Cast: Gina Alajar, Elizabeth Oropesa, Manilyn Reynes, Dick Israel, Perla Bautista, Rainier Castillo, BJ Forbes, Roderick Paulate; Director: Soxy Topacio; Screenwriter: Soxy Topacio; Genre: Drama/ Comedy; Cinematography: ; Distributor: APT Entertainment; Location: Manila; Running Time: 91min.;
Technical Assessment: 4
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Makakarating kay Charing (Manilyn Reynes) ang masamang balitang patay na ang kanyang ama at siya’y hihimatayin sa sobrang gulat at kalungkutan. Makikita ito ng kanyang pamilya at magiging apektado sa lahat ang kanyang bunsong si Bobet (BJ Forbes). Masasaksihan ni Bobet kung paanong mababago ng kamatayan ng kanyang lolo ang samahan ng kanyang ina, mga tiyahin at tiyuhin na pawang mga palingkera lahat. Ito ay mangyayari rin sa gitna ng mga pagtatalo-talo ukol sa mga kasabihan at tradisyong Pilipino ukol sa patay. Sa bahay ng kanyang lolo kung saan nakatira ang kanyang Tita Mameng (Gina Alajar) ang burol. Isa-isang magdadatingan ang mga tiyuhin at tiyahin ni Bobet. Unang darating si Dolores (Elizabeth Oropesa) ang sinasabing pinakamapera sa lahat at pinakamasama rin ang ugali. Sunod ay ang kanyang tiyuhing panganay ( Dick Israel) at ang pinakahuli ay si Junie (Roderick Paulate) ang tiyuhin niyang binabae. Sa pagkamatay ng lolo ni Bobet, ay mauungkat ang mga itinatagong lihim, sama ng loob at mayroon din namang ilang masasayang alaala.
Isang nakakaaliw at nakakaantig na pelikula ang Ded na si Lolo. Sa simula’y aakalin na puro patawa lamang pelikula ngunit habang yumayabong ang kuwento na umikot lamang sa isang linggong burol ay unti-unting napapalitan ang tawanan ng kurot sa damdamin. Maganda ang pagkakasulat at pagkakadirehe. May ilang eksena lamang na nagiging sobrang gulo at hindi maintindihan ngunit maari ring ito mismo ang layon ng eksena. Naging malabis lang marahil sa isteryotipikal na paglalarawan sa mga bakla pero parte ito ng katatawanan sa pelikula. Magaling ang lahat ng nagsipagganap. Marahil ito ang tunay na yaman ng pelikula – ang mga mahuhusay na artistang walang itulak-kabigin sa galing sa pag-arte. Mapa-drama o comedy ang eksena ay nadadala nilang lahat. Tamang-tama ang daloy ng damdamin at hindi naligaw sa nais nitong iparating. Maganda rin ang musika na sumasabay sa emosyon at tiyempo ng pelikula.
Ang kamatayan sa pamilya ay isa sa trahedyang pilit na tinatakasan at iwinawaglit sa isipan ng bawat pamilyang Pilipino. Ngunit ito naman ay hindi talaga trahedyang maituturing sapagkat nagiging daan ito patungo sa pagkakaisa ng mga namatayan pati na ng kanilang mga kaibigan. Ipinakita sa Ded na si Lolo kung paanong ipinagdadalamhati ng pamilyang Pilipino ang kamatayan ng isang kaanak. Tunay na nakakaaliw ang pagkukuwestiyon sa ilang mga tradisyon na tunay nga namang hindi malaman ang lohika at pinagmulan. Wala mang masama at mawawala sa pagsunod, tama rin namang pag-isipan kung ang mga ito ba’y may maitutulong o wala. Hindi rin naman tamang maging sunod-sunuran na lamang ng hindi nauunawan kung ano ba ang kanilang sinusunod. Ang pinakamalagang ipinakita sa pelikula ay ang pagkakaisa ng pamilya sa gitna ng dalamhati at kung paano nilang binibigyang galang ang katawang mortal ng isang namayapa na. Nagkulang nga lang ang pelikula sa pagpapalalim ng kinahihitnan ng kaluluwa ng isang namatay at kinunsinte rin nito ang pagusugal upang makalikom lamang ng pondo. Pero higit na mariin ang mensahe ng pelikula ukol sa pagpapatawad, paghihilom ng sugat, pagtanaw ng utang na loob , pagbibigay at pagpaparaya kung kaya’t katanggap-tanggap pa rin ito sa bandang huli.