Thursday, November 13, 2008

Kurap


Cast: Ashley Rhain Arca, Christian Burke, Jojit Lorenzo, Sherwin OrdoƱez; Director: Roni Bertubin; Producer: Antonio de Guzman Jr.; Screenwriter: Romualdo Avellanosa; Genre: Drama; Distributor: Silangan Pictures; Location: Manila; Running Time: 90 min.;

Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2
CINEMA Rating: For mature viewers 18 and above

Si Ambet (Sherwin Ordonez) ay isang mandurukot sa Quiapo na pinasok din ang pagbebenta ng mga bagay na nakaw tulad ng cellular phone, kasabwat ang ilang kaibigan. Nang magkasakit ng glaucoma (isang sakit na unti-unting nagpapabulag ng mata) ang kanyang nakababatang kapatid sa ina na si Luchie, kinailangan niya ng mas maraming pera upang maipagamot ito. Sakto namang dumating sa buhay nila si Marlon (Jojit Lorenzo), isang amateur videographer, upang alukin siya ng pera kapalit ang pagtuturo nito ng mga illegal na negosyo sa Quiapo. Mapipilitan si Ambet na ipagkanulo ang mga kaibigan sa ngalan ng pagmamahal nito sa kapatid at sa salaping kanyang makukuha. Ngunit ito rin ang simula ng panganib sa kanyang buhay.

Para sa isang Indie (independent) na pelikula, maayos ang daloy ng kuwento ng Kurap. Malinaw ang karakterisasyon at nagamit nang husto ang lugar ng pelikula. Sinubukan nitong pasukin ang ilang bagong elemento ng paggawa ng pelikula. Nariyan ang kakaibang paggamit ng cinema verite kung saan pawang kunukunan lamang ang mga pangyayari sa makakatotohanang paraan. Naisalarawan ng pelikula ang talamak na kalagayan ng mahihirap sa lungsod. Medyo gasgas na nga lang ang Quiapo bilang kumakatawan sa lahat ng sakit ng Maynila. Hilaw pa rin sa pag-arte ang ilang tauhan bagama't maaari naman itong palagpasin. Marami ring eksenang tuhog at hindi ginamitan ng tripod kung kaya’t lumabas na nakakahilo at magulo--isang kahinaang maituturing ng cinema verite approach sa pagsasapelikula. Labis ring madidilim ang mga eksena kahit na nga ito marahil ay pagbibigay-simbolismo sa madilim na mundo ng mga mandurukot, snatchers, at iba.

Sa isang mundong nababalutan ng kadiliman at kahirapan, kinakailangan ang malinaw na paningin upang malaman kung saan nga ba patutungo ang lahat nang ito. Sa bilis ng mga pangyayari ay maaaring magbago ang takbo ng lahat sa isang kurap. Ito ang nais sabihin ng pelikula. Binuo ang kuwento upang muling buksan ang mata ng manonood sa mga nangyayaring kahirapan at kasamaan. Ngunit pawang naging malabis ang pelikula sa paggamit ng kapangyarihan nitong magsiyasat at magbulgar ng sakit ng lipunan. Maraming elemeto ang walang malinaw na pinanggagalingan at patutunguhan. Sa isang banda ay kapuri-puri ang tapang ng pelikula sa pamumunasa kultura ng mass media kung saan talamak ang kasamaan at pangungurakot. Anito, walang pinagkaiba ang media sa mga snatchers, mandurukot, namimirata at mga prostitute. Sa mundong ito, mas talamak ang korupsiyon at panlalamang sa kapwa. Pero ano’t ano pa man, isang madilim na pelikula ang kurap na walang ipinakikitang pag-asa o inspirasyon man lamang. Labis na nakababahala ang pagkakaroon ng papel ng isang bata sa pelikula na kung saan ay marami siyang nakikitang masama. Maari ngang nangyayari ang mga ito, pero nakababahalang wala man lang pag-asang dala ang isang bata hanggang sa katapusan ng pelikula. Kinokonsinte rin ng pelikula ang pagtatalik ng hindi mag-asawa maging ng mga bakla. Walang pagbabago, walang pagsisisi at walang sinumang mabuti at walang Diyos na pinaniniwalaan ang mga karakter sa pelikula. Idagdag pa rito ang maraming eksena ng paghuhubad at pagmumura ng mga tauhan. Nararapat lamang ang pelikula sa mga manonood na may gulang na at sapat na hinog ng isipan.