DIRECTOR: Lav Diaz LEAD CAST: Charo Santos-Concio,
John Lloyd Cruz, Michael De Mesa WRITERS: Lav
Diaz (screenplay), PRODUCERS: Lav Diaz, Ronald Arguelles EXECUTIVE PRODUCER: Ronald
Arguelles FILM EDITOR: Lav Diaz GENRE: Drama CINEMATOGRAPHY: Lav Diaz PRODUCTION DESIGN: Popo Diaz COSTUME DESIGNERS: Kim Perez, Kyla
Domingo SOUND DESIGNERS: Che Villanueva,
Corinne de San Jose PRODUCTON
COMPANY: Cinema One Originals, Sine Olivia Pilipinas DISTRIBUTED BY: Star Cinema LOCATION: Mindoro, Philippines COUNTRY: Philippines LANGUAGE: Filipino, English RUNNING TIME: 226 minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 2.5
MTRCB rating: R16
CINEMA rating: V18
Taon 1997, sa ika-30 taon ng
pagkakakulong ng gurong si Horacia Somorostro (Charo Santos), matatanggap niya
ang balita ng pagpapawalang sala sa kanya at ng kanyang ganap na paglaya.
Pagbabasehan ng utos na ito ang pag-amin ng tunay na salarin, si Petra (Shamaine
Buencamino) na pinakamalapit niyang kaibigan sa correctional. Mapapag-alaman ni
Horacia na ang utak ng kanyang pagkakasakdal ay ang dati niyang kasintahang si
Rodrigo Trinidad (Michael De Mesa), ang maimpluwensya at mayaman sa kanilang
lugar, na gusto siyang paghigantihan dahil sa pagpapakasal niya sa iba. Sa
kanyang paglaya ay babalikan ni Horacia ang kanilang bahay sa Bataan. Makikipagkita siya sa anak na si Minerva at
malalaman niyang pumanaw na ang kanyang asawa, at nawawala naman ang panganay niyang
anak, isang lalaki. Tatanggihan ni Horacia ang hiling ni Minerva na magkasama
na sila pagkat balak niyang hanapin ang nawawalang anak at maghiganti kay
Rodrigo. Sa pamumuhay mag-isa ni Horacia
ay may mga taong kapus-palad na gagawan niya ng kabutihan tulad ng baklang may
epilepsya na si Hollanda (John Lloyd Cruz), ang muret na Mameng (Judith
Javier), ang magbabalot na si Kuba (Nonie Buencamino), at ang may
karinderia na si Nena (Maven Estanero).
Nanalo ng pangunahing gantimpala na Golden Lion Award sa 2016 Venice Film
Festival ang pelikulang ito na binigyang inspirasyon ng “God Sees the Truth But
Waits” isang maikling kuwento ni Leo Tolstoy. Madaling sundan ang kwento
ng Ang Babaeng Humayo. Malinaw
na maipapakita sa pamamagitan ng voice
over ang mga kaganapan sa malawak na lipunan noong 1997, kasabay ng mga
kaganapan sa buhay ni Horacia—isang papel na buong husay na ginampanan ni
Santos. Naging epektibo ang paggamit ng black and white sa pagsasalamin ng mga
nakalulungkot na realidad ng kalagayang sosyo-politikal ng lipunan. Mahaba sa karaniwan ang pelikula, halos apat
na oras na walang makikitang kulay; halatang sadyang hinabaan ng direktor ang
mga kuha ng kamera upang bigyan-diin ang mga mensahe na nais nyang ipahatid.
Dalawang bagay ang maaaring maging resulta nito sa manonood—makapag-nilaynilay
sa isinasaad na mensahe, o kaya ay mainip at tuluyang makatulog. Sa kabila ng
kawalan ng kulay ay mahusay ang mga komposisyon. Long shots at madidilim ang karamihan sa mga ito pero dama ang
emosyon. May hatid na suspense ang
mga kilos ni Horacia para makapaghiganti at kaabang-abang kung maisasakatuparan
niya ito kaalinsabay ng mga kabutihang loob niya sa mga kapus-palad. Nakaaaliw
ang mga inilapat na tunog na natural ang mga dating tulad ng mga motor, huni ng
ibon, paglalaba, paghahalungkat, mga daing at pighati. Ang lalong panalo ay ang
lighting o pag-iilaw lalo na ang mga
eksena na kailangang magpakita ng literal na ilaw o bombilya. Sa isang black
and white na pelikula ay sa lighting talaga maaaring maglaro ang direktor at
epektibong nagawa ito ni Diaz.