DIRECTOR: Dan Villegas CAST: Jericho Rosales, Bela Padilla, Cholo Barreto,
Kim Molina PRODUCER: Joyce Bernal
SCREENWRITER:
Ays de Guzman PRODUCER: Joyce Bernal EDITOR: Marya Ignacio MUSICAL DIRECTOR: Emerzon Texon GENRE: Romantic Comedy CINEMATOGRAPHER: Mycko
David PRODUCTION
COMPANY: VIVA Films and N2 Production
DISTRIBUTOR: Viva Films COUNTRY:Philippines LANGUAGE:
Filipino RUNNING TIME: 95 minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: V14
MTRCB rating: PG
Magkukrus ang landas nina Joma (Jericho Rosales) at Diane (Bela Padilla)
sa panahon na pareho silang nahaharap sa matinding
pangangailangan sa pera. Talunan sa sugal si Joma at binabantaan na nang mahigpit
ang kanyang buhay ng kanyang pinagkakautangan.
Si Diane naman ay niloko ng kapartner sa maliit na negosyo, at mahigpit
na nangangailangan ng pangtustos sa ospital at mailigtas ang buhay ng biyudong
ama. Mapagpaniwala sa mga pampaswerte si
Joma kaya makakabili siya ng “life charm”—mistulang holen na luntian—na diumano’y
magdadala sa kanya ng solusyon sa mga pinansiyal niyang problema. Sa mga di sinasadyang pagkakataon na makikita
niya si Diane ay magaganda ang mga nangyayari sa kanya kaya matantanto niya na
si Diane ang life charm niya. Makikipagkilala at makikipagkasunduan siya kay
Diane na maging “business partners”. Sasamahan siya ni
Diane sa pagsusugal para masiguro ang panalo na paghahatian nila. Bilang life charm,
mas pisikal na malapit si Diane kay Joma ay mas malaki ang panalo at parehong
malulutas ang problema nila sa pera. Labis ang kasiyahan nila sa swerteng ito.
Kaya lang kundisyon ng life charm na hindi dapat sila
magkagustuhan dahil kapag nagkagayon ay mababaligtad ang swerte sa malas.
Bagamat predictable ang
kwento, maayos naman ang script ng Luck at First
Sight. Mahusay ang pagkakadirehe sa
mga nagsiganap. Natural at epektibo si Rosales at si Padilla sa
kani-kaniyang papel. Nakakaaliw din ang mga eksenang patawa nina Kim
Molina at Cholo Barreto bilang mga sidekick ng dalawa,
pero medyo OA ang dating ng eksenang nagpapa-sexy si
Diane sa harap ng kolektor ng ilaw na bading naman pala. Hindi rin makatotohanan ang disenyo ng
produksyon sa ilang mga eksena tulad ng sobrang linis na sabungan, pinipinturahang
botika, tindahang naputulan ng kuryente,
at sa ospital kung saan nasa private room
pa ang ama ni Diane gayong kapos nga sa pera. Wala rin sa hitsura ng ama na may sakit siya—masyadong
malusog ang dating. Mahusay ang editing lalo na ng mga eksenang nagpapakita
ng mga sunod-sunod na pagwawagi sa sugal ng dalawa. Akma ang mga inilapat na
musika at nakatulong upang paigtingin ang pinaghalong romansa at patawa ng
pelikula.
Parehong taliwas sa tamang
pagpapahalaga ang pagsusugal at paniniwala sa swerte ang lumulutang na tema ng Luck
at First Sight. Sa tindi ng pangangailangan, swerte at sugal
lamang ang idiniing solusyon ng pelikula.
Katulad ng nangyari sa kanyang ama ay sugal din ang naging dahilan kung
bakit nalubog sa utang si Joma pero mukhang hindi pa rin siya nadala—nangdamay
pa siya sa paniniwalang ito at sinamantala ang pagtitiwala sa kanya ni Diane. Lubhang kaakit-akit ang paglalarawan ng sugal
sa pelikula, na pinatamis pa ng pagkakahulugang-loob nina Joma at Diane. Dahil dito, baka hindi na mapansin ng manonood
ang positibong mensahe ng Luck at First
Sight: ang tunay na tagumpay ni Joma.
Bagama’t sa sugal muli siya umasa at pinalad namang manalo, ang sandali ng
kanyang tunay na pagwawagi ay noong talikuran niya ang kanyang pagiging sugapa sa
panalo. Hinimok siya ng kalaban sa sugal
upang “palakihin” pa ang kanyang napanaluhan, ngunit tumanggi siya. Ang mensahe sa puntong ito ay: nakilala na
niya ang kasawiang-palad na dulot na pagiging sakim sa panalong dala ng “swerte”. Tumanggi siyang isugal pa ang hawak na
salapi, at lumisan siya ng bahay-sugalan. Dahil sa tatag ng kanyang desisyon, nagawa
niya ang nararapat: ibalik ang perang dapat ay kay Diane, bayaran ang utang sa
nagbabanta sa kanyang buhay, at magsimula ng marangal na hanapbuhay. Paalala ng CINEMA: ang kabuhayan o pagkita ng
malaki ay pinaghihirapan at hindi dapat iasa sa sugal, anting-anting o
pampaswerte. Sa pagharap sa hamon ng buhay ay mahalaga na mayroon
pagsisikap, tamang desisyon, at pananalig sa tanging nagkakaloob ng biyaya na
walang iba kundi ang Diyos.