Cast: Baron Geisler, Coco Martin; Director: Francis Pasion; Producer: Francis Pasion; Screenwriter: Francis Pasion; Music: Gian Gianan; Editor: Kats Seraon, Chuck Gutierrez, Francis Pasion; Genre: Drama; Cinematography: Carlo Mendoza; Distributor: Cinemalaya; Location: Manila and Pampanga; Running Time: 110min;
Technical Assessment: 4
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers 18 and above
Natagpuang patay sa kanyang apartment si Jay Mercado, isang gurong may nakapagdududang sekswalidad. Mayroon siyang walong saksak sa likod at pinaghihinalaang isang masahistang lalaki ang pumatay sa kanya. Agad na kukunin at sasawsaw ang Channel 8 sa balita kung kaya't pupunta si Jay Santiago (Baron Geisler) sa lugar na bayang tinubuan ng pinatay na Jay upang gawing isang reality-drama ang buhay at kamatayan nito. Agad namang makakakita ng oportunidad para sa isang magandang kuwento si Jay. Ang pinatay na Jay pala ang siyang tanging inaasahan ng pamilya na mag-aahon sa kanila sa kahirapan. Biktima rin ang pamilya ng lahar kung kaya't nakalubog na ang kalahati ng kanilang bahay. May iniwan pang makulay na kuwentong pag-ibig si Jay at ito ay ang kanyang relasyon sa kapwa lalaking si Edward (Coco Martin). Sa ngalan ng trabaho at ikagaganda ng programa, gagamitin ni Jay ang lahat ng ito upang makabuo ng isang kuwentong bebenta sa masa kapalit ang pangakong tulong na bibigyan nila ng katarungan ang nangyari sa biktimang si Jay. Hanggang saan kaya makararating ang panghihimasok ni Jay sa buhay ng mag-anak ng namayapa upang makabuo ng magandang kuwento?
Mahusay ang pagkakagawa ng Jay. Tinalakay nito ang isang paksang bihirang talakayin sa pelikula. Hindi tulad ng karaniwang kuwento, maraming elementong nakapaloob sa kabuuan ng pelikula na nagbigay ng kulay pati na rin ng sadyang kalituhan. Nagawa nitong pagtagni-tagniin ang bawat elemento upang pag-isipin ang mga manonood ukol sa makitid na agwat sa pagitan ng katotohanan at palabas lamang. Sa bandang huli'y sadyang nailigaw at nailihis ng pelikula ang atensiyon ng manonood mula sa melodrama at trahedyang buhay ng isang bikitima tungo sa panibagong pambibiktima ng mga mismong nagpapanggap na sila ay makakatulong sa pagbawas ng pighatii at sa paghahatid ng katarungan. Mahusay ang pagganap ng mga artista lalo na si Geisler na epektibo sa kanyang panibagong papel bilang binabae. Tama ang timpla ng mga eksena at sakto sa nais nitong iparating.
Isang komentaryo sa mass media ang pelikula. Sinasalamin nito kung paanong pinagsasamantalahan ng kapitalistang sistema maging ang hinagpis at pighati ng mga pawang biktima ng sitwasyon. Dumating si Jay Santiago sa pamilya ng biktimang si Jay Mercado sa pagpapanggap na mga kaibigan na buong pusong tutulong ngunit naroon lamang sila upang kumalap ng magandang kuwentong bebenta sa masa at pangalawa na lamang ang pagutulong. Ngunit ipinakita rin kung paanong katanggap-tanggap na sa pamilya ni Jay ang pananamantalang gagawin at ginagawa sa kanila. Sila pa mismo ang nagpapakitang handa silang magpagamit sa alang-alang sa salapi at kasikataan. Sinubukang wasakin ng Jay ang anumang ilusyon mayroon tayo ukol sa itinuturing nating kakampi ng katotohanan: ang mass media. Ipinakikita ritong ang mass media ay isang malaking negosyo na binubuhay ng bawat kaawa-awang kuwento ng pighati. Isang mapanglinlang na sistema na patuloy na namamayani saan man mayroong telebisyon, radyo, dyaryo o pelikula. Sa bandang huli, sa sistemang ganito ay ang manonood ang siyang tunay na biktima sapagkat siya ang nalinlang, pinagdamutan ng katotohanan, binigyan ng maling pag-asa, at ibinenta sa mga kumpanyang naga-aanunsiyo ng mga produktong bibilhin niya. Hindi ito kinondena ng pelikula at talaga namang ito'y hitik sa mapanuring mensahe na maaring hindi pa angkop sa mga batang manonood. Dagdag pa rito ang ilang maseselang eksenang tumatalakay sa sekswalidad at kaunting paghuhubad na nasa konteksto naman at hindi malaswa. Sa bandang huli, nagsusumigaw ang malinaw na mensahe: hindi dapat paniwalaan ang lahat ng nakikita at napapanood.