DIRECTOR: Ruel S. Bayani LEAD CAST: Bea Alonzo, Paulo Avelino, Derek Ramsay, Christopher
de Leon, Cherie Gil, Ricky Davao, Ces Quesada and Celeste Lagaspi SCREENPLAY: Patrick Valencia GENRES: Drama, Romance PRODUCTION COMPANY: ABS-CBN Films, Star Cinema DISTRIBUTED BY: Star Cinema COUNTRY: Philippines
LANGUAGE: Filipino, English RUNNING TIME: 1 hour 53 minutes
Technical assessment: 4
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: V16
Nakatakdang ikasal si Lia Marquez (Bea Alonso), isang
public school teacher, kay Philip Cordero (Paulo Avelino) na kumakandidato
bilang alkalde ng Cebu. Tinututulan ng
mga magulang ni Philip (Christopher de Leon at Cherie Gil) ang pagpili ng binata
kay Lia, pero ipaglalaban ni Philip ang pagmamahal niya rito. Sa kasagsagan ng pangangampanya ni Philip at
Lia, papasok si Wado, dating kasintahan ni Lia, at sa kagustuhan nitong
makipagbalikan sa dalaga ay sasakyan ang kanyang pagiging isang engineer upang mapasama sa isang malaking
proyektong makakatulong sa kampanya ni Philip.
Matigas na tatanggihan ni LIa ang panunuyo ni Wado na sobrang bilib sa
sarili, pero dadating ang puntong magdududa na rin si LIa kay Philip gawa ng
isang lihim na mabubunyag ni Wado tungkol sa nakaraan.
Maituturing na ring “engaging” ang kuwento sa dramang Kasal, dahil gawa ng marubdob na
pagganap ng mga pangunahing artistia ay nakuha nito ang interes na
manunuod. Maaaring hindi nalalayo sa
katotohanan o realidad ang mga pangyayaring nasasaad sa Kasal, kaya lang, dahil sa ito ay isang pelikulang tumatakbo lamang
sa loob ng dalawang oras, “mapupuruhan” kayo ng mga eksenang emosyonal na
bagama’t kapani-paniwala ay bahagyang nagiging artipisyal sa dami. Natatangi ang husay ng cinematography, at katambal ng akmang tugtugin at masusing editing, ay nakukuha nito ang tamang
damdamin hinihingi ng eksena sa manunuod, habang nailalabas naman nito ang
ganda ng pinapanood—tao man, pangyayari, o lugar. Hindi matatawaran ang galing ni Alonzo sa
pag-emote, ngunit di naming mapigil
na magtaka kung sinadya bang gawin siyang payat at payak ang hitsura para sa
papel ng isang public school teacher.
Idinidiin ng Kasal ang kahalagahan ng pagiging tapat—sa sarili, sa Diyos at sa
kapwa—tungo sa kapanatagan ng kalooban. Maliwanag
nitong naipakita na nagiging ugat ng kaguluhan ang hindi pagiging tapat, at ang
kasamaan ay hindi ginagantimpalaan. Sa
kabuuan ng Kasal, minabuti ng CINEMA
na bigyan ito ng V16 rating—dapat maging
edad 16-pataas lamang ang maaring manood nito—dahil kahit na makatuwiran naman
ang naging wakas nito at “malinis” ang pagkakagawa ng mga maseselang eksena,
pinapaalala lamang namin sa madla na salungat pa rin sa turo ng Inang Simbahan ang
pagsisiping sa labas ng kasal, at hindi dapat tanggapin bilang isang “ordinaryong
bagay” na lamang sa buhay lalo na ng mga kabataan. (TRT)