Title: Ploning Cast: Judy Ann Santos, Gina Pareño, Mylene Dizon, Eugene Domingo, Tony Mabesa, Meryll Soriano, Ces Quesada, Crispin Medina, Tessie Tomas, Spanky Manikan, Ketchup Eusebio, Boodge Fernandez, Cedric Amit, Ogoy Agustin Director: Dante Nico Garcia Producer: Panoramanila Screenwriters: Dte Nico Garcia, Benjamin Lingan Music: Jesse Lasaten Genre: Drama Distributor: Panoramanila Location: Philippines Running Time: 110 min.
Technical Assessment: 4
Moral Assessment: 4
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Binaybay ni Muo Sei (Boodge Fernandez) ang isla ng Cuyo, Palawan lulan ng isang bangka upang hanapin ang hindi mawari kung tao o bagay na kung tawagin lamang niya ay Ploning. Dahil illegal ang sinasakyang bangka, mayroon lamang siyang isang buong araw upang hanapin ang Ploning sa isla. Sa kanyang paghahanap ay unti-unting lilinaw na ang tinutukoy niyang Ploning ay isang dalaga (Judy Ann Santos) na noon ay kilala sa isla bilang matulungin, masayahin at misteryosa. Si Ploning ay anak ng isang mayamang negosyante (Tony Mabesa). Siya rin ang masugid na tagasuporta ng nagluluksa sa kalungkutan na si Intang (Gina Pareño) na siya ring ina ng kanyang kasintahang matagal ng nawalay buhat ng pumunta ng Maynila, si Tomas. Sa gitna ng pagiging mabuting anak, kaibigan, kasintahan, ay naging ina-inahan din si Ploning ng batang si Digo (Cedric Amit) na anak ng paralisado ng si Juaning (Eugene Domingo). Labis ang kalungkutan ni Digo nang malamang may balak si Ploning ng pumunta ng Maynila upang sundan si Tomas. Nakakuha ng bagong karamay at kakampi si Digo sa katauhan ng bagong saltang nurse sa baryo na si Celeste (Mylene Dizon) na diumano’y may nakilala sa Maynila na Tomas ang pangalan at ito raw ay taga-Cuyo. Si Celeste rin ang magiging susi ng lahat ng misteryo at lihim na itinatago ni Ploning. Sino si Muo Sei sa buhay ni Ploning?
Isang napakagandang pelikula ng Ploning na bihira nang makita sa mga klase ng pelikula natin ngayon. Ipinakita ng Ploning hindi lamang ang magagandang tanawin sa Cuyo, Palawan kundi pati na rin ang mayaman nitong kultura at dialekto. Buong-buo ang kuwento na umiikot sa maraming buhay sa isang isla na tila nilimot na ng panahon. Sa kabila ng maraming karakter ay hindi nawala ang sentro kay Ploning. Pinatingkad ang simpleng produksyon ng napakahusay na pagganap ng mga tauhan lalo na sina Judy Ann Santos, Gina Pareño, Eugene Domingo, Mylene Dizon, Spanky Manikan at maging ang mga baguhang sina Cedric Amit at Boodge Fernandez at Ogoy Agustin. Mahusay ang sinematograpiya at komposisyon na halatang pinagbuhusan ng panahon. Tamang-tama ang daloy ng emosyon at timpla ng bawat eksena. Maging ang mga simbolismo ay naging napakaepektibo sa paglalahad ng kuwento.
Umikot ang Ploning sa mga iba’t-ibang pananaw at konsepto ng pagmamahal depende sa karanasan ng isang tao. Si Ploning bilang matiyagang nagmamahal ay naniniwala na ang nagmamahal ay nagtitiwala at nasasaktan. Si Celeste naman ay hindi naniniwala dito. Para sa kanya, kapag nagmahal ay hindi dapat masaktan. Maaring nag-iiba ang pananaw ngunit isang bagay ang malinaw: ang buhay ng tao ay dapat uminog sa pagmamahal upang magkaroon ito ng kahulugan. Si Ploning ay wagas na nagmamahal hindi lamang sa kanyang kasintahan kundi maging sa kanyang magulang,mga kaibigan, anak-anakan at higit sa lahat, sa Diyos. Ipinakita niya na ang tunay na pagmamahal ay wagas, lubos at hindi naghihintay ng kapalit. Kapag iba ang pinairal, tulad ni Intang, ay kawalang-katahimikan at kapahamakan lamang ang kahihinatnan. Kapuri-puri kung paanong ang mabuting halimbawa ni Ploning ay bumuhay at nagbigay pag-asa sa sanga-sangang relasyon ng mga taong nabubuhay ng payak sa isang isla na tulad ng Cuyo.