Lead cast: Ai-ai delas Alas, Marian Rivera; Direction: Onat Diaz; Screenplay: Onat Diaz; Location: Isla Marikit; Genre: Fantasy-Comedy; Running Time: 102 minutes; Distributor: Star Cinema
Technical Assessment : 3
Moral Assessment: 2.5
MTRCB rating: PG13
CINEMA rating: V14
Huling pagkakataon na ni Charlotte (Ai-ai delas
Alas) na magkaroon ng titulo bilang beauty
queen kaya pagbubuhusan niya ng panahon ang paghahanda para sa Hiyas ng
Dalampasigan. Mabigat ang hamon para sa kanya na magkaroon ng korona dahil
tanging siya na lamang ang hindi pa nananalo sa beauty contest sa kanyang pamilya. Abot kamay na sana niya ang
korona sa Hiyas ng Dalampasigan nang biglang dadating at sasali si Samantha (Marian
Rivera) at aagawin ang titulo. Ang bangayan ng dalawa ay mauuwi sa personalan
hanggang matuklasan nila na sila pala ay kambal na anak ng isang hari sa Tsina
na kinakailangang matutong magtulungan upang maipagtanggol ang kanilang
kaharian laban sa nagbabadyang kasamaan.
Sa kabuuan, masisiyahan ka naman sa Kung Fu Divas dahil mahusay sina delas
Alas at Rivera sa pagganap at sinikap iangat ang antas ng produksyon. Dahil
sanay na rin naman ang manunuod sa istilo ng patawa ng pelikulang Pinoy ay
patatawarin na nila ang kababawan ng komedyang nakahain. Kaya nga lamang,
nakalimutan ng mga nasa likod ng produksyon na ang isang elemento ng tagumpay
ng isang pelikulang maraming computer generated
effects at chroma screen ay ang
maihabi ito nang mahigpit sa eksena para magmukhang isang tunay na mundo ang
ginagawalan ng mga tauhan. Sa Kung Fu Divas,
tiniyak na matutukoy ang bawat special
effects na ginawa at nagsusumigaw sa pagyayabang ang pelikula na kaya na rin nitong makipagsabayan sa
Hollywood. Pero malayong-malayo pa ang lalakbayin ng produksyon hangga’t hindi nito
natututuhang maging pino at pulido. Maganda sana ang konsepto pero mahina ang pag-unlad ng
kwento. Naroroon pa rin ang tagpi-tagpi at pampahabang mga eksena. Sa totoo
lang, kitang-kita na pinilit hubugin ang kwento para mabigyang-katwiran ang
pagkuha sa dalawang bida sa halip na iayon ang artista sa nabuong istorya.
Kulang din ang pagkakabuo sa mga katauhan kaya’t halos hindi nila nakuha ang
simpatiya ng manunuod—hindi mo nga maalala ang mga pangalan nila sa pelikula. Nakakabagabag
pakinggan ang madramang usapan ng dalawa habang nasa bingit ng kamatayan ; baka
mas gustuhin mo pang mahulog na lamang sila at tuluyan nang maglaho sa kawalan
kaysa tiisin mo ang walang katuturang drama. Bilang isang pelikulang kung fu, salat na salat ito sa aksyon at
teknik sa mga eksenang aksyon. Pinilit pagtakpan ng mga malalapitang kuha ang
mga fight scenes para hindi
mahalatang kulang sa kakayahan, galing, magandang koreograpiya, at buhay sa
pagganap ng kanilang mortal na kalaban.
Ano nga ba ang kahulugan ng kagandahan? Sa Kung Fu Divas, nag-uumapaw ang pasaring
sa ideyang panlabas na anyo lamang ang batayan ng kagandahan ng babae at ang
halaga niya ay nasa dami ng humahanga sa kanyang itsura. Sinikap bigyang diin
ng pelikula ang mensahe na panloob na kagandahan at kabutihan ng ugali ang
higit na mahalagang sukatan ng sukatan ng pagkatao ng isang babae. (Sana nga lamang ay nakuha ito ng mga
manunuod na abalang-abalang tumatawa sa paulit-ulit nitong komedya). Marami
rin isiningit na aral ukol sa pagkakaisa, pagmamalasakit at pagsasa-isangtabi
ng sariling interes para sa kapakanan ng mas nakararami. Pero kasabay nito, may
mga patawang hindi lamang paulit-ulit kundi medyo nakaka-ilang na ring panuorin,
tulad ng paglaglag ng salawal ng mga kababaihan nang makakita ng makisig na
lalake. Nakakalungkot din ang tuwirang pagbansag na “pangit” sa mga babae sa
pelikula, lalo na iyong ginamit na artista para sa dating mukha ni Samantha
bago siya nagpa-ayos ng mukha at katawan kay Vicky Belo. Sa kabila ng magandang hangad nito at
tila malinis na pagpapatawa, hindi angkop ang pelikula sa mga batang manunuod.