Thursday, November 27, 2008

Scaregivers

Cast: Jose Manalo, Wally Bayola, Iza Calzado, Paolo Contis, Ehra Madrigal, Edgar Allen de Guzman; Director: Uro Q. dela Cruz; Producers: Antonio P. Tuviera, Marvic Sotto; Screenwriter: Jourdan Sebastian; Music: Vince de Jesus; Editor: Reggie Gulle; Genre: Comedy/ Horror; Cinematography: ; Distributor: APT Entertainment; Location: Philippines; Running Time: 110min.;

Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above

Nagnakaw ng mamahaling pares ng singsing sa isang tindahan ng alahas sina Billy (Jose Manalo) at Bob(Wally Bayola). Pero dahil sa kanilang kapalpakan, sila ay mahuhuli ng pulis at makukulong. Ngunit hindi pa rin nila isasauli ang ninakaw na singsing. Upang maiwasan ang tuluyan nilang sentensiya, magpapanggap sina Billy at Bob na mga baliw. Maniniwala ng hukom at sila ay ilalagak sa isang mental hospital. Ang buong akala nilang dalawa ay tapos na ang kanilang problema, ngunit malalaman nilang sa ospital na pinagdalhan sa kanila ay may pinaniniwalaang multo na pumapatay ng mga nurse at ilang piling pasyente. Silang dalawa ay balak ring patayin. Mabuti na lang at may makikilala nila si Marcia (Iza Calzado) na isang caregiver sa ospital. Tutulungan sila nito na makatakas ngunit malalaman nilang ang pumapatay pala ay dati niyang kasintahan. Ano kaya ang lihim ni Marcia at ng ospital? Makatakas pa kayang talaga sila Billy at Bob?

Isang nakakaaliw na pelikula ang Scaregivers. Bagama’t mga baguhang bida sina Jose Manalo at Wally Bayola, nagawa nilang dalhin ang buong pelikula. Hindi rin naman matatawaran ang husay ng mga pangalawang tauhan. Maayos naman ang daloy ng kuwento at may istorya naman na maaring sundan. Yun nga lang, hindi pa rin nila maiwasan ang paggamit ng mga lumang joke lalo na ng mga toilet humors na masyado nang naging palasak at kadalasa’y hindi na nakakatawa. Halata ring nagkulang sa research ang pelikula lalo pagdating sa pag-proseso ng mga kasong kriminal at pangangalaga ng mga pasyente sa mental hospital. Pawang hindi nito naipakita ng maayos ang tunay na pamamalakad sa institusyon. Maayos naman ang special effects maging ang tunog at pag-iilaw. Maaring hilaw at kulang pa sa mga bagong elemento pero pasado na rin kung tutuusin para sa dalawang baguhan pa lamang sa larangan ng pagpapatawa.

Ipinakita sa pelikula na maaaring magbago ang kahit sino basta’t bukal ito sa kalooban at hindi napipilitan lang. Lahat ng sinumang nagkasala ay may pagkakataon pa ring umangat sa buhay at magkaroon ng pag-asa basta’t magsisikap at tuluyang tatalikuran ang maling gawain. Ngunit maraming ipinakita sa pelikula na labis na nakababaha lalo na sa batang manonood. Una ay ang paggamit sa pangalan ng Diyos at sa pagdarasal bago gawin ang pagnanakaw. Maaring isipin na tama ang ganitong gawain. Pangalawa ay ang ilang mga bastos na uri ng patawa lalo na yung patungkol na naman sa katawan ng kababaihan. Parati na lang bang pantasyang sekswal ang mga kababaihan sa pelikula? Nagbibigay ito ng kalituhan sa papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa lipunan. Nariyan din ang isteryotipikal na paglalarawan sa ilang lahi tulad ng mga Tsino at Indian. Sa mga ganitong bagay, kinakailangang gabayan ang mga batang manonood.