Cast: Paolo Contis, Karylle, Maricel Laxa, Michael de Mesa, Jun Urbano, Joanne Quintas, Gerard Pizzaras; Director: Lore Reyes; Producers: ; Screenwriter: Lore Reyes; Genre: Drama; Distributor: APT Entertainment; Location: Rizal Province, Macau; Running Time: 110 min.;
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Si Fidel (Paolo Contis) ay kakatapos pa lamang ng kursong Culinary Arts sa isang prestihiyosong paaralan sa Europa at nagtatrabaho bilang assistant chef sa Macau nang usigin siya ng kanyang Inay Viring (Maricel Laxa) na magbalik sa kanilang probinsiya para sa anibersaryo ng kamatayan ng kanyang ama. Sa kanyang pagbabalik, tatambad kay Fidel ang mabibigat na responsibilidad na iniaatang sa kanya ng kanyang pamilya katulad ng mga pagkakautang at mga gulo na kinasasangkutan ng mga kapatid. Ngunit ang pinakamatinding pasanin ni Fidel ay ang akusasyon ng kanyang Uncle Pinoy (Michael de Mesa) na hindi na siya Pilipino at pilit niyang tinatakasan ang kanyang pinagmulan. Upang pabulaanan ito, hahamunin siya ng kanyang tiyuhin na magluto ng isang masarap at tunay na litsong Pilipino kung hindi ay hindi na siya makababalik sa Macau at mamamasukan siya sa kanyang Unlce Pinoy ng isang taon. Tatanggapin ni Fidel ang hamon at siya’y mag-aaral ng paggawa ng litson kay Mang Carding (Jun Urbano ) na kilala sa kanilang lugar bilang pinakamasuhay sa paggawa ng litson. Makikilala ni Fidel ang apo ni Mang Carding na si Carmel (Karylle) at siya’y mapapaibig dito habang kakaharapin naman niya ang patong-patong na problema ng kanyang pamilya. Manalo kaya si Fidel sa hamon sa gitna ng maraming balakid na kanyang kakaharapin?
Bagama’t simple ang kuwento ay masasabing may kalidad ang pelikulang Litsonero. Maliwanag ang sentro ng pelikula na patungkol sa isang kilalang tradisyong Pilipino- ang litson. Payak ang pagkakagawa ng pelikula ngunit malaman ang konsepto at pagkakasulat. Walang masyadong kadramahan at pagkukunwari ang mga tauhan. Ang mapapanood ay pawang mga natural na karakter na hindi pinilit bigyan ng masyadong komplikasyon. Yun nga lang, may ilang tauhan na pawang napabayaan ang kuwento at hindi nabigyang lalim ang daloy ng damdamin. Sa biglang-tingin, wari ng manonood ay walang bigat ang kuwento ng Litsonero ngunit kung pakasusuriin, may matinong mensaheng nais ipahitid ito. Wala namang itulak kabigin ang malinis na sinematograpiya at mahusay na pagkakaganap ng mga artista. Maayos din ang editing at musika. Nagawa ng pelikulang ipadama ang nararapat na larawan ng isang simpleng komunidad kasabay ng paghahambing nito sa isang moderno at maunlad na dayuhang siyudad ng Macau.
Maganda ang mensaheng hatid ng Litsonero. Pinahahalagahan ng kuwento ang pagiging makabayan at ang hindi paglimot sa pinagmulan. Ang pagbuo ng pamilya at pangarap ay maihahalintulad sa pagluluto ng isang putahe na tulad ng litson - masalimuot, maraming sangkap at kinakailangang pagbuhusan ng tiyaga, pagod at panahon. Ipinakita ng karakter ni Fidel na ang pagiging Pilipino ay hindi kung nasaan kang lugar kundi ang pananatili ng kamalayan sa puso at isipan. Sagana rin sa pangangaral ng kabutihang-asal ang ina ni Fidel na si Viring na ipinakitang higit na mahalaga ang presensiya ng anak kaysa sa kikitain at ipapadala nitong pera. Sa panahon ngayon na pawang walang mahalaga sa ibang tao kundi ang pera, ipinakita ng Litsonero na marami pang mas mahalaga sa buhay tulad ng pamilya, pagkakaibigan, pagmamahal sa tinubuang bayan, pagtanaw ng utang na loob at wagas na pag-ibig. May kurot na mensahe rin ang pelikula ukol sa kalagayan ng mga babae sa lipunan. Marapat lamang gabayan ang mga batang manonood ukol sa ilang maseselang paksa tulad ng maagang pagbubuntis, pangangalunya at pakikipagtalik sa labas ng kasal.