DIRECTOR: Tony Y. Reyes LEAD CAST:
Kim Chiu, Ryan Bang, Enzo Pineda, Maymay Entrata, Edward Barber STORY and SCREENPLAY: Danno Kristoper C.
Mariquit, Daisy Cayanan, Dip B. Mariposque
EDITED BY: Chrisel G. Desuasido GENRES:
Comedy, Horror MUSIC: Jessie
Lasaten PRODUCTION COMPANY: ABS-CBN Film
Productions DISTRIBUTED BY: Star
Cinema COUNTRY: Philippines
LANGUAGE: Filipino, English RUNNING
TIME: 2 hours
Technical Assessment: 2
Moral Assessment: 2.5
Cinema Rating:V14
MTRCB Rating: PG
Si Carmel (Kim
Chiu) ay nangunguna at nagtatag ng negosyong “PEKTUS” – isang grupo ng mga
ispiritista na nagpapalayas ng mga elemento o mga multo sa isang bahay o
anumang gusali. Kasama niya rito ang
matalik na kaibigang si Jeje (Ryan Bang). Bagama’t nasa lahi ni Carmel ang
pagiging ispiritista – ang lola niya (Marissa Delgado) ay isang kilalang
ispiritista – wala pa ring tunay na kapangyarihan si Carmel kung kaya’t ang
kanyang grupo ay pawang nanloloko o rumaraket lamang. Makikilala nila si Jack
Colmenares (Enzo Pineda) at kukunin ang kanilang serbisyo sa halagang isang
milyong piso. Bagama’t may alinlangan na sila’y mabuking, tatanggapin ni Carmel
ang trabaho para maisalba ang marerematang bahay ng kanyang lola. Mapaalis kaya
nila Carmel ang mga multo sa bahay ni Jack? Paano kung sila ay mabuking? Paano
kung totoo ang mga multo sa bahay ni Jack? Makaligtas kaya sila sa mga ito?
Walang masyadong
bagong inihain ang Da One That Ghost
Away ((DOTGA). Pawang luma ang konsepto maging ang mga patawa nito. Pinilit
naman itong itawid mga pangunahing tauhan tulad nila Chiu at Bang na mahuhusay
naman ngunit sadyang walang ibubuga ang kabuuan ng pelikula. Bagama’t may kuwentong
maituturing, wala itong mabigat na sentro. Walang mabigat na nakataya sa mga
tauhan at sitwasyon. Walang mapanghugutan ng anumang emosyon ang mga manonood.
Maging ang mga patawa’y tila gasgas at napaglumaan na. May mga ilang kiliti
ngunit hindi naman patok. Madaming eksenang nakakaburyo at nakakaantok. Hindi
malinaw ang nais iparating o ipadama ng pelikula. Nananakot ba sila o
nagpapatawa? Kung parehas man, parehas na kulang ang mga ito. Maayos pa naman
sana ang mga special effects at
disenyo ng peikula...maayos din ang mga kuha. Yun nga lang, wala itong kaluluwa
– marahil naging multo na rin lamang ang sana’y ikinaganda nito.
May mensahe ng
pagpapatawad sa pelikula. Malinaw ito at naging dalisay sa bandang huli. Ngunit
kung susuriin pang maigi, naka-sentro ang pelikula sa pagkunsinti sa “raket” na
maliwanag na panloloko ng kapwa. Pawang hindi sapat ang naging
kaparusahan sa kanila, bagkus, pinapalabas pa silang mga bayani sa huli.
Nakakabahala ito. Maging kung paanong ipinakita ang lakas ng kapangyarihang
itim. Saan mo man tingnan o ilagay, ang lahat ng ito’y sa kadiliman at para
ipakita ang uri ng lakas nito ay talagang hindi katanggap-tanggap. Maaari
namang gawing katatawanan ang mga patungkol sa multo ngunit dapat may maayos na
pinangagalingan at marapat na katwiran sa kabuuan. Hindi ito maliwanag sa
pelikula.
Hindi sapat na
dahilan ang matinding pangangailangan para manloko ng kapwa at hindi man lang makaramdam
ng pagsisisi kung hindi pa malalagay sa bingit ng panganib. Lalong hindi
magandang dahilan ang paggamit ng kapangyarihan sa paghihiganti. Bagama’t
nariyan ang pagiging magalang ng mga tauhan sa nakakatanda, at pagiging
maalalahanin sa pamilya – ang kabuuang mensahe na nais ipahiwatig ng DOTGA ay lubhang nakakabahala.
Nararapat lamang na gabayan ang mga batang manonood at sa ganang CINEMA, angkop
lamang ang palabas sa mga may gulang 14 pataas.