Cast: KC Concepcion, Richard Gutierrez, Alfred Vargas, Iya Villiana, Cherry Pie Picache, Chanda Romero, Tirso Cruz III, Tonton Guttierez; Director: Joel Lamangan; Producers: Jose Mari Abacan, Roselle Monteverde-Teo; Screenwriter: Aloy Adlawan; Music: Von de Guzman; Editor: Marya Ignacio; Genre: Romance; Cinematography: Mo Zee; Distributor: GMA Films, Regal Films; Location: Philippines ; Running Time: 134min;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers of all ages
Si Jenny (KC Concepcion) ay isang masayahin at sunod-sunurang kasintahan ni Albert (Alfred Vargas) samantalang si Benjie (Richard Gutierrez) ay kasintahan ng mayamang si Tracy (Iya Villiana). Magtatagpo ang landas ng dalawa nang kinailangang makisakay ni Jenny sa cargo plane na minamaneho ni Benjie upang dumalo sa isang kasalan sa Palawan. Dahil hindi nagkaintindihan ang dalawa sa oras ng kanilang pag-alis ay mapipilitang pumayag si Benjie na makipagpalit ng eroplano sa kanyang kasamahan na siya namang pagsisimulan ng bangayan ng dalawa. Sa kasamaang palad ay magkakaproblema ang kanilang eroplano at babagsak sa isang isla. Habang hinihintay nila na dumating ang rescue crew ay pag-uusapan nila ang kahulagan ng pag-ibig para sa kanila. Magkakahulugan sila ng loob at patuloy na magtatagpo pagbalik ng Maynila. Ang palihim na pagtatagpo nina Benjie at Jenny ay mauuwi sa pagkakalapit ng kanilang kalooban. Matutuklasan sila nina Alfred at Tracy at gagawa ng paraan ang mga ito upang mapaglayo sila.
Walang pinag-iba ang pelikulang ito sa karaniwang pelikulang Pilipino tungkol sa pag-ibig ng mga kabataan: malabnaw ang kwento, mabagal ang daloy ng istorya at mababaw ang pagganap. Tanging ang pangalan lamang ng dalawang bidang artista ang pinuhunan upang ibenta ito. Hindi kapani-paniwala ang pagkakahulugan ng loob nina Jenny at Benjie. Walang lalim ang pagganap nina Concepcion, Gutierrez at Vargas. Maliban kina Tirso Cruz III at Chanda Romero ay pawang caricature na ang mga tauhan sa pelikula. Maayos ang teknikal na aspeto maliban sa ilang hindi makatotohanang bahagi tulad ng sinematograpiya at disenyong pamproduksyon na pilit at medyo theatrical, at ang paglalapat ng musika na masyadong madrama.
Bagamat walang malaswa o marahas na eksena sa pelikula ay may isang negatibong mensahe ang pinararating nito sa kabataan: na sa pag-ibig ay hindi na kailangans isa-alang-alang ang paggawa ng tama o pananakit ng iba masunod lamang ang nararamdaman. Kahit matagal nang may kasintahan sina Jenny at Benjie ay binayaang nilang mahulog ang loob nila sa isa’t isa nang hindi man lamang nakikipaghiwalay muna sa kani-kaniyang kasintahan. Para bang sinasabi na sa sandaling may makitang ibang mas maganda, mas makakasundo o mas nakakapagpasaya ng damdamin ay maari nang kalimutan ang naunang relasyon. Hindi nito ipinakita na makipag-usap at gumawa muna ng paraan upang maayos ang relasyon sa kasintahan bago tumingin sa iba. Hindi rin maganda ang prinsipiyo ng mga magulang nina Benjie at Jenny na botong boto kina Tracy at Alfred dahil sa maykaya ang mga ito at nagbibigay na pinansyal na tulong sa kanila.
Dahil mga kabataan ang pangunahing tagapanuod ng pelikulang ito, mainam na subaybayan sila ng mga magulang upang magabayan at pangaralan laban sa sitwasyon at usaping maaaring magbigay na negatibong impluwensya.