Monday, May 5, 2008

When Love Begins

Title: When Love Begins
Cast: Aga Muhlach, Anne Curtis, Boots Anson-Roa, Jon Avila, A.J. Dee, Christopher de Leon, Desiree del Valle, Dimples Romana, Ronaldo Valdez
Director: Jose Javier Reyes
Producer: Star Cinema
Screenwriter: Jose Javier Reyes
Music: Jesse Lasaten
Genre: Drama/ Romance
Distributor: Star Cinema Productions
Location: Philippines
Running Time: 105 min.

Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2 ½
CINEMA Rating: For mature viewers 18 and above


Nagkakilala sina Mitch (Anne Curtis) at Ben (Aga Muhlach) sa Boracay. Dito nabuo ang kanilang pagkakaibigan at pagtitinginan. Ngunit sa huling gabi nilang dalawa sa Boracay ay umalis na lang si Mitch nang hindi nagpapaalam. Walang alam si Ben sa buhay ni Mitch sa Maynila. Wala rin itong iniwang address o contact number. Sa isang hindi sinasadyang pagkakataon ay muling magku-krus ang kanilang landas. Sa pagkakataong ito, hindi na hahayaan ni Ben na mawala pang muli si Mitch. Dito niya lalong nakilala si Mitch na anak pala ng isang mayamang real estate developer (Christopher de Leon). Bata pa lamang si Mitch ng naghiwalay ang kanyang mga magulang kung kaya’t may takot na ito sa pakikipag-relasyon. Maayos naman ang pamilya ni Ben na isang abogado at environment advocate. Sa kabila ng kanilang maraming pagkakaiba at agwat ng edad ay masaya sila sa piling ng bawat isa. Ngunit magiging hadlang pa rin ang marami nilang kaibahan upang maging lubusan silang sumaya. Makakabangga ni Ben ang ama ni Mitch dahil sa isang project nito kung saan maaapektuhan ang kalikasan na siyang pinaglalaban ni Ben. Sino ang mas papanigan at pipiliin ni Mitch, ang kanyang ama o si Ben na kapwa niyang mahal?


Isang ordinaryong kuwento ang When Love Begins. Tinangka nitong maging malalim sa pamamagitan ng pagsentro sa bigat ng karakter at hindi sa mga nangyayaring aksyon ngunit naging pawang mababaw at malamlam pa rin ang kinalabasan. Sa kabila ng mga batikan at naggagalingang mga artista ay hindi nito naisalba ang mababaw at napakasimpleng kwento. Walang bigat ng damdamin, walang nakakatawang karakter o eksena at walang maiiwan sa mga manonood kundi ang kakulangan ng insipirasyon ng pelikula. Bagama’t magandang milieu ang Boracay ay naging isa lamang itong backdrop ng kwento at hindi lubusang nagamit sa pagpapayabong ng istorya. Ang karamihan sa mga pangalawang tauhan ay naging pang-display lamang. Nakapahihinayang ang pelikulang When Love Begins na naging higit pa sanang maganda kung hinaluan ito ng mga bagong elemento at bagong mga pangyayaring hindi karaniwang nakikita sa pelikula o telebisyon.


Sinasabi ng pelikula na hindi biro ang pakikipag-relasyon. Marami na ring mga makabago at nagiiba-ibang pananaw ukol dito depende na rin sa karanasan. Ngunit may mga bagay sa relasyon na hindi dapat magbago. Una ay ang wagas na pagmamahal na kayang tawirin at hamakin ang lahat maging ang prinsipyo alang-alang sa minamahal. Pangalawa ay ang katapatan at paninindigan sa pamamagitan ng commitment. Maraming sinabing dahilan ang pelikula kung bakit takot at ayaw na ng commitment ng karamihan sa mga kabataan ngayon pagdating sa pakikipag-relasyon. Nariyan ang trauma at takot na masaktan dahil na rin sa mga nakitang halimbawa sa kanilang mga magulang. Ngunit hindi ito sapat na dahilan upang ituring na casual ang isang relasyon at pahantungin pa ito sa pagiging sekswal kung wala rin namang katapatan ng pagmamahal pati na ang basbas ng Diyos. Kung ganito nang ganito ang magiging turing sa relasyon ay magiging bihira na nga siguro ang isang maayos na pamilya tulad ng pamilya ni Ben sa pelikula. Kapuri-puri naman ang pagiging magalang sa magulang ng mga tauhan at maging ang mensahe nito sa pangangalaga ng kalikasan ngunit sadyang nakakabahala ang mga eksena ng inuman, paninigarilyo, at pakikipagtalik ng hindi pa kasal.