Showing posts with label vic sotto. Show all posts
Showing posts with label vic sotto. Show all posts

Tuesday, January 7, 2014

My little bossings


-->RUNNING TIME:   1 hr 50 minutes  LEAD CAST: Vic Sotto, Kris Aquino, Ryzza Mae Dizon, James “Bimby” Aquino Yap  DIRECTOR: Marlon Rivera  SCREENWRITER: Bibeth Orteza  PRODUCER:  Octo Arts Film, M-Zet Productions, APT Entertainment, Kris Aquino Productions  DISTRIBUTOR: OctoArts Film

Technical assessment:  2.5
Moral assessment:  2.5
MTRCB:  G (for all ages) 
CINEMA rating: V 14

Si Torky (Vic Sotto), isang bookkeeper, ay empleyado ng milyonaryang si Baba (Kris Aquino), isang cash management specialist.  Malalagay sa panganib ang buhay ni Baba dahilan sa isang gusot sa kanyang trabaho na nahihirapan siyang ayusin. Para hindi madamay ang anak niyang si Justin (Bimby Aquino-Yap) sa kaguluhan, ilalagak niya ito kay Torky.  Iuuwi naman ni Torky si Justin sa bahay niya para makilala si Ice (Aiza Seguerra) at si Ching (Ryzza Mae Dizon), isang batang kalye na inampon ni Ice.  Pilyo, malikot, at anak-mayaman si Justin; paano tatakbo ang pagsasamahan nilang apat sa ilalim ng iisang bubong?

Maunawain ang CINEMA sa pelikulang Pilipino.  Batid naming bihira sa mga pelikulang Pinoy ang may malaking budget.  Tanto din namin na ang karamihan ng mga gumagawa ng pelikula ay hangad lamang magpasaya ng manunuod habang kumikita naman mula sa kanilang sining.  Kaya naman hindi kami nag-aatubiling magpikit-mata kung magkaminsa’y palpak ang editing, patay ang sinematograpiya, tagilid ang script, nakakabingi o hindi pantay-pantay ang tunog at musika, sablay ang costumes, props at sets, peke ang pag-arte, wa-class ang pagpapatawa at katawa-tawa naman ang pagpapaiyak.  Magkaroon man lamang sana ng malinaw na istorya o kapaki-pakinabang na mensahe ay okay na; puwede na naming ipasa at pagpasensyahan ang ilang kapintasan.  Pero kung naroon nang halos lahat ng kapintasan at gagatasan pa ang manunuod sa pamamagitan ng garapal na product placement, hindi ba’t maiisip mong gusto lamang gumawa ng pera ang pelikula habang nagsusulong ito ng isang hangaring personal? Ganoon ang tingin ng CINEMA sa My Little Bossings.

Isangdamakmak na media hype ang nanguna sa pelikula tungkol sa pagsisimula ng acting career ng pamangkin ng presidente ng Pilipinas.  May mga interview pa sa tv tungkol sa pagiging co-actor ng patok na patok na tv personality na si Ryzza Mae.  Kaya natural na gustuhin ng mga taong panoorin ang tambalang Ryzza-Bimby; nag-Number One diumano sa takilya noong Manila Film Festival.  Sa simula ng My Little Bossings ay mukhang may matinong tatahakin ang kuwento, pero di maglalaon, sa pagkakapatung –patong ng mga eksena, ay iisipin mo nang “Ano ba talaga ang gustong palabasin nito?”  May mga tagpong tulad ng sa bahay ampunan— ipapakita ang di-makatarungang pagtrato sa mga bata, pero sa halip na sundan ito ng matalinong pagpapalawig ng isyu, ay lulukso ang kuwento balik sa kababawan.  Ano’ng saysay ng eksenang iyon?  Taliwas din sa katuwiran ang ilang hakbangin sa istorya; halimbawa— kung ikaw ba’y isang milyonarya at gusto mong itago ang anak mo sa panganib, doon mo ba ipagkakatiwala sa isang taong nakatira sa magulong lugar?  Hindi ba’t ilalayo mo siguro, sa probinsiya, sa ibang bansa, at papaligiran ng mga bodyguards? 

Pero ang tingin yata ng My Little Bossings sa mga nanonood ay wala silang karapatang mag-isip, kaya rin ganun-ganon na lang kung magsiksik ng advertisements.   Noodles man, soft drinks sabong panlaba, o fast food chain, basta na lang tatambad sa paningin mo ang produkto, at walang pakundangang ibebenta ito sa manonood.  Ano ba yan!?  Bakit babayad pa ang tao kung makikita din sa sinehan ang napapanood sa telebisyon?  Hindi ba ninanakawan niyan ang mga tao?  Akala siguro ng My Little Bossings ay sapat na ang naglalakihang mga bituin para pagtakpan ang butas-butas nitong produksyon.  Ang kawawa dito ay ang Pilipinong manunuod, ang mga tapat na tagahanga (lalo na ni Ryzza) na sa kapayakan ng pag-iisip ay bumabayad para makita ang paslit na artista, pero napagsasamantalahan ng isang produksyong hungkag at walang kalidad.  Maawa naman sana sila sa manunuod.  Maawa rin tayo sa mga batang artistang nagmumukh na ring mga produktong ibinebenta, pinagkikitaan sa murang gulang, at maaaring nagagamit sa paraang mapanira sa kanilang kinabukasan.