na "between life and death" ang pangangailan ng anak ng computer na naging dahilan ng ama upang pumatol sa suhol. Nawa ay magsilbi itong aral sa mga anak na humihiling ng higit sa kayang ibigay ng kanilang magulang. Ang isang taong naninidigan sa katapatan ay dapat suportahan sa halip na udyukan lalo na ng pamilya. Hindi dahilan ang maliit na suweldo upang maging tiwaling kawani sa halip ay dapat bigyan ng dignidad ang hanapbuhay. Bagamat nagwakas ang pelikula sa nakababahalang pagyakap ng pamilya sa kasaganaan na nagmula sa maruming sistema, ay dapat bigyan-pansin ang tila naghuhumiyaw na tingin ng anak na nais humalagpos sa nakasadlakan nilang putik. Maaaring sa sulok ng mga mata ng kabataan ngayon ay may gayon din pagtingin. Huwag sana natin silang biguin sa pagnanais na umahon at makapagsimula muli.