-->RUNNING TIME: 1 hr 50 minutes LEAD CAST: Vic Sotto, Kris Aquino, Ryzza Mae Dizon, James “Bimby” Aquino Yap DIRECTOR: Marlon Rivera SCREENWRITER: Bibeth Orteza PRODUCER: Octo Arts Film, M-Zet Productions, APT Entertainment, Kris Aquino Productions DISTRIBUTOR: OctoArts Film
Technical assessment: 2.5
Moral assessment: 2.5
MTRCB: G (for all ages)
MTRCB: G (for all ages)
CINEMA rating: V 14
Si Torky (Vic Sotto), isang bookkeeper, ay empleyado ng milyonaryang
si Baba (Kris Aquino), isang cash
management specialist.
Malalagay sa panganib ang buhay ni Baba dahilan sa isang gusot sa
kanyang trabaho na nahihirapan siyang ayusin. Para hindi madamay ang anak
niyang si Justin (Bimby Aquino-Yap) sa kaguluhan, ilalagak niya ito kay
Torky. Iuuwi naman ni Torky si
Justin sa bahay niya para makilala si Ice (Aiza Seguerra) at si Ching (Ryzza
Mae Dizon), isang batang kalye na inampon ni Ice. Pilyo, malikot, at anak-mayaman si Justin; paano tatakbo ang
pagsasamahan nilang apat sa ilalim ng iisang bubong?
Maunawain ang CINEMA sa pelikulang
Pilipino. Batid naming bihira sa
mga pelikulang Pinoy ang may malaking budget. Tanto din namin na ang karamihan ng mga
gumagawa ng pelikula ay hangad lamang magpasaya ng manunuod habang kumikita
naman mula sa kanilang sining.
Kaya naman hindi kami nag-aatubiling magpikit-mata kung magkaminsa’y palpak
ang editing, patay ang
sinematograpiya, tagilid ang script, nakakabingi
o hindi pantay-pantay ang tunog at musika, sablay ang costumes, props at sets, peke ang pag-arte, wa-class ang pagpapatawa at katawa-tawa
naman ang pagpapaiyak. Magkaroon
man lamang sana ng malinaw na istorya o kapaki-pakinabang na mensahe ay okay
na; puwede na naming ipasa at pagpasensyahan ang ilang kapintasan. Pero kung naroon nang halos lahat ng
kapintasan at gagatasan pa ang manunuod sa pamamagitan ng garapal na product placement, hindi ba’t maiisip
mong gusto lamang gumawa ng pera ang pelikula habang nagsusulong ito ng isang
hangaring personal? Ganoon ang tingin ng CINEMA sa My Little Bossings.
Isangdamakmak na media hype ang nanguna sa pelikula tungkol sa pagsisimula ng acting career ng pamangkin ng
presidente ng Pilipinas. May mga
interview pa sa tv tungkol sa pagiging co-actor
ng patok na patok na tv personality na
si Ryzza Mae. Kaya natural na
gustuhin ng mga taong panoorin ang tambalang Ryzza-Bimby; nag-Number One
diumano sa takilya noong Manila Film Festival. Sa simula ng My Little Bossings ay mukhang may
matinong tatahakin ang kuwento, pero di maglalaon, sa pagkakapatung –patong ng
mga eksena, ay iisipin mo nang “Ano ba talaga ang gustong palabasin nito?” May mga tagpong tulad ng sa bahay
ampunan— ipapakita ang di-makatarungang pagtrato sa mga bata, pero sa halip na
sundan ito ng matalinong pagpapalawig ng isyu, ay lulukso ang kuwento balik sa
kababawan. Ano’ng saysay ng
eksenang iyon? Taliwas din sa
katuwiran ang ilang hakbangin sa istorya; halimbawa— kung ikaw ba’y isang
milyonarya at gusto mong itago ang anak mo sa panganib, doon mo ba
ipagkakatiwala sa isang taong nakatira sa magulong lugar? Hindi ba’t ilalayo mo siguro, sa
probinsiya, sa ibang bansa, at papaligiran ng mga bodyguards?
Pero ang tingin yata ng My Little Bossings
sa mga nanonood ay wala silang karapatang mag-isip, kaya rin ganun-ganon na
lang kung magsiksik ng advertisements. Noodles man,
soft drinks sabong panlaba, o fast food chain, basta na lang tatambad
sa paningin mo ang produkto, at walang pakundangang ibebenta ito sa
manonood. Ano ba yan!? Bakit babayad pa ang tao kung makikita
din sa sinehan ang napapanood sa telebisyon? Hindi ba ninanakawan niyan ang mga tao? Akala siguro ng My Little Bossings
ay sapat na ang naglalakihang mga bituin para pagtakpan ang butas-butas nitong
produksyon. Ang kawawa dito ay ang
Pilipinong manunuod, ang mga tapat na tagahanga (lalo na ni Ryzza) na sa
kapayakan ng pag-iisip ay bumabayad para makita ang paslit na artista, pero
napagsasamantalahan ng isang produksyong hungkag at walang kalidad. Maawa naman sana sila sa manunuod. Maawa rin tayo sa mga batang artistang
nagmumukh na ring mga produktong ibinebenta, pinagkikitaan sa murang gulang, at
maaaring nagagamit sa paraang mapanira sa kanilang kinabukasan.