DIRECTOR: Jose Javier Reyes LEAD CAST: Ai-Ai delas Alas, Megan Young,
Zoren Legazpi, Sofia Andres SCREENWRITER: Jose Javier Reyes PRODUCER:
Roselle Y. Monteverde, Lily Y. Monteverde EDITOR:
Bebs Sabellano Gohetia MUSICAL
DIRECTOR: Michael Idioma, Immanuel
Verona GENRE: Family Drama-Comedy CINEMATOGRAPHER: Patrick Layugan PRODUCTION DESIGNER: Ericson Navarro DISTRIBUTOR: Regal Entertainment LOCATION:
Philippines RUNNING TIME: 103 minutes
Technical assessment: 2
Moral assessment: 3
CINEMA rating: PG 13
MTRCB rating: GP
Si
Virgie (Ai-ai Delas Alas) ay isang taga-probinsiya na nangarap ng magandang
kinabukasan para sa kanyang anak. Nang hindi na sapat ang kinikita nilang
mag-asawa sa bukid, napilitan si Virgie na tanggapin ang alok na trabaho sa
Maynila bilang yaya. Mamamasukan siya sa mayamang pamilya ni Antonio Sevilla
(Zoren Legaspi), isang biyudong may tatlong anak. Sa simulaĆ½ mahihirapan si
Virgie na makibagay lalo pa’t tila mahirap makasundo ang bagong asawa ni
Antonio na si Monique (Megan Young) na pilit ginugustong mapalapit sa mga bata
ngunit sadyang mailap sila dito. Mapapalapit naman si Virgie sa mga bata—bagay
na hindi magawa ni Monigue kung kaya’t sa halip na makabuti ay ito pa ang
maaring ikapahamak ni Virgie dahil
lingid sa kanyang kaalaman, kinaiingitan na siya ni Monique.
Maraming pagkukulang ang Our
Mighty Yaya pagdating sa mga teknikal na aspeto ng paggawa ng pelikula.
Kulang sa bigat ang kuwento at tila hindi maliwanag kung ano ang nais nitong
patunguhan. Ang mga patawa ay pawang pilit din na pinagtatakpan ng mga
magkakahiwalay na maliliit na eksena para lamang maging kakaiba at katawa-tawa.
Ngunit walang sinusundang malaking kuwento ang pelikula. Si Virgie bilang
pangunahin at sentrong karakter ay hindi gaanong nahimay at nahagod ang buong
pagkatao. Nabigo ang pelikula na ilabas ang kaluluwa ng kuwento. Nanatili ito
sa mga pormula at isteryotipikal na pagkukuwento. Sa madaling salita, walang
bagong inihain ang pelikula sa kabuuan.
Bagama’t maraming pagkukulang sa kuwento, hitik sa magagandang aral
ang Our
Mighty Yaya patungkol sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga kasambahay
sa ating pamilya. Pambihira na ang mga katulad ni Virgie pagdating sa
pagmamalasakit sa mga alaga at pamilya na kanyang pinagsisilbihan. Maaring sa
simula ay nahirapan si Virgie na makibagay sa kadahilanang nakikita siya ng mga
lahat ng tao sa bahay bilang pangit at ignorante—ngunit bandang dulo nama’y
lumutang ang kabutihan ng kanyang kalooban kung kaya’t nakuha rin niya ang nauukol
na paggalang at pagmamahal ng pamilya Sevilla. Isang huwarang yaya ang karakter
ni Virgie—bagay na mahirap nang makita sa tunay na buhay. Kung mapapanood ng mga yaya ang pelikula,
nawa’y magsilbing insipirasyon ito sa kanila upang pagbutihin ang kanilang
napiling papel na gampanan sa mga pamilya. Sa mga amo naman, isa ring mabuting
halimbawa ang pamilya Sevilla pagdating sa pagtrato sa kanilang yaya at
kasambahay. Hindi sila itinuturing na iba—bagkus sila ay pinakikisamahan ng
tama. May mga bata ring sobrang pilyo tulad ng mga bata sa pelikula—pero kung
minsan, ang kapilyuhan at pagiging spoiled
ay maaring maiwasan kung gagabayan nang tama ng magulang ang kanilang mga anak.
Dapat din itong makita sa pelikula—na ang paghubog sa karakter ng mga anak ay
hindi lang dapat iniaasa sa yaya o sa paaralan, pagka’t laging may malaking
papel ang magulang. Sa bandang huli ay pagmamahal pa rin ang namamayani—sa
gitna ng inggitan at alitan, ang kabutihan at pagmamahal ang magpapanatiling
buo sa pamilya, kasama na rin ang mga yaya at kasambahay. Bagama’t maaaring panoorin ito ng mga bata, may
mga eksena pa rin sa Our Mighty Yaya na nangangailangan ng gabay ng mga magulang.