Monday, November 3, 2008

My Only U

Cast: Toni Gonzaga, Vhong Navarro, Dennis Padilla, Arlene Muhlach; Director: Cathy Garcia-Molina; Producer: Malou Santos; Screenwriter: John Roque; Genre: Romantic Comedy; Distributor: Star Cinema; Location: Manila; Running Time: 110min.;


Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers 14 and above

Walang inaabot ng 25 anyos sa lahi ni Winona (Toni) sa kanyang mother side kung kaya’t nangangamba siyang bago sumapit ang kanyang ika-25 na kaarawan ay mamamatay rin siya. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi siya nagpapaligaw kahit kanino at ibinuhos na lamang ang oras sa paghahanapbuhay para sa bulag na ama (Dennis Padilla). Hindi niya alam na may lihim na pagtingin sa kanya ang kanyang kababata at kasero na si Bong (Vhong Navarro). Nang sumapit ang kaarawan ni Winona ay tuwang-tuwa siyang nakaabot siya ng 25 anyos. Itinuturing niya itong extension ng kanyang buhay. Ngunit malalaman ni Bong na may malubha palang sakit si Winona at hindi na rin magtatagal ang buhay nito. Ililihim ito ni Bong kay Winona sa pagnanais na bigyang kasiyahan at pag-asa ito sa mga nalalabi pa nitong araw. Ipinangako ni Bong sa sarili na babantayan at poprotektahan niya si Winona. Pero darating ang oportunidad kay Winona na makapunta ng Japan. Mapigilan kaya ni Bong lumayo si Winona? Paano kung malaman ni Winona ang paglilihim na ginawa ni Bong tungkol sa kanyang sakit? Magkatuluyan pa kaya sila?

Tulad sa inaasahan, isang nakakaaliw na pelikula ang My Only U. Bago at hindi karaniwan ang kuwento nito at sadyang nagampanan ng husto ng mga artista ang kani-kanilang papel. Ngunit hindi maitatatwang minadali ang pelikula kung kaya’t pawang maraming eksena ang kulang sa hagod ng emosyon. Ang labas tuloy ay sobrang de-numero ng istruktura nito at kitang-kita ang kamay ng manunulat sa buong kuwento. Bagama’t may kurot, wala gaanong kilig na mararamdaman sa kuwentong pag-ibig ng pelikula. Masyadong tumutok sa mga lumang joke at patawa na hindi naman gaanong naging epektibo. Nagbabalik ang mga lumang istilo ng mga pelikula na mayroong sayawan, kantahan, at mga gasgas na karakter na ngongo, mataba at andres de saya. Pati ang ilang pagsingit ng mga artista at karakter sa ibang pelikula ng Star Cinema ay pawang nakagulo sa daloy ng kuwento.

Sadyang nakalilito ang mensahe ng pelikula. Bagama’t sinasabi nito na ang tunay na pag-ibig ay naghihintay at nagtitiis, naging pawang makasarili pa rin ang bida sa pagtatago ng katotohanan. Sa pagkakataon bang ito ay tama lamang ang magsinungaling? Masyado ring pinangungunahan sa pelikula ang buhay at kamatayan. Kinondena nito ang pagiging mapaniwalain sa mga haka-haka, signos at kung ano pa mang kapangyarihan na hindi akma sa turo ng simbahan. Sadyang nakababahala rin ang mga eksena ng pamamatok ng asawang babae sa asawang lalaki at ang paggamit sa kapansanan ng tao bilang katatawanan. Sa kabila nito’y may mabuti namang mensahe ang pelikula ukol sa pagmamahal ng anak sa magulang,pagkakaisa ng magkakapit-bahay at pagmamahalang wagas hanggang kamatayan. Kapuri-puri rin ang ilang eksena na nagpapakita ng pagka-relihiyoso ng mga karakter. Yun nga lang, ang paniniwala nila sa Diyos ay pawang hanggang doon lang. Kapupulutan din ng aral ang masayahing disposisyon ng mga karakter sa gitna ng problema. Ang pagpapakitang ang kamatayan ay hindi lang isang malungkot na yugto ng buhay kundi maari ring maituring na masayang katapusan at simula ng panibagong paglalakbay.