DIRECTOR: Jason Paul Laxamana
CAST: Angel Locsin, Sam Milby, Zanjoe Marudo, Matet De Leon,
Cherry Pie Picache WRITER: Charlene
Sawit-Esguerra & Patrick John Valencia
STORY: Enrico Santos CINEMATOGRAPHY:
Dexter Dela Pena EDITOR: Noah Tonga MUSIC: Jesse Lasatin PRODUCER: ABS CBN DISTRIBUTOR: Star Cinema GENRE: Romance Dramedy LOCATION : Philippines LANGUAGE: Filipino
RUNNING TIME: 119 mins.
Technical
assessment: 3
Moral assessment:
2
CINEMA rating: V18
MTRCB rating:
R13
Sabay na magtatapos sa kolehiyo na puno ng pangarap ang magkaklase
at magkasintahan na sina Andy (Angel Locsin) at Max (Sam Milby). Subalit lingid
sa kaalaman ni Andy ay nakapasa pala sa scholarship
sa ibang bansa si Max at doon magpapatuloy ng kursong medisina. Hindi ito
matatanggap ni Andy at magpapasya itong mag-break
na lamang sila bago umalis ni Max. Kapwa sila masasaktan sa pasyang ito, pero
hindi ito magiging hadlang para magpatuloy sila sa kani-kanilang buhay.
Makalipas ang ilang taon ay magbabalik si Max sa bansa at kokontakin si Andy. Masaya
si Andy sa balita at may pananabik na makikipagkita nga siya sa dating nobyo, subalit
ang pananabik ay mapapalitan ng pagkabigla at dismaya dahil malalaman niya na
bakla na si Max at kasama ang karelasyon niyang si Christian (Zanjoe Marudo) na
ipapakilala pa sa kanya. Kaalinsabay nito ay iba pang tila kamalasang darating sa
buhay ni Andy—iiwan siyang buntis ng boyfriend
at business partner at tatangayin pa
nito ang opisyal na pondo ng opisina para sa event project nila. Masisisante
siya sa trabaho, palalayasin siya sa inuupahang apartment dahil di siya makakabayad—nangangailangan pa naman siya
ng malaking halaga para sa placement fee
niya pagpunta sa Australia. Sa kagipitan tatakbo siya kay Max para humingi ng
tulong na di naman siya mabibigo dahil mismong si Christian ang umakong
sasagutin ang lahat ng pangangailangan niya sa pera sa kondisyong ipapaampon ni
Andy sa kanila ang ipinagbubuntis nito.
Maayos ang build-up ng
mga tauhan sa kwento ng Third Party. Hindi
tipikal na love triangle ang
pelikula katulad ng karaniwang ipinapakahulagan sa cliché na “third party.” Bagamat magiging predictable ang wakas, kaabang-abang
pa din ang naging trato ng direktor sa mga eksena. Mahusay ang mga pagganap ng
halos lahat ng pangunahin at katulong na artista. Lutang na lutang sa pagganap
ni Locsin ang background ng karakter
ni Andy. At natural na lumabas ang pagkaasiwa niya sa mga eksena ng relasyon ng
dalawang bakla. Nakakaaliw ang disensyo
ng produksyon gayundin ang make-up at
costume. Mahusay ang mga kuha sa
loob o labas ng bahay at sa mga detalye dito, sa mga clothing designs, at mga pagpapakita ng emosyon na masaya, masakit,
malungkot, pagkabigla, pagkainis, pagsisisi, atbp. Tama lamang ang mga pag-iilaw pati mga tunog
na nilapat. Sa kabuuan ay maayos ang teknikal na aspeto ng pelikula, maliban
lamang sa labis na mahahabang eksena ng pag-uusap sa isang banda, at sa kabila
nama’y kulang na pagpapalalim ng usapan o pagpapaliwanag sa mga desisyon, tulad
ng napakabilis na reconciliation ng
mag-ina. Madalas sa pelikula ang
paggamit ng luha (ng babae man o bakla) upang isaad ang nararamdaman—sa ganang
CINEMA, hindi bale sanang mababaw ang luha basta’t malalim ang pinanggagalingan. Hindi namin nakita ang lalim na iyon, pagka’t
parang minamadali ang mga eksenang magbibigay-katarungan sa bumabahang luha.
Hindi maiaalis na maghihinakit ang anak sa magulang na nag-abandon sa kanya. Sa Third
Party, tila pinalalabas na ito ang isang dahilan kung bakit tinatanggihan
ni Andy ang pagbubuntis niya. Bagama’t
ito may may base sa mga totoong nangyayari, hindi ito ang dapat gawing “excuse”
sa pagbubuntis nang wala sa panahon, sa pag-ulit ng kuwento ng
pagkakamali ng magulang sa anak, sa pagtigas ng puso sa inang
nagsusumamo. Si Andy, kung hindi pa
nabuntis, minalas-malas at nagipit, ay hindi lalapit sa ina. Isa pang mensahe
ng The Third Party ay:
katanggap-tanggap ang relasyon ng dalawang kapwa lalaki at mag-asam na
umampon ng sanggol upang makabuo ng pamilya. Maaari nilang samantalahin ang sitwasyon ng
isang taong nangangailangan upang matugunan ang pag-aasam na ito.
Napakabilis din ng pakikipagpalagayang-loob ni Andy kay Max na first love at first heartache pa man din niya, matapos siyang gulantangin nito
sa balitang siya’y isa nang bakla. Mahalaga
sa mga Pilipino ang delikadesa, ngunit ang pagsunggab ni Andy sa alok na set-up ni Christian ay hindi nagpapakita
ng delikadesa—sagot ninyo lahat ng gastos at luho ko, sige, inyo na baby ko.
Para bang “if the price is right, go!”
Halata na wala sa bokabularyo ng pelikulang ito ang delikadesa dahil
nakatutok ito sa mensahe ng acceptance
kaya pinalalabas na normal na sitwasyong ito. Turo ng ating Simbahan ang
pagtanggap sa kapwa anuman ang pagkatao o sexual
orientation, pero hindi ibig sabihin ay katanggap-tanggap na din ang mga
gawaing taliwas sa karapat-dapat. Sensitibo ang mga temang tinalakay sa
pelikula—teenage marriage, premarital
sex, abortion, same sex relationship at
adoption—at dahil idinaan sa komedya ang mga maseselang bahagi ng pelikula,
maaring makalito ito sa mga murang isipan.
Nang manood ang CINEMA, napuna naming magkahalo ang reaksiyon ng mga tao
sa paghahalikan ng dalawang lalaki—may tumitili, may nagsasabi ng “Kadiri!” Ngunit sa parteng nadatnan ni Andy sa
nakaka-kompromisong posisyon sa kama, nagtawanan lamang ang audience sa
inarteng reakisyon ni Locsin. Maging
pamanuring manonood tayo. Hindi lahat ng
nakakatawa ay katawa-tawa.