Cast: Sarah Geronimo, John Lloyd Cruz, Rowell Santiago, Rayver Cruz, Matet de Leon, Joross Gamboa, Gio Alvarez, Dante Rivero; Director: Cathy Garcia-Molina; Producers: Malou Santos, Vic Del Rosario; Music: Jessie Lasaten; Genre: Drama/ Romance; Distributor: Star Cinema Productions/ Viva Films; Location: Philippines; Running Time: 120 min;
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 4
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Anim na buwan na ang nakakalipas nang mabihag ni Laida Magtalas (Sarah Geronimo) ang puso ng kanyang “man of his dreams” at boss na si Miggy Montenegro (John Lloyd Cruz). Naayos na ni Miggy ang problema sa kanyang pamilya at masayang-masaya ang kanilang pagsasama ni Laida. Na-promote na si Laida pati na si Miggy. Sa pagkaka-promote ni Miggy, kakailanganin niyang magtrabaho sa Laguna at magiging bihira ang pagkikita nila ni Laida. Dito magsisimula ang problema nilang dalawa kasabay ng pagbabalik ng dating best friend ni Laida na si Mackoy (Rayver Cruz) na magiging ugat ng pagseselos ni Miggy. Sa gitna ng mga komplikasyon ng relasyong Laida at Miggy ay magkakaroon naman ng oportunidad si Laida na magtrabaho sa Canada. Magkaroon pa kaya ng happy ending ang dalawa?
Muling pinakilig ng tambalang Sarah-John Lloyd ang mga manonood sa pagpapatuloy ng kanilang kuwento na nagsimula sa A Very Special Love. Tulad sa naunang pelikula, hitik ang You Changed My Life ng mga nakakatuwang eksena at di-malilimutang mga linya. Tunay na maganda ang chemistry ng dalawa. Maayos ang daloy ng kuwento at malinaw ang nais patunguhan. Magagaling ang lahat ng mga tauhan na binigyang buhay ang kanilang bawat karakter. Sa gitna ng kilig at tawanan, mayroon ring tamang timpla ng drama ang pelikula. Yun nga lang, pawang naging masyadong limitado ang kuwento at problema sa dalawang bida. Hindi na gaanong napalalim ang mga isyung pampamilya at ang ilang mahahalagang karakter ay nawalan ng sariling kuwento. Gayunpaman, ang pinakamahalaga’y naihatid ng pelikula ang kuwentong Laida at Miggy sa mas mataas na antas.
Nakakatuwang pagmasdan kung paanong ang dalawang taong wagas na nagmamahalan ay pilit na gumagawa ng paraan upang panatilihin at pagyabungin ito. Nananatiling dalisay at walang bahid ng kalaswaan at makamundong pagnanasa ang relasyong Laida at Miggy. Tunay na hindi kinakailangang magpakita ng laman o malabis na halikan upang ipakita ang pagmamahalan. Napakalakas ng mensahe ng pelikula na walang imposible sa dalawang taong nagmamahalan. Hindi hadlang ang pagkakaiba ng estado sa buhay maging ang panlabas na kaanyuan sa dalawang pusong nagmamahal. Kapuri-puri din ang pagpapahalaga ng pelikula sa pamilya, pagkakaibigan, trabaho at higit sa lahat, sa makabuluhang relasyon. Sa gitna ng kaguluhan at maraming komplikasyon sa pagbabago ng mundo, nanatiling matibay ang pagkakaibigan, pagpaparaya at pag-ibig. Ikanga rin sa pelikula, hindi nagsusukatan ang taong nagmamahalan sapagkat iba’t-iba ang kayang ibigay ng bawat isa. Ang mahalaga’y lubos at buong-puso ang pagbibigay at pagpaparaya.