Friday, November 8, 2013

Metro Manila


LEAD CAST: Jake Macapagal, Althea Vega, John Arcilla, Erin Panlilio, Moises Magisa, Ana Bad-Santos, MailesCanapi  DIRECTOR: Sean Ellis SCREENWRITER:  Sean Ellis, Frank E. Flowers  PRODUCER: Mathilde Charpentier, Sean Ellis, Enrique Gonzales, Celine Lopez  EDITOR: Richard Mettler  MUSICAL DIRECTOR:  Robin Foster  GENRE: Mystery & Suspense, Drama  CINEMATOGRAPHER: Sean Ellis
DISTRIBUTOR: Captive Cinema  LOCATION: United Kingdom, Philippines RUNNING TIME: 115minutes

Technical Assessment:   4
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating:  V 14 (Age 14 and above)

Sinisikap buhayin ni Oscar (Jake Macapagal) ang kanyang mag-ina mula sa pagsasaka sa bukid. Tipikal na buhay probinsya ang mayroon sila, salat sa pera pero di naman nawawalan ng simpleng pagkain sa mesa.  Dahil sa kakapusan sa pera ay mapipilitan si Oscar na makipagsapalaran sa Kalakhang Maynila; dadalhin  niya ang pamilya doon sa pag-asang naroon ang asenso nila.  Sa pagsuong nila sa buhay lungsod ay ibayong hirap ang kanilang mararanasan. Mapipilitan silang subukin ang iba't ibang uri ng mga hamon sa lungsod upang kumita ng pera. Makakakuha naman sana ng maayos na trabaho at kita si Oscar bilang driver ng armored car, subalit sa kasamaang-palad ay sangkot pala sa illegal na gawain ang mga inaakala ni Oscar na mga kaibigan.  Kaya sa halip na maahon sila sa kahirapan ay lalo palang masasadlak sila sa kadiliman.  Pati ang asawang si Mai ay papasukin ang hanapbuhay na pagsasayaw at pagpapakita ng katawan para makaraos sa araw araw. 

Gasgas na tema ng tagaprobinsya na nabigong makasumpong ng magandang buhay sa lungsod ang Metro Manila, subalit nilagyan ng tratong mas makatotohanan at  maingat na pagkakahabi ng kwento. Ginamitan ang pelikula ng mga makahulugang linya at pagpapakita ng dalawang mukha ng pamumuhay at kapaligiran sa pamamagitan ng magandang sinematograpiya.  Akma at epektibo ang mga ginamit na ilaw at inilapat na tunog at musika. Naging kasangkapan ang mga elementong ito ng palabas para maging wasto lamang ang mga pagganap, walang masyadong lumutang at wala di naman nagpahuli.  Tila binuhos ng direktor sa ibang teknikal na aspeto ng pelikula ang lahat ng malikhaing ideya sa halip na pigain sa motibasyon ang mga nagsiganap.  Gayun pa man, naging matagumpay ang direktor sa paghahatid ng isang maituturing na obra dahil sa makabuluhang kabuuan nito.

Ipinakita sa Metro Manila ang mga bulok na kalakaran at mapagsamantalang nilalang sa kalunsuran.  Hindi naman masama ang maghangad ng magandang buhay sa kahit saang lugar, subalit ang mga inosenteng mamamayan mula sa  probinsya  ay madalas na nagiging biktima at nasasadlak sa kawalan ng pag-asa katulad ng nangyari sa pamilya ni Oca.  Naging mga responsable naman at nagsikap upang makaraos sa di nakasanayang buhay lungsod ang mga pangunahing tauhan sa pelikula. Subalit di sila nakaligtas sa mapagsamantalang nilalang sa lungsod.  Nakakapanglumo ang mga eksena kung saan pinapakita kung paano nakakaladkad sa bulok na kalagayan ang pamilya. Nakakagalit ang pinakita na mundo ng prostitusyon kung saan kahit ang walang muwang na musmos ay pagnasaan laban sa pita ng laman.  Sa pamamagitan ng pelikula ay hinahamon ang manonood na maging matalino at mapanuri sa pinapasok na kabuhayan, siguraduhing wala itong lakip na anomalya na maaring magpahamak sa isang tao.  Sa kabuuan ay magkahalong awa, galit at pagnanais na kumilos ang mararamdaman ng manonood ng Metro Manila; mapupukaw ng pelikula ang kamalayan ng tao tungkol sa mga totoong nangyayari sa lipunan, partikular ang mga nasa likuran ng nakakaakit na kaunlaran sa lungsod.