DIRECTOR:
Veronica Velasco, Pablo Biglang-awa CAST: Shaina
Magdayao, MAtteo Guidecelli, Anna Luna, Will Devaugh JC Santos, Bryan Sy WRITERS: Lilit Reyes, Jinky Laurel PRODUCER: Martin Mayuga EXECUTIVE PRODUCER: Ronald Arguelles EDITOR: Henry Ramirez DIRECTOR OF PHOTOGRAPHY: Elyza Esquivel PRODUCTION COMPANY: Star Cinema, Cinema One,
Philippine Star DISTRIBUTOR: Star Cinema LOCATION: Philippines GENRE: Romance Comedy RUNNING TIME: 113 minutes
Technical assessment: 3.5
Moral assessment: 3
CINEMA rating: V16
MTRCB rating: R13
Magkakatagpo
at mabilis na magkakaibigan sina Joee girl (Shaina Magdayao) at Joey boy
(Matteo Guidecelli) sa panahong ipinagbubuntis ni Joee ang bunga ng relasyon sa
dating kasintahan na si Steve (JC Santos). Tatayong foster father ng sanggol si Joey at magiging masaya sa umpisa.
Samantala hindi matatag ang kita ni Joey sa pagiging myembro ng banda, kumpara
kay Joee na may stable job. Sa
kalaunan ay magpapatong-patong ang mga bayarin sa konsumo nilang tatlo. Mauuwi
sa umiigting na pagtatalo ang problemang pinansyal at aabot sa punto na
kailangan nilang magdesisyon kung kaya nilang magpatuloy sa gayung sitwasyon o
hindi.
Mula sa
sinusubaybayang romcom sa telebisyon ay hinatid ng produksyon sa sinehan
ang Single/Single Love is not Enough. Maayos ang
pagkakalahad ng kwento ng pelikula. Maliwanag ang paghahatid ng
mensahe. Nagsimula sa masaya at buong pagmamahalang pagsasama,
naharap sa mga tipikal na hamon ng relasyon, nagkaroon ng
di mapapasubaliang realisasyon at humantong sa mga mahalagang
desisyon. Kakaiba ang ideya ng foster
father. Mahusay ang binigay na trato ng direktor sa mga eksenang
naglalarawan sa mga pangunahing tauhan bilang musician at corporate
employee, gayundin ang pagpapakita ng suporta ng ibang karakter tulad ng
lolo at mga kaibigan. Nakadagdag sa paghahatid ng aliw ang mga eksenang
nagtatampok sa mga ito. Magaling ang mga pagganap nina Magdayao at Guidecelli
lalo na ng beteranong aktor na si Davao. Lumutang naman si Bryan Sy sa kanyang pagganap
bilang binabae. Maganda ang disenyo ng produksyon at akma lamang ang mga costume at make-up sa hinihingi ng istorya. Malinis at halos hindi napansin
ang mga inilapat na musika, ilaw at tunog. Nakatulong ang kapayakang ito upang
hindi makagulo sa seryosong mensahe ng pelikula.
Katulad ng
haligi sa isang bahay na kailangan ng suporta upang tumayo at maging matatag,
pundasyon din ng isang relasyon ang tapat na pagmamahalan na pinapatatag ng
pagsisikap at suporta ng bawat isa. Ito ay subok na pormula ng matagumpay na
pagsasama lalo na sa mag-asawa o sa pamilya. Samakatwid hindi sapat na nagmamahalan
lamang sa magkarelasyon; mahalaga rin na mulat sa katototohan na may mga
pangangailangan na dapat matugunan katulad ng mga bayarin sa mga konsumo sa
pang-araw-araw na buhay. Responsiblidad ng bawat isa na makibahagi sa realidad
na ito. Nagsisilbing paalala ang mensaheng ito ng Single/Single
Love is not Enough sa mga nais pumasok sa isang relasyon.
Magandang materyal ang pelikula sa mga diskusyon ng pakikipagrelasyon hindi
lang sa mga kabataan kundi kahit sa mga may sapat na gulang katulad ng mga
karakter nina Joee at Joey sa pelikula. Ipinakita sa pelikula kung ano ang
maaring kahinatnan o epekto ng mga ginagawang desisyon sa buhay. Binigyan-daan
ang pagpapatawad, suporta ng pagkakaibigan, foster
fatherhood, pagpapahalaga sa banal na Sakramento, tapang sa pagharap sa
katotohanan, at matatag na desisyon. Samantala sa kabila ng
makabuluhang mensahe ng Single/Single Love is Not Enough ay
maselan ang mga isyung tinalakay katulad ng broken family, pre-marital sex, unwanted pregnancy, living-in at non-intention to marry. Akma ang
panooring ito sa mga taong may hinog na kaisipan. (IBD)