Cast: Jericho Rosales, Bugoy Carino; Director: Ian Lorenos; Screenplay: Ian Lorenos; Distributor: Star Cinema; Running Time: 88 minutes; Genre: Drama; Location: Manila/ Hongkong
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: PG
13 for
viewers 13 years old and below with parental guidance
Makikita si Robert (Jericho Rosales) na
palibot-libot sa mga kalsada ng Hong Kong na tila may hinahanap. Kasabay nito,
makikita ang mga eksena ng kanyang nakalipas kapiling ang anak na si Brian
(Bugoy Carino). Namatay ang asawa ni Robert sa panganganak kaya mag-isa niyang
itinataguyod si Brian sa pag-aahente. Kahit nahihirapan, kita ang pagmamahalan
ng mag-ama bagama’t madalas silang nagkakabangga at nagkakasagutan. Minsang
matapos ang matinding pagtatalo ng dalawa, mamamasyal sila sa mall. Ngunit mawawaglit si Brian sa
paningin ni Robert nang ito ay iwan niya sa palikuran ng mall. Nang ito ay kanyang binalikan, wala na si Brian. Sa kanyang paghahanap, malalaman niyang
maari itong kinidnap ng mga sindikatong dumudukot ng mga bata at dinadala sa
Hongkong upang gawing pulubi. Gagawin lahat ni Robert, makita at mailigtas
lamang ang anak. Magtagumpay kaya siya sa kanyang paghahanap?
Mariing napahatid ng Alagwa ang damdamin at sanga-sangang emosyon sa relasyon ng mag-ama
habang tinatalakay din nito ang napakahalagang suliraning panlipunan na human trafficking. Matagumpay ang pelikula sa pagtataguyod
ng relasyong Robert at Brian. Pinaigting itong lalo ng kahusayan ng dalawang
aktor sa pagganap. Hindi matatawaran ang galing ni Rosales sa pelikulang ito.
Akmang-akma ang papel na Robert sa kanya. Maayos din ang kuha ng kamera pati na
rin ang komposisyon ng bawat eksena. Natural na dumadaloy ang emosyon sa
pelikula at hindi pilit. Pawang sumisilip sa mga eksena ng tunay na buhay ang
mga manonood habang pinapanood kung paaanong nagkakagalit at nagbabati ang
mag-amang Robert at Brian. Kung kaya’t ganun na rin lang ang pag-aalalang
naramdaman ng manonood nang mawala si Brian. Isang matinding bagay ang nakataya
kung kaya’t mauunawaan ng manonood kung bakit biglang naging mistulang sanggano
si Robert na handang kalabanin kahit sino mahanap at mailigtas lamang ang
nawawalang anak.
Hanngang saan nga ba ang kayang gawin at
isakripisyo ng isang magulang para sa anak? Kahanga-hanga ang paglalahad ng
pelikula kung gaano kawagas ang pagmamahal ng isang ama sa anak. Hindi tumigil
si Robert hanggang sa huli makita lamang ang nawawalang anak. Katulad din ng
walang tigil niyang pagta-trabaho maitaguyod lang at mapag-aral ang anak sa
gitna ng kahirapan ng buhay. Paminsan-minsa’y kakikitaan ng kalupitan si Robert
kay Brian ngunit mauunawan pa rin na bugso lamang ito ng damdamin sa hangaring
mapabuti ang anak. Sinalamin din
ng pelikula ang tunay na mukha ng kahirapan sa bansa, na kung minsan ay hindi
pantay-pantay ang pagkakataon para sa lahat kung kaya’t marami ang umaasa na
lamang sa suwerte tulad ng pagkapanalo sa lotto (na siyang naging dahilan kung
bakit nawaglit kay Robert si Brian). Ang pinakamasaklap pa nito’y kung paanong
ang kahirapan ay nagiging dahilan ng paggawa ng mga tao ng karumal-dumal na
krimen tulad ng human trafficking
kung saan mga inosenteng bata ang nagiging biktima. Isang matinding pagtapik
din ang pelikula sa gobyerno at awtoridad na gawin ang kanilang tungkulin upang
masugpo ang mga ganitong uri ng krimen na madalas ay nangyayari sa mga
lansangan. Ngunit higit sa lahat, isang matinding pagpapaalala ang Alagwa sa lahat ng manonood na maging
mas mapagmatyag at hangga’t maaari’y tulungan ang gobyerno at lipunan na
magbago. Na ang bawat isa ay may pananagutan sa kapwa at anumang masama o
mabuting nangyayari sa bawat isa, lahat tayo ay may pananagutan. Dahil sa tema
at ilang eksena ng karahasan, pinagpapalagay ng CINEMA na ang pelikula ay
maaaring panoorin ng mga batang edad 13 gulang bababa, bagama’t dapat silang samahan at
gabayan ng mga magulang.