Cast: Ray An Dulay, Angeli Bayani, Nico Antonio, Richard Quan, Ace Ricafort, Perry Ecano; Director: Joselito Altarejos; Producer: Beyond the Box; Screenwriters: Joselito Altarejos, Peping Salonga, Lex Bonife; Genre: Drama; Distributor: ; Location: Manila; Running Time: 100 mins.;
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For mature viewers 18 and above
Nakapagdesisyon na si Juan (Ray An Dulay), na kilala rin ng karamihan bilang Erwin, na bumalik na sa kanyang probinsiya sa Masbate upang alagaan ang kanyang inang maysakit at tuluyan nang talikuran ang buhay sa Maynila. Magpapaalam siya sa kanyang mga kapitbahay at sa kanyang kinakasamang si Noel (Nico Antonio). Bagama't lantaran ang pakikipag-relasyon ni Juan sa kapwa lalaki, ay hindi naman lantaran ang kanyang trabaho bilang live sex performer sa isang tagong gay bar sa Maynila. Ang araw ng kanyang pag-alis papuntang Masbate ay ang huling araw na rin ng kanyang trabaho. Matapos ang gabi ng kanyang huling live performance at makuha ang kaukulang bayad dito, ay nakapagdesisyon na siyang talikuran ng permanente ang ganitong uri ng trabaho. Matapos niyang magbakasakali sa Maynila ng tatlong taon ay kung anu-anong trabaho na rin ang pinasok niya ngunit hindi niya nakuha ang suwerteng inaasam. Ngayong buo na ang loob niyang talikuran ang mapaglarong siyudad, manalo na kaya siya sa kanyang pagtaya sa bagong kapalaran?
Payak kung maituturing ang kuwento ng pelikula na sinundan lamang ang isang araw sa buhay ng isang taong nais magbagong-buhay. Ngunit ang kapayakang ito ang nagpahatid at naglahad ng epektibong kuwento ng mga taong ang buhay ay nakatago sa dilim. Kitang-kita ang pagkakaiba ng buhay ni Juan sa araw at gabi. Isang tipikal na kuwento ng mga taong nasadlak sa kahirapan at may hanapbuhay na hindi nila kayang ipagmalaki. Maganda at totoong-totoo ang eksenang ipinakita sa pelikula. Malinaw ang pagkakalahad ng kuwento na hitik sa simbolismo. Mahuhusay din ang mga nagsiganap na bagama't mga hindi kilala at hindi malalaking pangalan sa industriya ay nagawang magampanan ang kanilang papel nang makatotohanan. Maganda ang direksiyon ng pelikula sa kabuuan dahil na rin sa naging matapat ito sa mga katotohanan ng lipunan na bihira na lang mapansin ng karamihan.
Marami ang katulad ni Juan – mga nagbakasakali sa Maynila ngunit hindi nagtagumpay. Dalisay kung titingnan sa kabuuan ang pagkatao ni Juan. Bagama't nakipagrelasyon sa kapwa lalaki, ipinakita naman na tapat siya kung magmahal at mapagmalasakit sa kapwa. Sa kabila ng kanyang hanapbuhay bilang live sex performer ay mabuti pa rin siyang anak sa kanyang ina at mabait din siya sa kanyang mga kapitbahay. Yun nga lang, sadyang mapaglaro ang tadhana sa mga tulad ni Juan kung kaya't nasasadlak sila sa mga hanapbuhay na hindi nila buong-pusong ginusto. Dapat silang unawain sa halip na husgahan. Ngunit nakababahala pa rin na nagiging katanggap-tanggap na sa lipunan ang pagsasama ng dalawang lalaki na parang mag-asawa. Hindi kailanman magiging panghabang-buhay ang ganitong relasyon at makasisira ito sa pagbuo ng pamilya. Hindi rin dapat gawing dahilan ang kahirapan upang masadlak sa prostitusyon at gawaing nakasentro sa tawag ng laman. Pero kung tutuusin ay biktima lamang ang mga katulad ni Juan ng sitwasyon. Katulad ng ipinakita sa pelikula, hindi ang mga gaya niya ang tunay na masasama kundi iyong mga taong pinagsasamantalahan ang kasawian ng iba. Labis na nakakababaha rin ang ilang ipinakitang eksena ng hubaran sa pelikula lalo na ang pagtatalik ng lalaki sa kapwa lalaki. Bagama't malinaw sa konteksto ng pelikula na ito'y isang naiiba at madilim na mundo, maari pa rin itong magpadumi sa utak ng manonood at makaimpluwensiya ng pag-iisip ng mga kabataan. Kaya't nararapat lamang ang pelikula sa mga manonood na may gulang na 18 pataas.