Cast: Sharon Cuneta, Ai-Ai de las Alas, John Estrada, Gina Pareño, Chokoleit; Director: Wenn V. Deramas; Producer: Tess Fuentes; Screenwriter: Mel Mendoza-del Rosario; Music: Jessie Lasaten; Editor: Marya Ignacio; Genre: Comedy Drama; Cinematography: Sherman Philip So; Distributor: Star Cinema Production; Location: Manila, Philippines; Running Time: 105 min.;
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Malaki ang suspetsa ni Honey (Sharon Cuneta) na nambababae ang kanyang asawang si Tim (John Estrada). Bagamat ilang ulit na niyang nahuhuling may kasamang iba, hindi niya matiyak kung sinu ang babae nito. Sa pagnanasang maiayos ang kanilang pagsasama, isasama siya ng kanyang nanay (Gina Pareño) sa gym upang magpapayat. Makikilala naman ni Honey ang isang dalagang inang dance instructress na si Frances (Ai-ai delas Alas). Magkakapalagayan sila nang loob hanggang maging matalik silang magkaibigan, Madalas ibida ni Frances ang kanyang nobyong si TJ kay Honey at nagbibigay pa ang huli ng mga payo upang mapadali ang pag-aayang magpakasal ng lalaki. Samantala, tinutulungan naman ni Frances si Honey upang maayos ang pagsasama nilang mag-asawa. Lingid sa kanilang kaalaman, iisa si Tim ang TJ. Masusubok ang pagkakaibigan ng dalawa sa sandaling magkabistuhan na iisa ang lalaking kanilang minamahal.
May tangkang maging kakaiba at orihinal ng pelikula subalit sa bandang huli panay slapsticks pa rin ang istilo ng pagpapatawa at hindi naka base sa diyalogo o sitwasyon. Marami rin eksena ang hindi na kailangan at nagsilbing pampahaba lang. Katulad ng nakagawian ng mga mediocre na pelikula, may mga susulpot sulpot na tauhan at subplots na pinagbubuhusan pa ng pansin bagamat malayo at Hindi mapagtatakpang ang kakulangan ng pelikula kahit dalawang bigating pangalan pa sa industriya ang kanilang ginamit. Sayang lamang ang husay ni Cuneta at delas Alas dahil walang lalim ang mga tauhang ibinigay sa kanila. Burara ang produksyon, kung mapapansin ang eksena ni Estrada nang palayasin siya ni Cuneta at natulog siya sa kanyang talyer, makikitang nakakabit sa pintuan ang “Miss AI-ai” at “J. Estrada”. Hindi man lamang napansin o ginawanan ng paraan ng cinematographer o direktor o editor. Bagkus, dahil marahil kakapirasong pagkakamali ay pinagbayaan na lamang. Sayang ang pera at panahong ugugugol sa isang pelikulang walang pagnanasang maging maayos at pipikitan na lamang ang mga pagkakamali.
Ang BFF (Bestfriends Forever) ay tungkol sa pagkakaibigan. Sinasabi ng pelikula na mas matimbang ang pagkakaibigan kaysa sa dagok ng pagtataksil. Likas sa tunay na magkaibigan ang umunawa, magparaya at magpatawad.
Sa kabilang dako, negatibo at mababa ang pagtingin ng BFF sa kababaihan. Sa pelikula ang mga babae ay lokohin (si France na ilang lalake na ang pinagkatiwalaan), tanga (ang anak ni France na pumayag perhan ng pamilya ng boyfriend), utu-uto (ang anak ni Honey na gawa ng gawa ng project ng crush niya), walang tiwala sa sarili (si Honey na hindi man lamang kayang kumprontahin ang asawa) at nakadepende sa lalake ang kaligayahan. Bagamat isang komedya, malupit at hindi pa rin magandang halimbawa ang larawan ng kababaihan sa pelikula.