Thursday, November 20, 2008

One True Love


Cast: Marian Rivera, Dingdong Dantes, Iza Calzado, Boots Anson-Roa, Pinky Marquez, Chinggoy Alonzo; Director: Mac Alejandre; Producers: Jose Mari-Abacan, Roselle Monteverde-Teo ; Screenwriter: Annette Gozon-Abrogar; Music: Von de Guzman;Genre: Romance; Cinematography: Mo Zee; Distributor: GMA Films; Location: Manila; Running Time: 130 min.;

Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers 14 and above

Masayang magkasintahan sina Joy (Marian Rivera) at Migs (Dingdong Dantes). Hindi na nagdalawang isip pa si Joy nang alukin siya ng kasal ni Migs. Ngunit lingid kay Joy, mayroong kababatang kasintahan noon si Migs na si Bela (Iza Calzado) na nasa Canada. Nagkahiwalay sila ni Migs dahil pinili ni Bela na samahan ang kanyang pamilya sa Canada. Nang malaman ni Bela ang tungkol sa pagpapakasal ni Migs, magbabalik ito sa Pilipinas para sana pigilan si Migs ngunit malalaman niyang hindi na siya mahal nito tulad ng dati pagkat si Joy na ang bago nitong mahal. Matutuloy ang kasal nina Migs at Joy. Ngunit isang gabi pa lang silang nagsasama ay maaaksidente si Migs. Matagal na mawawalan ng malay si Migs at sa kanyang paggising, tanging ang alaala ng pamilya at ni Bela lamang ang matatandaan niya. Wala siyang alaala ni Joy. Labis itong ikalulungkot ni Joy ngunit hindi siya agad na susuko. Aalagaan niya si Migs hanggang sa magbalik ang alaala nito at tuluyan siyang makilala. Ngunit sadyang hindi maalala ni Migs si Joy at ang pagkakaalam niya’y si Bela ang mahal niya. Dito magsisimula ang kalbaryo ni Joy. Sino ang tunay na isisigaw ng puso ni Migs sa bandang huli? Ang babaeng una niyang minahal o ang babaeng nagturo sa kanyang umibig muli?

Hindi na masyadong bago ang konsepto ng amnesia sa mga kuwentong Pilipino. Pero nagawa naman ng One True Love na bigyan ito ng bagong bihis sa pagkakaroon ng bagong loveteam sa katauhan ni Marian Rivera at Dingdong Dantes sa pelikula na talaga namang subok na ang husay at tatag sa pagpapakilig ng manonood. Hindi rin matatawaran ang husay ni Iza Calzado. Maayos ang daloy ng kuwento. May kabilisan nga lang kung minsan kung kaya’t hindi masyadong nahahagod ang damdamin. Medyo lumaylay din ito at napalabis ang haba sa bandang huli. Maraming mga eksenang maaaring tanggalin nang hindi makakasira sa kabuuan ng kuwento. Mayroon ding mga karakter na napabayaan. Tulad na lamang ng lola ni Joy. Ano na ang nangyari sa kanya? Kataka-taka din na walang ibang mundo si Migs kundi ang pamilya. Walang barkada. Walang kaibigan. Hindi rin ganoon kaliwanag ang proseso ng resolusyon. Pero sa bandang huli nama’y masasabing maayos na rin ang pelikula sa kabuuan.

Ang pagmamahal nga ba ay isang pakiramdam o isang desisyon? Paano kung iba ang dikta ng isip sa puso? Ano ba talaga ang dapat na mas manaig? Ipinakita sa pelikula na ang tama pa rin ang nagtatagumpay kaysa sa mali. May mga nagagawang desisyon ang mga tao dala ng emosyon ngunit sa bandang huli’y uusigin tayo ng ating konsensiya at ang katotohanan at kabutihan pa rin ang mananaig. Kapuri-puri ang pelikula sa pagpapakita ng kahalagahan ng pamilya--ang tanging makakapitan ng sinuman sa oras ng kalungkutan, kasiyahan at pighati. Wala ring bahid ng kasamaan si Joy. Bagama’t tao pa rin na nasasaktan, naging mapagbigay at matiisin pa rin siya. Alam niya kung kailan dapat lumaban at kung kailan dapat sumuko. Higit sa lahat, matatag din ang kanyang pananampalataya sa Maykapal na ang lahat ay aayon din para sa kanya at para sa kabutihan balang araw. May mga malabis na halikan lamang sa pelikula na kailangang gabayan ang mga bata. Ang pakikiapid din ni Migs kay Bela ay dapat maipaliwanag nang husto.